Kabanata XLIX

636 32 13
                                    

Hindi sapat ang salitang 'masakit' upang mailahad ang nararamdaman ko ngayon. Kahit tabihan pa ito ng salitang 'labis' ay hindi pa rin nito kayang ipaliwanag kung gaano nalulugmok ang puso ko habang pinagmamasdan ang lupang pinaglibingan ng lalaking tangi kong iniibig, dito sa aming lihim na lugar.

Parang kailan lang no'ng kami'y nagtapo sa gubat. Parang kahapon lamang no'ng ako'y tinuruan niya pang makipaglaban, nagkahulugan, at naging magkasintahan. Parang kanina lamang no'ng ako'y unang beses niyang hinalikan. Parang kanina lamang ay kasama ko pa siya.

"Binibini, kailangan na nating umuwi..." marahang tawag sa akin ni Rosa.

Nanatili akong naka-upo sa harap ng puntod ni Carpio. Hindi ko inaalis ang aking mata sa kanyang sibat na inilagay sa ibabaw ng lupa.

"Mauna na kayo, susunod kami ni Amaya," sagot ko nang hindi nag-aangat sa kanya ng tingin.

Hindi umimik si Rosa. Naglakad na lamang siya pabalik sa maliit na kubo sa 'di kalayuan at muling naghintay sa akin doon. Hawak-hawak ko sa aking bisig ngayon ang aming anak. Mahimbing siyang natutulog. Sa tuwing tinitignan ko siya ay muli lamang akong napapaluha.

Ngayon pa lang ay iniisip ko na kung paano ko ipapaliwanag sa kanya ang tungkol sa kanyang ama kapag lumaki na siya. Paano ko ipapaunawa sa kanya na wala na... wala na ang kanyang ama at hindi man lamang siya nito nasilayan?

"Carpio..." humugot ako ng malalim na hininga bago muling sinikap na magsalita. "Sana'y pinagmamasdan mo kami ngayon. Hiling ko na sana'y nasisilayan mo na siya ngayon..."

Hinayaan ko ang mabibigat kong luha na umagos. Nananakit na rin ang aking lalamunan dahil sa pagpipigil ng aking pag-iyak.

"Nangungulila na ako sa iyo. Ang hirap gumising at salubungin ang bawat umaga sa tuwing naaalala na wala ka na..." pinunasan ko ang aking pisngi. "Ngunit dahil kay Amaya ay nagkakaroon ako ng panibagong dahilan upang magpatuloy. Kahit nilisan mo ako, nagpapasalamat pa rin ako at mayroon kang iniwan na magpapaalala sa akin ng pagsinta mo. Kung hindi dahil sa kanya... marahil ay pinili ko nang sumunod sa iyo...marahil ay katabi mo ako ngayon dito."

Muli akong huminga ng malalim at pilit pinakalma ang aking sarili.

"Sha nga pala, kaya rin kami nagtungo rito sa iyo ngayon upang ipaabot ang pagbati namin. Matagumpay ninyong naitaboy ang mga dayuhan, mahal ko. Nagtagumpay kayo!" pilit pa akong tumawa kahit nagsisimula na namang manubig ang aking mga mata.

Napadungaw ako kay Amaya na bahagyang gumalaw. Marahan ko siyang niyugyog hanggang sa muli itong makatulog.

"Umurong ang mga kastila at tuluyan nang nilisan ang ating kalupaan. Ngunit ang kanilang kapitan ay nasawi sa labanan. Dinadakila kita, Carpio. Nasaksihan ko kung paano mo napatumba ang Kastilang Kapitan na naging dahilan upang siya'y manghina at mawalan ng laban noon. Likas kang matapang at malakas, mahal ko. Masaya ako na sa kahuli-hulihang sandali ay sa akin pa rin ang puso ng magiting na mangangaso ng Maktan!"

"Ninais bawiin ng ibang kastila ang katawan ng kanilang kapitan ngunit hindi pumayag sina Rajah Lapulapu sapagkat ang katawan na iyon daw ay palatandaan ng kanilang tagumpay laban sa mga mananakop," kumakalma kong kwento.

"Tuluyan na ring pumanaw si Atan. Agad siyang binawian ng buhay dahil sa pagtama mo sa kanyang dibdib gamit ang aking sibat. Kaya wala ka nang dapat ikabahala. Mananatili kaming ligtas ni Amaya," dagdag ko.

Napatingala ako sa kalangitan nang unti-unting magdilim ang paligid dahil sa kulimlim na mayroon ito. Napalingon ako sa kinaroroonan ni Rosa at nakitang nag-uusap na sila ngayon ni Bisdak.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon