Kabanata VII

1K 64 5
                                    

Limang araw na ang nakalipas simula noong dumating kami rito sa Sugbu. Sa bawat araw na pananatili namin dito ay napamahal at nakasanayan na rin namin ang kanilang mga gawi. Kahit papaano'y unti-unti na akong natuto at nasasanay sa buhay sa isla.

Naghahanap kami ngayon ni Rosa ng mga dagta ng puno upang gawing tinta sapagkat nais kong magpaabot ng liham para kina Ama at Kuya Jose.

"Ano naman ang sumunod na nangyari pagkatapos kayong mahuli ni Babaylan sa dalampasigan noong nakaraang araw, binibini?" tanong sa akin ni Rosa habang naglalakad kami sa kagubatan. Tinatanong ni Rosa ang nangyari noong isang gabi sa dalampasigan kasama si Carpio.

Natutunan ko na ang bawat daan dito sa kagubatan sapagkat madalas kaming dalhin ni Babaylan dito upang hindi na raw kami maligaw at matutunan ko kung paano tukuyin ang isang bitag na butas nang sa ganoon ay hindi na ako muling mahulog pa.

"Kinabahan ako noong araw na iyon sapagkat biglaang inilahad ni Carpio ang kanyang kamay sa akin. Mabuti na lamang at dumating si Babaylan. Ipina-uwi niya si Carpio sa kanilang kubo at sinabihan naman ako ni Babaylan na huwag daw ako basta-bastang magtitiwala sapagkat hindi ko pa raw kilala ang mga tao rito," sagot ko.

Sa sinabing iyon ni Babaylan, hindi agad ako naniwala. Mababait naman ang mga taga rito, mainit nila kaming ipinatuloy sa kanilang isla at tinuring na tunay na kasamahan kung kaya't ligtas ang aking pakiramdam sa puod na ito.

"Binibini? Hindi ka ba natatakot kay Ginoong Carpio? Tila ba siya'y hindi marunong ngumiti o humalakhak. Palagi na lamang nagdudugtong ang kanyang mga kilay. Tumatawa lamang siya sa tuwing siya'y may kapilyuhang ginawa. Sadyang naiiba siya sa ibang kalalakihan sa Maynil at kahit rito," saad pa ni Rosa.

"Naalala mo iyong ginawa niya kahapon lamang? Kaya naubos ang dagtang inipon ng kanyang amang si Mang Khapili sapagkat ginamit niya iyon upang pagkatuwaan ang mukha ni Bisdak habang natutulog? Nagtakbuhan tuloy ang mga paslit na bata sapagkat akala nila'y isang kapre si Bisdak na kakagising pa lamang," dagdag pa ni Rosa na nagpatawa naman sa akin.

Hindi ko nga mapigilan ang mga ngiti ko nang maalala ang nangyari kahapon. Nagtaka tuloy si Bisdak kung bakit kapag siya'y lumalapit ay napapatakbo palayo ang mga bata.

"Kung hindi dahil sa kanya, hindi sana tayo nagpakahirap ngayon upang maghanap ng dagta ng puno," dagdag pa ni Rosa.

"Naniniwala akong mabuting nilalang si Carpio. Marahil nga'y pilyo siya ngunit bago pa lamang tayo rito kung kaya't hindi pa natin siya lubusang kilala," sagot ko na nagpatango naman kay Rosa.

Kakatapos ko lamang magsulat ng liham at ipinaabot ko na ito kay Mang Kuling, isang mangingisda rito sa isla, upang kanyang ihatid kina Ama at Kuya Jose.

"Maraming salamat po, Mang Kuling. Kayo po ay mag-iingat sa paglalayag. Aasahan po namin ang iyong pagbabalik," saad ko kay Mang Kuling na ngayon ay nakahanda na upang maglayag kasama si Rajah LapuLapu at iba pang kasamahan nila. Nais daw dalawin ng Rajah ang kanyang ama at kapatid sa kaharian at para malaman din ang mga kaganapan na nangyayari doon.

Lubos kong inaasahan na sila'y uuwi kasama ang isang magandang balita. Nais ko sanang sumama sa kanila ngunit hindi pumayag si Rajah Lapu-lapu sapagkat hindi pa raw tiyak na humipo na ang kaguluhan sa Karilaya.

"Tayo'y bumalik na sa loob, binibini," ani Rosa.

"Nais ko pa sanang manatili rito, Rosa. Mauna ka na sa kubo, susunod na lamang ako," sagot ko.

"Ngunit binibini—" pagtutol niya pa, pero agad ko nang sinapawan ang kanyang sinasabi.

"Rosa, nauunawaan kong nag-aalala ka sa akin ngunit hayaan mo sana akong maging malaya rin kahit sa lugar na ito lamang."

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon