Muling Paalala:
Ang istoryang ito ay pawang kathang isip lamang. Ang iilan sa mga tauhan, lugar, at pangyayari sa ating kasaysayan ay maaaring mababanggit sa kwento ngunit hindi ito naglalarawan sa tunay nilang katauhan at tunay na kaganapan. Sila'y ginamit lamang ng may akda upang magbigay buhay sa daloy ng istorya.
__
‟Bantayan niyo iyang maigi. At kayo naman, tiyakin ninyong hindi tayo matutunton ng mangangasong iyon. Hindi niya pwedeng malaman na nandito ang kanyang mag-ina."
Isang bulungan ang nagpagising sa akin. Ramdam kong nakahiga ako ngayon ngunit hindi ko maigalaw ang aking kamay dahil mahigpit itong nakatali mula sa likuran.
‟Gising na siya. Ako'y lilisan muna. Bantayan niyo siya," dagdag pa ng boses.
Iminulat ko ang aking mga mata at nakita ang kabuuan ng silid kung nasaan ako ngayon. Magkawangis lamang ito sa mga kubo sa aming barangay. Mas marami lamang ang mga tabak, sibat at kung anu-ano pang mga matutulis na bagay ang nakasabit sa mga dingding.
May isang lalaking pumasok na may dala-dalang tubig. Sinamaan ko siya ng tingin habang nilalapag niya ang dala sa isang upuan.
‟Nasaan ako? Nasaan si Marita? Anong ginawa niyo sa kanya?!"
‟Maayos lang ang iyong kaibigan, binibini. Maayos na maayos. Huwag ka nang mag-alala," sagot niya sabay ngisi.
‟Bakit niyo ito ginagawa? Ano ba talaga ang nais niyo sa akin? Bakit ayaw ninyo akong tigilan? Nasaan si Atan? Nais ko siyang maka-usap! Iharap niyo siya sa akin!"
‟Binibini, baka nakakalimutan mong may dala-dala kang supling. Ayaw mo naman siyang mawala dahil lamang sa iyong galit sa aking kapatid, hindi ba?" nanggagalit niyang tugon.
Kapatid? Siya ay kapatid ni Atan?
Nagitla ako nang maglakad ito palapit sa akin. Hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa mga mata ko pababa sa labi.
‟Tama nga sila. Kasing ganda ka nga talaga ng isang diwata. Kaya marahil ay may kakayahan ka rin katulad ng sa kanila." Umawang ang bibig ko sa sinabi niya.
Paano nila nalaman ang tungkol sa akin?
‟A-Anong pinagsasabi mo?"
Mauyam siyang napatawa. ‟Huwag mo nang ipagkaila, binibini. Alam naming nahuhulaan mo ang mga nakatakdang mangyari."
Hindi ako nakapagsalita. Sa halip, palihim akong huminga nang malalim nang tumayo na siya ulit.
"Huwag mo kaming maliitin, Hiraya. May tenga kami sa inyong barangay," matalim siyang napangisi sa akin bago nagpabalik-balik ng lakad sa aking harapan.
Anong ibig niyang sabihin? Na may tao sila sa aming barangay? May nagtataksil sa aming kasamahan?
Kinilabutan ako sa mga nalaman ko. Walang ibang nakakaalam ng totoo kong katauhan maliban kina Carpio, Rosa, Kuya Jose, Babaylan, at Bisdak. Wala naman sa kanila ang sa tingin ko'y kayang magtaksil sa amin. Maliban nalang kung may lihim pang nakakaalam tungkol sa kakayahan ko.
"Hakim!" sigaw ng kakapasok lang na si Atan.
"Kapatid, kinakausap ko lamang siya," gulat at takot na saad ni Hakim.
"Hindi kita pinahintulutan na kausapin siya. Lumabas ka! Ihanda mo ang mga tabak," ani Atan sa kapatid.
Mabilis na lumabas si Hakim kaya nasa akin naman ngayon ang mga mata ni Atan. Sumilay agad ang ngiti sa kanyang mukha nang nagbaling siya sa akin ng tingin.
"Hindi ba kayo napapagod, Atan? Bakit palagi na lamang ganito? Bakit niyo ito ginagawa sa amin? Sa akin? Ano ba talaga ang inyong balak?"
Napasinghap lamang siya at umangat ang gilid ng labi. Humakbang ito palapit sa akin at bahagyang hinawakan ang aking baba.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...