Chapter 33:
Dave
Nagising akong nagri-ring ang phone ko. Antok na antok pa rin ako pero nadistorbo na ng ring tone ko ang pagtulog ko, kaya pinili ko na lang na abutin ang phone ko at sinilip kung sino ang tumatawag. Malabo ang paningin ko dahil kamumulat ko pa lang, at kalahati lang ng mata ko ang binuksan ko dahil inaantok pa rin talaga ako. Ang naaninag ko lang ay "Ube ko calling".
Binitawan ko ang phone ko at hinayaang mawala ang pag-ring. Pero nabigla ako, ilang saglit pa bago pumasok sa isip ko na si Maggie -- si Maggie ang tumatawag. Naibuklat ko ang mata ko nang buong-buo nang ma-realize ko kung sino ang tumatawag. Ang antok ko'y nawala na parang bula. Kinuha ko ang phone ko at napaupo sa kama ko at sinagot ang tawag ni Maggie.
Kinabahan ako nang malaman kong tumatawag siya. Hindi ako nakapagsalita agad. Nakapagsalita lang ako nang mapansin kong puno ng sigla at saya ang boses niya -- nangangahulugang walang problema sa pagitan naming dalawa. Malamang ay hindi pa siya nakwentuhan ng mama niya.
Nag-usap kami. Ipinaliwanag niya kung bakit hindi siya makapag-text o makatawag sa akin mula pa kahapon. Nasira daw kasi ang phone niya at hanggang ngayon ay nasa repair shop pa ito. Naki-insert sim lang daw siya ngayon sa cell phone ni MJ.
Napagkasunduan naming dalawa na magpunta ngayon ng mall. Sinabi ko sa kanya na sa Techno Stop, ang gadget store na pagmamayari namin, kami magkikita.
Base sa pag-uusap namin ay masasabi ko ngang walang sinabi si tita Sita kay Maggie tungkol sa nangyari kagabi. In other words, wala kaming problema ni Maggie. Ay, mali. Walang problema si Maggie, ako ang maraming problema.
Nang matapos kaming mag-usap ay agad na akong nagbihis at umalis ng bahay. Kay yaya Elsa na ako nagpaalam, dahil siya lang ang naabutan ko nang bumaba ako.
Kinakabahan ako habang nagda-drive papunta sa meeting place namin ni Maggie. Kinakabahan akong magpakita kay Maggie. Maliit na bagay lang naman kung tutuusin ang hindi ko pag-imbita sa kanya, pero kagabi nga ay nagdesisyon ako na makikipaghiwalay na kay Maggie. Pero hindi, hindi ako makikipaghiwalay. Tuloy ang ligaya namin.
Narito na ako sa mall. Nang tumawag ako sa Techno Stop, sabi nila ay naroon na raw si Maggie. Nakakapanibago dahil nanabik akong makita siya. Pakiramdam ko, ilang taon kaming nagkahiwalay. Mabilis akong naglakad papunta sa shop namin, habang dala-dala ang malaki kong ngiti.
"Nasa'n na si Maggie," ang agad kong tanong sa isang staff namin.
May tumakip bigla ng mga mata ko mula sa likod ko. Pero ang kakaiba, hindi kamay ang ginamit niya kundi panyo. Siyempre, si Maggie lang ang hula ko. Wala ng iba. Lalo akong sumaya nang magsalita siya ng, "Sino 'to?"
"Ang ube ko," ang sagot ko.
Agad niyang inalis ang panyong ipiniring niya sa mata ko. Umikot ako para makita siya at nagulat ako sa kapansin-pansing pagbabago niya.
Napatingin ako sa kanya mula ulo hanggang paa, at inulit mula paa hanggang ulo. Grabe ang porma niya. Naka-make up pa siya.
Hinawakan ko ang bewang sabay ngiti. Nakangiti rin siya sa'kin.
"Ano?" Winagayway niya pa ang bagong rebonded niyang buhok bilang pagmamalaki. Inaamin ko, bagay na bagay sa kanya.
"Maganda ba?" ang tanong niya tungkol sa pagpapa-rebond niya.
Nakangiti pa rin ako -- hindi makapagsalita.
"Uy, tinatanong kita, eh."
"Syempre -- bagay na bagay," ang sagot ko. Lalong lumaki ang ngiti niya dahil sa papuri ko.
BINABASA MO ANG
My GF Is So Panget (Various Faces of Liars)
Roman pour AdolescentsMukhang prinsepe ang lalake. Usap-usapang mangkukulam naman ang babae. Sa mundo kung saan namumuhay ang iba't ibang mukha ng mga sinungaling, silang dalawa ay magtatagpo, magmamahalan, at magkakasakitan. © 2012 http://princeofbanat.tumblr.com/