Kabanata XXVIII

596 33 3
                                    

Hindi ko na maunawaan pa kung gaano kalakas ang kabog ng dibdib ko dahil sa matinding takot at pangamba nang sinabi iyon ni Mang Khapili. Agad kaming nagtungo sa kaharian. Habang palapit kami nang palapit ay mas lalo akong kinakabahan.

Agad bumungad sa amin ang magulong itsura ng bahay-hari. Bakas dito na nasa ilalim ng isang gulo ang buong kaharian dahil sa madilim nitong kaluluwa. Halos hindi ko na alam kung saan ako dumadaan dahil patuloy lang ako sa pagsunod kay Mang Khapili patungo sa kinaroroonan ni Carpio.

"Malubha ang sugat na natamo ni Carpio sa labanan, Hiraya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito gumigising. Dalawang tama ng pana ang kanyang natamo. Isa sa balikat, at isa sa kanang bahagi ng kanyang tiyan."

Halos hindi ako makahinga sa narinig ko. Tuluyan nang tumulo ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Ngunit pilit kong pinapatatag ang aking loob dahil nasa pintuan na kami ng silid kung saan ginagamot ngayon si Carpio.

"Ngunit ang isang pana ay hindi nagmumula sa kalaban, Hiraya. Nagmumula ito sa isa sa ating kasamahan. May kutob kaming may isang taksil tayong kasama," patuloy pa ni Mang Khapili bago kami pumasok sa silid.

Hindi ako nakagalaw at hindi makapaniwala. May isang taksil sa isa sa aming kasamahan? Kung ganoon, sino? At bakit niya ginagawa ito sa amin?

Bumungad sa akin ang nakaratay na katawan ni Carpio sa higaan. Puno ng sugat at gasgas ang kanyang katawan habang may malaking nakatapak na halamang dahon sa kanyang tiyan. Kasalukuyan siyang ginagamot ng isang Katulunan ng kaharian. Parang may kung anong kirot sa puso ko nang makita ang kalagayan niya.

Agad akong lumapit sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay. Nararamdaman ko naman ang mata nilang lahat sa akin dahil sa ginawa ko. Kahit ang Katulunan ay umangat ang mukha sa akin nang may pagtataka. Gayunpaman, wala akong pakialam kung malaman man nila ang tungkol sa amin ni Carpio.

"C-Carpio, paki-usap, lumaban ka. Huwag kang sumuko. Paki-usap, nangako ka. L-lumaban ka..." tumatangis ko nang saad.

Naramdaman ko naman ang kamay ni Mang Khapili sa aking ulo.

"Matapang ang aking anak, Hiraya. Hindi ito madaling sumuko. Lalo na kapag may malalim pa itong dahilan upang hindi bumitaw. Kaya tahan na," pagpapagaan niya sa aking loob.

Biglang napatingin sa akin ang Katulunan at tinignan ako na para bang kilala na niya ako.

"Sa iyong tingin, magiging maayos ba ang kalagayan niya?" marahan niyang tanong sa akin habang nakangiti.

Binalot ako ng pagtataka. Bakit iba ang nararamdaman ko sa kanya? At bakit niya ito tinatanong sa akin?

Ilang sandali akong napatahimik bago nakasagot. "Oo. Alam kong makakayanan ito ni Carpio," buong tapang kong sagot.

Napatingin lamang ako sa kanya habang marahan siyang tumango at bumaling muli sa paggawa ng gamot. "Kung gayun, magiging maayos din siya," dagdag niya pa.

"Hiraya, nasa labas na ang iyong ama at kapatid," tawag ni Harum na kakapasok lamang sa silid ngayon. Agad akong napatayo at muling hinaplos ang buhok ni Carpio bago umalis.

Inayos ko ang aking sarili at dahan dahang tinahak ang daan patungo sa kung saan sina ama at kuya. Batid kong alam na nila ang aking ginawa at marahil ay galit sila ngayon. Ngunit sana'y magkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin sa kanila ang pakay ko kung bakit ako naririto.

Iyon ay mahanap ang kasagutan sa lahat ng hiwaga sa likod ng aking pagkatao.

Agad bumungad sa pintuan si ama na nakaupo sa isang salumpuwit habang nakatayo sa giliran nito si Kuya Jose at kapwa nakatingin sa malaking durungawan kung saan natatanaw ang mga balisang sandatahan.

Ang tunog ng pintuan ang naging dahilan upang agad silang bumaling sa kinaroroonan ko. Bakas sa kanilang mga mukha ang labis na pag-alala. Agad akong tumakbo sa kanila at yumapos habang patuloy na tumutulo ang aking mga luha.

Sunod kong niyakap si Ama nang mahigpit at sa sandaling sumalikop ang kanyang mga bisig sa akin ay tuluyan nang bumuhos ang mga mabibigat na luha na matagal ko nang naiipon dahil sa labis na pag-aalala sa kanyang kalagayan.

"Pinag-alala mo ako ng lubusan, anak. Bakit kinakailangan mong ilagay ang iyong buhay sa alanganin?" saad nito nang kumawala na kami sa pagyakap.

"Hiraya, alam mo ba kung gaano ka mapanganib ang iyong ginawa? Ni hindi mo pinaalam kina Mang Khapili at Rajah Lapulapu. Paano kung napahamak ka? Walang makakaalam sapagkat nagpadalos-dalos ka," nag-aalalang tugon ni Kuya Jose.

Alam kong may galit sa kanilang loob ngunit hindi ko sila masisisi.

"P-patawad po, Ama, Kuya," nakayuko kong tugon. Hinawakan ni Ama ang magkabilang balikat ko at hinalikan ang aking ulo.

Alam kong sa kanilang dalawa, si ama ang lubos na tinakot ko. Siya ang nagpasya na doon muna sa Sugbu manatili upang hindi ako mapahamak sa kaguluhang nangyari sa aming tahanan. Tapos ako pa ang muntikan nang nagpahamak sa aking sarili.

"Ano ang nagtulak sa iyo upang gawin ito, anak?" tanong niya kaya agad akong tumingala sa kanya at tinignan siya nang diretso sa mata.

"May nais po akong malaman, Ama," sagot ko. Napatuwid naman sa pagtayo si Ama at nagtaka.

"Ano iyon, Hiraya? Bakit hindi mo nalang hinintay na humupa ang gulo at kailangan mo pa talagang ibuwis ang iyong buhay para sa tanong na iyan?" saad ni Kuya Jose.

"Sapagkat, oras ang aking kalaban rito, Kuya," sagot ko na mas lalong nagpataka sa kanilang dalawa.

Narinig kong napahinga ng malalim si Ama na para bang may alam na siya kung tungkol saan ito. Ngunit bago pa man ako nakapagsalita muli, bumukas ang pintuan at agad bumungad dito ang isang kawal ng hari.

"Paumanhin kung ako'y naka abala sa inyo, ngunit hinahanap po kayo ni Ginoong Paterno, Ginoong Pio. Hinihintay ka niya sa ibaba," saad ng kawal.

Napansin ko ang pag-iba ng mukha ni ama nang banggitin ang pangalan ni Ginoong Paterno. Muling nadagdagan ang pagtataka sa aking isipan sa mga nangyayari dito sa aming bayan. May alitan ba sa pagitan ni ama at Ginoong Paterno? Ngunit malabo itong mangyari sapagkat malapit silang magkaibigan.

"Ikaw na muna ang bahala sa iyong kapatid, Jose," paalam ni ama at sumama na sa kawal upang puntahan si Ginoong Paterno.

Naiwan kaming dalawa ni Kuya Jose ngunit hindi ko masabi sa kanya ang nais kong malaman sapagkat alam kong hindi niya ito maiintindihan.

Nandito ako sa silid kung saan ginagamot si Bisdak. Katulad lamang ni Carpio, hindi pa rin ito gumigising. Ang sabi ng manggagamot, muntikan nang mawala si Bisdak dahil sa bugbog at isang saksak sa likuran. Ngunit mabuti at naagapan agad ito at hindi ganoon ka lalim ang sugat mula sa pagkakasaksak sa kanya.

"Mang Khapili! Narito na po si Arigomon!" sigaw ni Harum na mukhang galing lamang sa pagtakbo.

Agad lumabas sina Mang Khapili at ibang kasamahan. Saan nanggaling si Arigomon? Bakit ngayon lamang siya dumating?

Sumunod ako sa kanila kung saan si Arigomon. Pinapalibutan ito ng ibang mga kawal at naroroon na rin sina Kuya Jose, Rajah Lapulapu, Ama, at Ginoong Paterno.

Nakita kong naka-upo lamang si Arigomon habang hinahawakan ang sugat sa kanyang braso na patuloy na nagdurugo. Nang inalis niya ang kanyang kamay roon... bigla akong kinabahan at napatingin sa kanya.

Napatingin din ito sa akin ngunit balisa ang mga mata at agad napa-iwas.

Ang sugat niya... tuwid at mahaba....katulad lamang nung lalaking nakalaban ko kanina habang nililigtas sina Bughaw.

Maaari kayang... si Arigomon iyon?

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon