Part 16

37.8K 881 17
                                    

KAPAPASOK pa lamang ni Cherry sa kanyang opisina matapos mag-ikot sa kanilang shoe factory nang tumunog ang cell phone niya. Sumikdo ang kanyang puso nang makita ang pangalan ni Jay sa screen.

Ilang araw na mula nang lumabas sila ni Justin kasama ang binata. Ilang araw na ring wala silang balita ni Jay sa isa't isa kahit palaging may umuudyok sa kanya na i-text man lang ito. Napigilan lang niya ang sarili dahil bukod sa hindi niya alam kung ano ang sasabihin ay naisip niyang baka abala ang binata. Pero ngayon ay si Jay ang tumatawag sa kanya.

Inilapag muna ni Cherry sa office table ang mga bitbit bago huminga nang malalim at sinagot ang tawag. "Yes?"

"Cherry," bati ni Jay sa kabilang linya.

Napapikit siya dahil sa mainit na sensasyong nadama nang marinig ang boses ng binata. Ilang araw pa lang ang nakararaan pero pakiramdam niya ay matagal nang hindi naririnig ang boses nito. "Jay... Napatawag ka," sambit niya, kasabay ng pag-upo sa swivel chair.

"Actually, dapat noong Lunes pa kita balak tawagan. But I got busy with a case, so I wasn't able to do it. Besides, gusto ko na ma-miss mo ako nang kaunti," pabirong sabi ng binata.

Naitirik ni Cherry ang mga mata kahit hindi naman siya nito nakikita. Sa totoo lang ay epektibo ang ginawa ni Jay dahil kahit pinipigilan ang sarili ay hindi niya naiwasang hanap-hanapin ito nang mga nakaraang araw. Pero wala siyang balak sabihin sa binata ang tungkol doon.

"So, bakit ka napatawag?" tanong na lang niya.

Tumikhim si Jay sa kabilang linya bago nagsalita. "Are you busy tonight? Let's go out and have dinner together."

Natigilan si Cherry. "Kasama si Justin?" tanong niya.

"I would love to but let's do that next time. Gusto kong tayong dalawa muna ngayong gabi."

Bumilis ang tibok ng kanyang puso at nahigit ang hininga. "W-why?" bulong niya.

Amused na tumawa si Jay sa kabilang linya. "Why? Because I want to see you. And I want to talk to you about something. Kahit sa restaurant na malapit sa trabaho mo na lang tayo magkita. Ako na lang ang bibiyahe papunta diyan. So let's have dinner together, Cherry."

Nakagat niya ang ibabang labi at sandaling nag-alangan. Pero naisip din na wala naman sigurong masama kung lalabas sila ni Jay. Siguro naman ay matatawag na silang magkaibigan, hindi ba? So it was just going to be a friendly dinner. Nakikipagkita rin naman siya sa mga kaibigan niya para kumain sa labas.

Pero hindi ka lumalabas na lalaki ang kasama mo, remember? buska ng isang bahagi ng isip ni Cherry. Hindi na lamang niya iyon pinansin.

"Cherry?" untag ni Jay.

Huminga siya nang malalim. "Okay. Let's have dinner." Sinabi niya kung saan sila magkikita, maging ang direksiyon kung paano makakarating doon. Habang tumatagal ang pag-uusap nila ay lalo siyang nakakaramdam ng antisipasyon. Dahil kahit anong pagtanggi sa sarili ay gustong-gusto talaga niyang muling makita ang binata.

"Okay. I got it. See you later, Cherry."

Napangiti siya. Hindi niya alam kung imahinasyon lang, pero tila may himig ng lambing ang boses ni Jay nang sabihin iyon. "See you, Jay."

Nagpakiramdaman pa sila kung sino ang unang puputol sa tawag. Natawa tuloy si Cherry at muling nagpaalam bago tuluyang pinindot ang End Call button. Ngiting-ngiti pa ring napatitig siya sa cell phone na hawak at binalik-balikan ang pag-uusap nila ni Jay.

"Ngayon lang uli kita nakitang tumawa at ngumiti nang ganyan, Cherry."

Nawala ang ngiti niya at gulat na napatingin sa pinto na hindi niya namalayang nakabukas na pala. Nakatayo roon si Don Carlos Mariano, ang nasa likod ng matagumpay nilang mga negosyo kabilang na ang shoe factory na pinamamahalaan niya.

Gulat na napatayo siya. "Lolo!" Lumapit siya sa abuelo at hinalikan ito sa pisngi. "Hindi mo sinabi sa akin na pupunta ka ngayon."

