Jemmery
"Nako kapag hindi ako nakapagtimpi sa ingay ni Celine masasabunutan ko yan."
Kanina pa kasi kanta ng kanta si Cel ng korean songs. Sabi naman ni Yhesya mali-mali naman daw yung lyrics. K-pop lover kasi si Yhesya.
Hawak niya yung mic kahit wala namang tugtog. Dahil sa kaingayan ni Cel pinahinaan namin yung volume ng videoke. Yung hina na kami na lang nakakarinig nung tunog. Saka 4 oras na rin kasi kami nandito. Buti umalis sila Tita at Tito. Bukas pa daw sila babalik ng gabi kaya nagpaalam na rin kami na mag-overnight dito kanila Isabel. Buti pumayag. Nagapaalam na rin kami sa mga magulang namin na dito kami matutulog sa bahay nila Isabel at pumayag din sila.
Pinapatahimik na siya nila Ian at John. Si Eric natulog na sa taas. Napagod siguro yung mata kakabasa.
Pagbalik ni Cel kanina may dala siyang mga pagkain at may suot siyang shoulder bag. Nung tinanong ni Mika kung anong laman ng bag niya, sabi niya cellphone, pera saka tubig lang daw. Pero habang kumakain kami ng chicherya, minu-minuto siya umiinom ng tumblr niya na may tissue yung katawan. Nagkabiruan pa nga kanina kung tumakbo ba daw si Celine kaya siya uhaw na uhaw sa tubig. Pero sagot niya kailangan niya daw yun. Maya-maya para na siyang lasing sa mga pinagsasabi niya, nagdadrama siya pero hindi naman siya umiiyak tapos mamaya tatawa siya ng malakas saka namumula na yung mukha niya, ang kulit niya pa.
"Par amoy alak si Celine" nagpa-panic si John, "Oo nga par" sang-ayon ni Ian.
"Anong alak? Si Celine alak? Hahahahaha" sabi ni Cel.
"Ha? Kailan pa yan natutong uminom?" galit na tanong ko. Hindi naman niya ugali yan eh.
Pero nung lumapit ako kay Cel na mukhang babagsak na sa kapaguran, "Bwiset" ang tanging nasabi ko.
Inamoy ko yung tumblr niya na ubos na. Amoy alak nga.
Pinatay na ni Ian yung videoke at pinaakyat na sila Isabel, Mika at Yhesya. "Bakit niyo pinatay yung karaoke? Kakanta pa nga ako eh" nagmamaktol siya na parang bata. Sinabi ko naman kanila Ian, John, Paeng at Ashley na ako na ang bahala kay Cel pero bago sila umalis, nilinis muna nila yung pinagkainan namin na kagagawan din ni Cel.
Bumalik si Mika ng may dalang maliit na planggana na may malamig na tubig at bimpo.
"Para kay Celine."
"Salamat" hindi ko siya magawang tignan dahil busy ako sa kakapunas kay Cel.
"Ah Jem, alagaan mo siya ha?"
Nilingon ko siya, "Oo naman" bumalik na si Mika sa kwarto. Magkahiwalay ang lalake at babae na natutulog. Sila Isabel, Mika at Yhesya ay natutulog sa kwarto ni Isabel. Yung mga lalake naman at bakla sa sala lang, naglatag naman sila ng kutchon.
"Ano bang problema mo ha? Kanino ka natutong uminom?" nakalagay yung kanang kamay ko sa likod niya para i-guide siya at yung kaliwa naman ay ginagamit ko para punasan siya. Tinali ko na rin yung buhok niya kasi pinagpapawisan na siya.
"Ako lang."
"Eh yung problema mo? Ano ba kasi yun? Di ka naman magpapakalansing ng ganyan kung hindi malala yung problem mo?"
Kinapa-kapa niya yung mukha ko, "Si World ka ba?" inaantok na sabi niya.
World? Sino yun? Boyfriend niya? Ex niya? Diba hindi pa siya nagkaka-boyfriend?
"Kaano-ano mo si World?" ano yun? Mundo?
"Asawa ko. Hahahahaha."
"Anong buong pangalan niya?"
"Nakalimutan ko eh. Umikot ata yung utak ko hahahahaha. Basta mahal na mahal ko yun. Gwapo, matalino, matangkad, maputi, at mabait. Parang santo nga ugali nun eh. Kung si World ka man pagpasensyahan mo na kung uminom ako ha? Ikaw kasi yung problema ko eh."
"Paano kung--"
"Ay alam ko na buong pangalan niya. Kaso nakalimutan ko ulit hehehe. Naalala ko lang na yun ang nickname ko sa kanya kasi kapag kine-kwento ko siya sa mga kaibigan ko, ayokong malaman nila yung identity niya kasi baka agawin pa nila sa akin si World kaya ginawan ko na lang siya ng nickname."
"Ang daldal mo" tinulak ko yung ulo niya gamit ang kamay ko.
"Araaay!!" tinakpan ko agad yung bibig niya. "Woy wag ka ngang maingay bata."
"Anong bata? Dalaga na kaya ako. Nilelegra na nga ako eh" natawa na lang ako sa kakulitan niya. Kapag normal si Celine, tahimik, hindi pala salita pero makakausap naman siya pero ngayon na abnormal siya, makulit, maingay, at ang daming sinasabi kahit walang kausap.
"Paano kung ako si World?"
"Edi sasabihin ko sayo na bata pa lang tayo gusto na kita. Baka nga higit pa doon eh. World ang nickname ko sayo kasi mundo kita. Wala akong pake sa mga bruhang tao na nagsasabing 'wag gawing mundo yung tao lang' eh pake ba nila sa nararamdaman ko? Puso ko to. Kung ako nga di ko mapigilan na mahalin ka, sila pa kaya? Alam mo ba na madalas kong mapaginipan na mahal mo din ako? Pag-aaral o ikaw? Kagabi napaginipan na naman kita pero hindi daw ako umamin pabalik sayo kasi gusto ko daw muna mag-aral. Pero salamat nga pala dahil naintindihan mo ako at sana tuparin mo yung ipinangako mo sa akin. Alam mo naman na gusto kong tuparin yung pangarap ko eh kaya patawarin mo ako at mahal na mahal kita," tumigil siya, "Pero syempre hindi totoo yung napaginipan ko hahaha. Kahit bata pa lang ako sinabi ko ng mahal kita, totoo yun. Lahat ng tao pwedeng umibig..." tuluyan ng nakatulog si Cel. Umiyak na ako. Alam kong ako yun. Ako yung World na kine-kwento niya sa mga kaibigan niya. Ako yung nasa panaginip niya. Ako yung mahal na mahal niya.
"Kainis ka naman eh. Alam mo naman na ayaw kong kine-kwento mo ako sa mga kaibigan mo. Nakakahiya kaya" pinunasan ko yung luha ko. "Cel kaharap mo ngayon si World. At mahal na mahal---"
"Jem..." bulong niya.
Napangiti ako, "din kita."
