Chapter 5:
Maria “Maggie” Grace Isidro Evangelista
Hindi ako makapag-concentrate sa nire-review ko. Pilit na pumapasok sa isip ko si Dave. Ang ngiti niya—pamataaay!
Pwede ba kitang ihatid pauwi mamaya.
Paulit-ulit kong naririnig sa isip ko.
Minsan lang ako pansinin ni Dave kaya bawat pagkakataon ay talagang memorable. At dahil hindi ako makapag-aral nang maayos kakaisip sa kanya ay humiga na lang ako sa kama.
Ikaw ba ‘yung kumakanta?
Para akong naging bato nang mga oras na ‘yun. Ni hindi nga yata ako nakabigkas ng anumang salita, eh, kundi isang pagtango lang. Kilig na kilig ako nun. Biruin mo na ang isang gwapong kagaya niya ay pupurihin ang tinig ko. Kaya simula noon, sa tuwing nasa malapit siya, kanta ako nang kanta para mapansin niya. Kahit pa nang minsan siyang nagalit sa akin dahil napahiya ko siya sa canteen—wala ‘yun—agad din naman kaming nagkaayos.
Pero nitong mga huling araw ay para na lang akong hangin sa kanya. Kahit anong kanta o pagbati ko sa kanya, wala lang. Hindi niya ako pinapansin, kaya kanina naisip kong ibigay sa kanya ang Gatorade na binili ko. Nakita ko siyang pawis na pawis, pero napakagwapo pa rin, at dahil kakabukas ko pa lang ng Gatorade na binili ko ay naisip ko agad na h’wag na lang inumin at ibigay ito sa kanya. Bago ako lumapit sa kanya ay nag-ipon muna ako ng lakas ng loob. Natatakot kasi ako na baka ma-snub niya na naman ako, kaya gaya ng lagi kong ginagawa para makaipon ng lakas ng loob, bumulong ako ng dasal na sana kayanin ko; sana tanggapin niya; sana matuwa siya—at ‘yun na! Buo na ang loob ko nang lumapit sa kanya para iabot ang Gatorade.
Nakakatuwa dahil nagtagumpay ako. Effective talaga lagi ang dasal ko. Hindi talaga ako pinababayaan ng Lordie ko.
Naalala kong may babae kaninang lumapit kay Dave. Hindi ko kilala kung sino, pero nakita ko mula sa bench na kinauupuan ko na inaagaw niya ang inuming ibinigay ko kay Dave. Nagtaka ako kung bakit niya iyon inaagaw, ngunit hindi ‘yun pinayagan ni Dave na mangyari. Ininom niya pa rin ang Gatorade na ibinigay ko! Tuwang-tuwa ako nang mga oras na ‘yun. Lalo na nang lumapit siya sa akin, nakangiti. Para akong papatayin ng ngiti niya kanina.
Kinausap niya ako at inalok kung pwede ba niya akong ihatid pauwi ngunit wala akong maisip na isasagot. Ang totoo, gustong-gusto ko, ngunit bigla na lang pumasok sa isip ko si Jules—ang boyfriend ko.
Agad kong nilisan si Dave at nagmadaling umalis ngunit hinabol niya pa rin ako. Nagpumilit siya ngunit mariin pa rin akong tumanggi. Pakiramdam ko kasi ay magtataksil ako kay Julian kapag pumayag ako sa alok ni Dave na kahit crush na crush ko ay hindi ko pa rin pwedeng mahalin, dahil nga may Jules na ako.
Naalala ko ang tanong kanina ng mga kaklase ko kung may boyfriend na raw ako. Ayaw nilang maniwala. Bakit? Dahil hindi ako maganda? Ano bang pakialam nila? Minahal ni Jules ang pagkatao ko, hindi ang mukha ko, at sigurado ako dun.
Napaupo ako sa kama, kinuha ang salamin sa may bed side table ko. Tinitignan ko ang sarili ko sa salamin. Kung ikukumpara ko ang sarili ko sa mga babae sa Sacred Heart University, lalo lang akong nai-insecure sa sarili ko. Bakit hindi ako maganda? Hindi ako maputi. Ang panget-panget ng buhok ko. Ipatanggal ko na kaya ang braces ko? Pantay na naman siguro ang ngipin ko, dahil dalawang taon na ring nakakabit ang braces ko na ‘to sa mga ngipin ko. Puntahan ko na kaya ang denstista ko? Nai-insecure ako sa sarili ko. Bakit kasi dito pa ako sa Batangas nag-aral? Haay, alam ko naman ang sagot pero paulit-ulit pa rin. I mean, bakit hindi na lang sa ibang lugar? O ibang eskwelahan kung saan hindi puro magaganda ang tao, kung saan kaya kong makipagsabayan, hindi lang sa academics kundi sa mukha na rin. Siguro kung maganda ako, mas marami akong magiging kaibigan—kaibigan! May kaibigan na ako: si Chloe.
Labis-labis akong natuwa sa ginawa ni Chloe na kahit kanina lang pumasok ay kinaibigan agad ako. Boyfriend niya pala ang isa sa mga kaibigan ni Dave na si Daniel. Nagpalitan na nga kami ng number. Ang bait-bait niya, ang ganda-ganda pa. Gusto ko siyang i-text pero nahihiya ako. Hindi ko rin alam ang sasabihin. Tinititigan ko lang ang number niya. What if magpasalamat ako sa kanya? Agad ko siyang tinext.
Hi Chloe. Si Maria Grace ito. Gusto ko lang magpasalamat sa’yo. Sa pagtatanggol at pakikipagkaibigan mo sa akin. Sobra kong na-appreciate ang ginawa mo kanina. Salamat talaga. Good night ^.^
Ano ba ‘yan ang daldal ko ata? Hihihi. Nakatitig lang ako sa cell phone ko habang hinihintay ang reply niya nang biglang lumabas ang screen saver ng phone ko—larawan namin ni Julian.
Nami-miss ko na siya. Agad akong pumikit at bumulong ng, “Jules, sorry, ha! Sorry kung may nagugustuhan na akong iba. Hindi ko na napigilan ang sarili ko, eh. Sa totoo lang, ikaw, Jules, ang naaalala ko sa t’wing makikita ko si Dave. Hindi kayo magkamukha pero nang unang beses tayong magkita noon, ganun din sa unang beses na magkita kami ni Dave. Pareho niyong tinanong kung ako ba ang kumakanta. Ikaw , Jules, ang kauna-unahang lalaking nagkagusto sa akin, niligawan, at minahal ako nang tapat, kaya kahit ngayong wala ka na, pinipilit ko pa rin maging tapat.”
Nakaramdam ako ng guilt, kaya sinabi ko sa sarili ko na pipigilan ko ang nararamdaman ko kay Dave. Eventually, mawawala rin ‘to dahil infatuation pa lang ito, hindi gaya ng nararamdaman ko para kay Julian na totoong love.
Tumunog ang cellphone ko—nag-reply na si Chloe, at sabi niya na walang anuman daw at friends na raw kami agad-agad. Nag-good night na rin siya, at natulog na ako.
BINABASA MO ANG
My GF Is So Panget (Various Faces of Liars)
Teen FictionMukhang prinsepe ang lalake. Usap-usapang mangkukulam naman ang babae. Sa mundo kung saan namumuhay ang iba't ibang mukha ng mga sinungaling, silang dalawa ay magtatagpo, magmamahalan, at magkakasakitan. © 2012 http://princeofbanat.tumblr.com/