"Gusto kitang sorpresahin at aayain sanang maghapunan mamaya pero mukhang may date ka na," sagot ng kanyang lolo na biglang naging mataman ang tingin sa kanya. "Sinong Jay ang kausap mo? Iyong kaibigan ni Charlie?"

Nailang si Cherry at bahagyang umatras palayo. "Opo."

Marahang tumango si Don Carlos. "At siya rin ang bukambibig ni Justin nitong mga nakaraang araw. Your son is idolizing him. At ngayon ay nakita kitang tumawa na matagal ko nang hindi nakikita. He must be a good person."

Sandaling sumagi sa kanyang isip ang nakangiting mukha ni Jay, ang sinserong pakikitungo sa anak niya, at ang pagkukuwento tungkol sa pamilya nito. Marahil ay nakaapekto lamang kay Jay nang husto ang sitwasyon ng ina nito noon. Maybe the reason why he was always with women since way back was because he was searching for the warmth and comfort that her mother never gave him. Ang mali lamang ng binata ay hinanap nito sa maraming babae ang dapat ay sa isang babae lamang hinanap. Kung bakit ganoon ang naging desisyon ni Jay ay hindi pa niya alam.

Subalit sigurado si Cherry na may dahilan ang binata. Because he might be a ladies' man but she knew that he was really a good person.

"Nakikita ko sa mukha mo ang sagot," amused na sabi ng kanyang lolo.

Napakurap siya at nang mapatingin sa mukha ng matanda ay napaungol. "Oh, no, Lolo. Hindi katulad ng iniisip mo ang ugnayan namin ni Jay. Magkaibigan lang kami."

Umangat ang kilay nito. "Bakit magkaibigan lang kayo? Kung mabait siya at single, go for it, apo. Tutulungan pa kita kung gusto mo. Katulad ng ginawa ko kay Jane. After all, I also want you to be happy. Bonus pa na gusto siya ng anak mo."

Sunod-sunod na umiling si Cherry. Gumagana na naman ang pagiging pakialamero ng lolo niya. Hindi niya ito sinaway noon dahil ang Kuya Charlie naman niya ang kinulit nito at hindi siya. Isa pa ay matagal na niyang alam na may gusto si Jane sa kanyang kapatid kaya tumulong pa nga siya sa pagmamanipula ni Lolo Carlos para magkatuluyan ang dalawa. Subalit iba sila ni Jay. Mauuwi lang sa disaster kung aaktong matchmaker ang lolo niya. Dahil hindi tulad ni Jane, may nangyari sa nakaraan ni Cherry na kahit anong gawin ay siguradong makakaapekto sa hinaharap niya kapag nagkamali siya ng desisyon. Maging ang anak niya madadamay.

"I can't have a relationship with him or with anyone, Lolo," sabi na lamang niya.

Kumunot ang noo ng abuelo. "Bakit naman? Huwag mong sabihin sa akin na hinihintay mo pa rin na bumalik sa iyo ang dati mong kasintahan?" galit nang tanong nito.

Napangiwi siya. "Hindi po. Lolo naman, matagal na 'yon. Hindi ko na siya mahal. Pangako. Pero hindi pa rin puwede. Nagdesisyon ako nang ipanganak ko si Justin na ilalaan ko ang buong buhay ko para sa kanya. Iyon lamang ang magagawa ko para mapunan ang katotohanang lumaki siyang walang ama. Okay na ako sa anak ko."

"Kung ganoon, bakit lalabas ka pa rin kasama si Jay kung wala ka naman palang balak pumasok sa isang relasyon?" duda pa ring tanong ng matanda.

Bakit nga ba? Bakit hindi ko mapigilan ang kagustuhang makita siya kahit alam kong hindi ako puwedeng maging mas malapit pa sa kanya?

Napabuntong-hininga si Cherry. "May sasabihin daw kasi siya sa akin. At dahil pinagbibigyan niya ang kapritso ng anak ko, dapat lang na pakinggan ko siya, hindi ba?" palusot na lang niya.

Mukhang hindi pa rin kumbinsido ang kanyang lolo na umismid na lang. "If you say so. Siya,uuwi na lang muna ako dahil may iba ka palang lakad. Tawagan mo si Justin para sabihin na gagabihin ka ng uwi. Ang apo kong 'yon na lang muna ang pagtutuunan ko ng pansin ngayong gabi," paalam ng matanda at tumalikod na.

Naiwan si Cherry na nakahinga nang maluwag. Alam niya na hindi iyon ang magiging huling pag-uusap nila ni Lolo Carlos tungkol kay Jay. Kilala niya ang abuelo. Kapag may naisip ito ay hindi titigil hangga't hindi nangyayari ang gusto. Pero at least, sa ngayon ay hindi ito makikialam.

Bachelor's Pad series book 4: LADIES' MANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon