Maktan, Ika-27 ng Abril 1521
Nagsimula ako bilang isang karaniwang binibini na hindi man lang makalabas ng bahay dahil sa kahigpitan ng ama, dahil sa takot na ako'y matulad sa aking ina. Hindi ko kailanman inaasahan na ako'y aabot sa ganito. Ni hindi ko lubos mapaniwalaan na ako'y kakaiba, na ako'y mahiwaga.
Simula noong napadpad kami rito sa Sugbu ay tuluyan nang nagbago ang aking buhay. Panibagong pamilya, pag-ibig, kaibigan, at mga karanasan ang sumalubong sa akin. Kahit alin doon ay kailanma'y hindi ko pinagsisisihan.
Naniniwala akong lahat ng kaganapan sa ating buhay ay may dahilan at may patutunguhan. Hindi man ngayon, ngunit maaaring sa kinabukasan o sa susunod na panahon.
"Carpio! Hindi tayo makakadaan sa harap! Makikita tayo ng iba!" nagmamadaling sabi ni Su-il na kakagaling lang ngayon mula sa pagsilip sa mga nangyayari sa labas.
Mabilis na lumapit sa kanila si Carpio at sumilip na rin doon sa pintuan. Inilibot niya ang kanyang mata sa paligid hanggang sa napatigil ito sa gilid ng barko. Bumalik siya sa kinaroroonan namin na bakas ang isang munukala sa mukha.
"Mayroong malaking putol na kahoy na palutang-lutang sa 'di-kalayuan. Sisisirin ko iyon at dahan-dahan ninyong ibaba si Hiraya. Bisdak, sasama ka sa akin para tumulong sa pagtutulak hanggang sa makarating sa kabilang bahagi ng dalampasigan. Hindi pa sumisikat ang araw kaya nakatitiyak ako na hindi tayo maaaninag ng mga dayuhan. Su-il, Rigo, maghintay kayo sa bunganga ng pintuan hanggang sa makabalik kami rito kasama yaong kahoy," pagpapaliwanag ni Carpio sa munukala.
Umuyon kaagad ang aming mga kasama at walang pagdadalawang-isip na tumango. Sabay kaming lahat napatingala sa itaas na sahig nang marinig ang mga nagmamadaling yapak ng paa mula roon.
"Unti-unti na silang bumababa sa barko," ani Arigomon.
"Bisdak, si Hiraya ha..." bilin ni Carpio bago dahan-dahang bumababa sa hagdan patungo sa dagat.
Lahat kami ay nakasilip sa kanya ngayon mula sa itaas. Nang marating niya ang tubig ay mabilis siyang sumisid patungo sa isang mahaba at malaking kalap na palutang-lutang sa 'di kalayuan. Mabilis niya lamang itong narating kaya ilang sandali lang ay tulak na niya ito pabalik sa amin.
"Hiraya, dahan-dahan lang," paalala ni Bisdak habang inaalalayan ako pababa ng barko.
Mahigpit ang pagkakahawak ko sa hagdan habang maingat na humahakbang sa bawat ang-ang. Pagkatapak ko sa huling baitang ay naramdaman ko agad ang pag-alalay ni Carpio sa akin mula sa ibaba. Mahigpit niyang hinawakan ang aking bewang at maingat na ibinababa hanggang sa makakapit ako sa dala niyang kalap.
"Ilibot mo ang iyong bisig sa katawan ng kahoy. Kumapit ka rito nang mahigpit," utos niya na agad kong tinugunan.
"Yakapin mo raw Hiraya at isipin mong si Carpio iyang kalap," pagpapatawa ni Bisdak sa gitna ng nangyayari.
Talagang nakukuha niya pang magbiro sa ganitong kaganapan?
"Bisdak, diyan ka sa likod magtulak. Ako ang gigiya sa unahan," ani Carpio, hindi binigyang pansin ang sinabi ni Bisdak.
"Ano ba ang inyong pinag-usapan kanina at bakit tila nag-iba ang ihip ng hangin sa pagitan ninyong dalawa?" usisa ni Bisdak.
Kasalukuyan na kaming lumalayo mula sa barko. Tinahak namin ang daan patungo sa dulong bahagi ng dalampasigan. Natatanaw ko sa likuran na dahan-dahan nang bumababa sa kani-kanilang barko ang ibang mga kastila. Tama nga ang sinabi ni Carpio. Madilim pa ang paligid kaya malabong makita nila kami rito na palutang-lutang. Tanging ang mga barko na may mga sulo at ilawan lamang ang nagliliwanag ngayon.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...