Kabanata V

1.1K 64 2
                                    

Kahit hingal na hingal na ako, ay tumakbo parin ako hanggang sa bigla akong nahulog sa isang butas at iyon na ang huli kong matandaan bago nagdilim ang aking paningin. Nagising ako sa ingay ng mga tuyong damu na parang inaapakan. Madilim ang paligid at puro dahon ang hinihigaan ko.

May isang bilog na liwanag sa itaas at kita mula sa kinaroroonan ko ang mga ulo ng punong kahoy. Bigla akong napatayo. Nasa isang butas ako! Paano na ako makakalabas dito? Tiyak na hinahanap na ako ngayon ni Rosa!

Masigla na ang sikat ng araw. Sa tingin ko'y dito na ako nakatulog kagabi! Napahawak ako sa noo ko dahil sa pag-aalala ngunit agad akong napangiwi dahil sa hapdi mula roon. Nang tiningnan ko ang kamay ko, may dugo na ito mula sa noo ko. Dulot yata ito sa pagkakahulog ko kahapon.

"Saklolo! Rosa! Babaylan! Tulungan ninyo ako! Nandirito ako sa ibaba! Tuloooong!!!" Sigaw ko at nagbabakasakaling mayroong makarinig sa akin.

Napahinga nalang ako ng malalim at napa-upo. Sino ba naman ang makakarinig sa akin sa gitna ng kagubatan? Kung sana'y hindi nalang ako pumasok dito kahapon, edi sana ay wala ako rito ngayon. Kailangan kong maghanap ng paraan upang makalabas dito.

Ilang sandali pa'y bumalik 'yung tunog na nagpagising sa akin kani-kanina lamang. May naglalakad papalapit sa butas na kinaroroonan ko!

"Nandirito ako! Tulong!" Tawag ko pa. Pero nabigo na naman ako ulit. Isa lamang pala iyong pusang-gubat.

"Kinsa ka? Nganong ikaw ana-a diha?" Biglang saad ng isang boses mula sa itaas kaya nabuhayan ako ng loob at agad napatayo.

Hindi ko lubusang makita ang mukha niya dahil masyadong maliwanag. Pero nakatitiyak akong isa iyong lalaki dahil sa tinig nito.

"Tu-lu-ngan mo ako. Ako'y na-hu-log dito." Dahan-dahan kong saad.

Hindi naman kumibo iyong lalaki sa halip ay umalis lamang ito na parang hindi man lang ako narinig at nakita.

"Huwag! Maawa ka! Tulungan mo ako!" Tawag ko sa kanya.

Napa-upo nalang ako ulit at unti-uning nawawalan ng pag-asa. Ngunit ilang saglit pa'y biglang may isang matibay na lubid na nahulog mula sa itaas. Nang tiningnan ko, bumalik iyong lalaki!

Agad akong napangiti sa tuwa at saya. Akala ko'y iniwan na niya ako. Agad akong humawak sa lubid at unti unting umakyat paitaas. Tinutulungan naman akong hilain ng lalaki hanggang sa makarating na ako sa ibabaw.

Napangiti ako agad sa kanya nang matagumpay akong nakalabas mula sa yungib. Unti-unti lamang napawi ang ngiti ko nang masilayan ang mga mata niya. Mayroon itong mga kinang at kitang kita ang kanyang maiitim na balintataw. Hindi ko magawang kumurap kaagad dahil sa pagkahalina. Ang kislap ng mga iyon ay katulad ng mga maliliit na liwanag na sinusundan ko kahapon dito. Natauhan lamang ako nang marinig ang kanyang pagtikhim.

"A-ah ako nga pala si Hiraya. Ako'y isang dayu lamang dito sa inyong lugar. Kasa-kasama ko ang Babaylan sa pagdating dito. May kasama rin ako, si Rosa, na aking tagapagsilbi. Naligaw ako kagabi rito sa kagubatan at bigla akong nahulog diyan sa butas na iya---" agad akong napatigil nang mapansin ang kakaibang tingin ng lalaki sa akin.

Tila hindi niya naiintindihan ang aking sinabi. Ha! Oo nga pala! Hindi tagalog ang kanilang gamit sa pananalita rito. Hiraya naman!

"Paano ko ba kakausapin ang lalaking ito?" bulong ko sa sarili. Bigla ko na lamang naalala ang mga tinuro ni Marita sa akin na ilang mga bisaya noong dumayo kami sa Bayan ng Liwayway.

"Ma-ayong buntag. (Magandang Umaga). A-ko si Hi-ra-ya. A-ah p-pasaylo-a ko?-" dahan dahan ko na namang saad at nagbabakasakaling maintindihan niya iyon. Kahit sa totoo lang ay hindi ko na matandaan kung anong ibig sabihin ng mga iyon.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon