"B-Babaylan," gulat kong tugon nang dahan-dahan siyang humarap sa amin.
Napahinga ako nang maluwag. Ibinaba rin ni Arigomon ang kanyang sandata. Bahagyang ngumiti si Babaylan sa amin bago nagsimulang maglakad palapit.
"Masaya akong malaman na ika'y nasa maayos na kalagayan, Hiraya," aniya at sinalubong ako ng yakap.
"Paano niyo nalaman ang tungkol sa lugar na ito, Babaylan?" tanong ko nang kumalas na siya.
"Naki-usap si Carpio sa akin bago siya nagpasyang sumugod kina Atan. Tinuro niya sa akin ang lugar na ito. Nais niyang nandito ako pagdating ninyo upang tignan ang iyong kalagayan at ng inyong anak," sagot niya.
Napangiti ako sa narinig mula sa kanya. Lumapit ako at niyakap siya.
"Maraming salamat, Babaylan."
Nanatili akong naka-upo sa pinasadyang higaan sa ilalim ng isang mayabong na puno. Sina Arigomon at Marita ay nasa 'di kalayuan at tamak na nag-uusap ngayon. Pinagmasdan ko lamang sila nang ganoon. Gumuhit pa ng isang ngiti ang aking labi nang dahan-dahang niyakap ni Rigo si Marita nang malapit na itong maluha.
Masaya ako para sa kanila, lalo na kay Rigo. Matagal niya na itong hinahangad. At kung noo'y nagtaksil man siya sa amin, iyon ay dahil lamang din sa pagmamahal niya kay Marita.
"Hiraya, inumin mo ito," ani Babaylan sabay abot sa akin ng isang maliit na bilao na may lamang inumin.
"Babaylan, ano na po ang nangyari sa ating barangay?" tanong ko.
Napahinga nang malalim si Babaylan sabay upo sa aking harapan.
"Bago ako umalis, nagkagulo at naging abala ang lahat dahil sa balitang pagsugod ng mga dayuhan doon. Nasabi ko rin kay Rajah Lapulapu ang sinabi ko sa iyo, kaya noong natanggap niya ang balita ay saka lamang siya naniwala."
Muli kong naalala ang mga narinig namin sa mga kalalakihan kanina habang nagtatago kami.
"Babaylan, bukas sa bukang liwayway nakatakda ang pagsugod nila. Iyon ang narinig namin kanina. Kailangan nating bumalik agad doon pagkarating nina Carpio. Marahil ay kailangan siya ng kanyang mga kasama."
"Huwag kang mag-alala. May tiwala ako sa ating mga mandirigma. Kahit wala si Carpio, alam kong mapagtatagumpayan nila ito dahil sa pangunguna ni Rajah Lapulapu," ani Babaylan.
Si Carpio ang pinuno ng mga mandirigma. Siya ang nagsanay sa ilan sa kanyang mga kasamahan. Siya rin ang pinagkakatiwalaan ni Rajah Lapulapu sa kapayapaan ng barangay. Ngunit dahil sa pagkawala ko ay kaya umalis si Carpio at iniwan sila roon.
"Ah!" mabilis kong na sapo ang aking sinapupunan nang makaramdam ulit ng kirot roon at sa aking balakang. Mabilis na dumalo si Babaylan at hinawakan ang aking tiyan.
"Naghihilab na ang iyong tiyan at mas bumababa na ito, Hiraya. Tiyak akong malapit mo nang isilang ang inyong supling," ani Babaylan. "Umupo ka nang maayos at sumandal ka sa puno."
Ang aking isang kamay ay nakahawak sa aking puson habang ang isa ay nasa aking balakang. Habang tumatagal ay mas tumitindi ang pananakit nito kaya hindi ko mapigilang mapangiwi sa tuwing nararamdaman ito.
"Hinga lang nang malalim, Hiraya. Nagpaparamdam lamang ang iyong katawan at kusa itong naghahanda para sa iyong panganganak. Huwag kang mag-alala, nandirito na sina Carpio ngayon," pagpapakalma pa ni Babaylan.
"Nais mo bang mag kwento ako upang mabalin ang iyong nararamdamang sakit?" ani Babaylan.
Taas baba ang aking paghinga kaya tanging pagtango na lamang ang naging sagot ko sa kanya. Unti-unting humupa ang sakit ngunit bumabalik naman ito bawat agad-agad.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...