Part 38

75.3K 1.8K 212
                                    

Sumikdo ang puso ni Cherry. "You... love me?" halos hindi humihingang usal niya.

May sumilay na ngiti sa mga labi ng binata at ginawaran siya ng magaan na halik sa mga labi bago muling sinalubong ang kanyang tingin.

"Dahil sa 'yo kaya na-realize ko na nagsasayang lang ako ng oras sa dati kong lifestyle. Because of you, I broke all my personal rules and allowed myself to get close to you. Sa 'yo ko lang sinabi ang lahat ng tungkol sa akin, wala akong pinagsabihan kahit ang mga matalik kong kaibigan. Makita lang kita, makasama... maisip nga lang, eh, para nang may init na humahaplos sa dibdib ko.

"You filled my heart with so much happiness that sometimes I have trouble breathing. Dahil sa 'yo, naging madali para sa akin ang bitawan ang lahat ng masasakit na pangyayari sa nakaraan. I was able to accept my family situation no matter how imperfect and abnormal it is. And since we got a chance to spend time together, I have always been thinking of forever. Tingnan mo nga, nagiging cheesy pa ako. Hindi pa ba sapat na patunay ang mga 'yon para maniwala ka na mahal kita?"

Tuluyang naluha na naman si Cherry. "Mahal din kita. Habang lumilipas ang mga araw na magkasama tayo ay nahuhulog na ang loob ko sa iyo. Pero habang minamahal kita, lalo akong natatakot. Lalo na at mukhang hindi lang ako ang nahuhulog ang loob sa 'yo; maging si Justin, alam kong minamahal ka na rin. Natakot ako na baka magalit ka at layuan na kami kapag nalaman mo ang nangyari noon. Natakot ako na baka masaktan kami ng anak ko kapag nangyari iyon. I was afraid that you don't love me the way I love you. The more I love you, the more I feel afraid that you will not accept us."

Pinahid ni Jay ng mga daliri ang kanyang mga luha at masuyo siyang hinalikan sa mga labi. "Sshh, I know how it feels to be afraid of loving someone. Ganoon ang naramdaman ko sa iyo noon kaya nga ako umiwas, hindi ba? Pero hindi na lang ito tungkol sa ating dalawa, Cherry. Tungkol na rin ito sa anak natin. Mahal kita at mahal ko si Justin bago mo pa man sabihin sa akin na anak ko siya. I want to spend the rest of my life with the two of you. I want to have more children with you and build a happy family that I have always craved for. So... marry me?"

Sinalubong ni Cherry ang mga mata ng binata. Nakikita niya roon ang pagmamahal at pag-asam. Tila lumobo ang kanyang puso at hindi na siya nakatiis. Ikinulong din niya ang mukha nito sa kanyang mga kamay at kusang hinalikan.

"Yes, I want to marry you," bulong niya sa mga labi ni Jay.

Sabay pang gumuhit ang ngiti sa kanilang mga labi bago siya niyakap ng binata at siniil ng halik.

"Let's go and tell your family. Gusto ko ring malaman ni Justin ang tungkol sa akin," wika ni Jay nang maghiwalay ang kanilang mga labi.

"Sigurado akong matutuwa siya kapag nalaman niya na ikaw ang tatay niya. Hindi ko nga lang sigurado kung ganoon din ang mararamdaman ng pamilya ko," nag-aalalang sabi ni Cherry.

Hinalikan ni Jay ang tuktok ng kanyang ulo bago bumuntong-hininga. "Malamang makakatikim ako ng ilang suntok mula kay Charlie at baka pati sa ama at lolo mo, but I will manage. Ang mahalaga ay mahal natin ang isa't isa at magiging tunay na pamilya na tayo. Hindi mo na kailangang magpanggap na asawa ko dahil magiging totoo na 'yon. I have been wanting to make it come true from the moment we went to the mall with Justin."

Nabagbag ang kanyang damdamin at tumingala upang makita ang mukha ni Jay. "I love you, Jay."

Buong pagmamahal na ngumiti ang binata at hinaplos ang kanyang pisngi. "I love you, too. Pagkatapos natin makausap ang pamilya mo, isasama ko kayo ni Justin para ipakilala naman sa nakilala kong ama at sa pamilya niya."

"At ang tunay mong ama?" tanong niya sa maingat na paraan.

Huminga nang malalim si Jay. "Ngayon, alam ko na ang pakiramdam na makilala ang anak na hindi ko alam na mayroon pala ako. Nakakabigla pero masarap sa pakiramdam na may nabubuhay na dugo at laman mo. I want my real father to feel the same way. Kaya kapag handa na tayo, pupuntahan natin siya."

Gumanti ng ngiti si Cherry at hinaplos din ang pisngi ng binata. "Masaya akong marinig iyan."

Hinawakan ni Jay ang kamay niyang nasa pisngi nito at hinalikan. Pagkatapos ay biglang nagbago ang ekspresyon sa mukha nito at kumislap ang mga mata na parang may biglang naisip.

"Pero bago ang lahat..." May sumilay na pilyong ngiti sa mga labi ni Jay at bumaba ang isang braso sa kanyang baywang. Naging sensuwal ang haplos ng kamay nito sa kanyang tagiliran.

Bumilis ang tibok ng puso ni Cherry at nag-init ang pakiramdam. Lalo na nang unti-unting bumaba ang mga labi ni Jay sa kanya.

"Hindi na natin masyadong matandaan kung paano nabuo si Justin, hindi ba? Time to reenact what happened eight years ago."

Natawa siya nang malakas. Subalit nang tuluyan naman siyang halikan ni Jay ay ipinaikot pa niya ang mga braso sa leeg nito upang gumanti ng halik. Sa pagkakataong iyon ay parehong malinaw ang kanilang mga isip. At hindi na sila estranghero sa isa't isa.

This time, they did it for love.

KATULAD ng inaasahan ay nagkaroon ng pag-igkas ng kamao ni Charlie nang sabihin nina Cherry at Jay ang tungkol sa nangyari walong taon na ang nakararaan. Nagalit ang lolo at mga magulang ni Cherry, lalo na ang kuya niya na nanumbat pa at muntik nang putulin ang pagkakaibigan nito at ni Jay.

Mabuti na lamang at nasabihan na niya si Justin kanina pa lamang na umakyat sa kuwarto nito at huwag bababa kahit ano ang mangyari; kung hindi ay baka nasaksihan ng kanyang anak ang nangyari.

Subalit nang sabihin nila ni Jay na magpapakasal sila ay nakalma ang lolo at mga magulang niya. Katunayan ay masyado ngang natuwa ang tatlo. Ang Kuya Charlie lang niya ang medyo matagal bago nila nakuha ang permiso at napalis ang galit.

Pinakaemosyonal para kay Cherry ay nang sabay na nilang kausapin ni Jay si Justin. Nang sabihin nila sa anak na si Jay ang tunay nitong ama ay labis ang saya ng bata at walang pagdadalawang-isip na niyakap ang ama. Nang makita niyang namasa ang mga mata ni Jay habang yakap nang mahigpit si Justin ay nag-init din ang kanyang mga mata.

At kahit maraming taon ang lumipas at pareho na silang tumanda, sigurado si Cherry na hinding-hindi niya makakalimutan ang sandaling iyon. Habang-buhay na mananatili sa kanyang isip ang imahe ng mag-ama.

Nang mapatingin si Jay sa kanya at magtama ang kanilang mga mata ay ngumiti siya. Pagkatapos ay lumapit siya at niyakap ang dalawa.

"Mahal ko kayong dalawa," bulalas niya.

Nagkatinginan sina Justin at Jay bago kapwa nginisihan si Cherry. She was struck with the realization that they have the same smile. Akala niya, lahat ng pisikal na hitsura ng kanyang anak ay nakuha sa kanya. Pero ang ngiti pala ni Justin ay kay Jay nito nakuha.

Napakurap si Cherry nang biglang halikan ng dalawa ang magkabilang pisngi niya at sabay pa siyang niyakap.

"I love you too, Mommy," sabi ni Justin.

"I love you more, Mommy," pilyo ring segunda ni Jay.

Napangiti si Cherry. Akala niya noon ay hindi siya ang tipong makararanas ng ganoon katinding kaligayahan. That it only happened to the kind people like her best friend Jane. Ngayon, alam na niya na kahit sino pala ay posibleng maranasan iyon, basta kapiling ang mga taong importante at minamahal.

~WAKAS~


a/n: dito po nagtatapos ang book 4 ng Bachelor's Pad series. marami pong salamat sa pagbabasa! next week na po ang book 5. ^__^

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon