Mula sa pananaw ni Hiraya
"Ama sino po siya?" tanong ko kay Ama na kakarating lamang ngayon at may kasa-kasamang isang dalagita na mukhang mas bata pa sa akin.
"Siya si Rosa, Hiraya. Siya ang magiging iyong tagapagsilbi simula ngayon. Natagpuan ko siya sa kabilang bayan na paligoy-ligoy nang mag-isa," sagot ni Ama.
Nahihiyang nag-angat sa akin ng tingin si Rosa kaya ningitian ko siya upang maramdaman niyang tanggap ko siya rito sa aming pamamahay.
Dumaan ang ilang buwan at unti-unting gumagaan ang loob ko kay Rosa. Kahit papaano'y mayroon akong kausap dito sa loob ng aming tahanan. Hindi ako pinahihintulutang lumabas ni Ama, ngunit nang dumating siya ay ayos na rin sa aking hindi lumabas ng bahay.
"Nasaan ang iyong Ama at Ina, Rosa? Bakit ka nag-iisa sa daan noong nahanap ka ni Ama?" tanong ko habang pinagmamasdan lamang siyang inaayos ang aking higaan.
"Ayaw ko roon sa kanila, binibini. Sinasaktan ako ng aking Ama at pinipilit niya akong ibenta sa mga Timawa kapalit ng isang ginto at isang sako ng palay. Mahirap lamang kami at marami akong kapatid kaya marahil ay naisip niyang gawin sa akin iyon. Gayunpaman, mahal na mahal ko pa rin sila, binibini. Lalo na si Ama, siya na lamang ang natitira kong magulang," paliwanag ni Rosa.
"Wala ka bang balak na sila'y balikan o dalawin? Hindi ka ba nangungulila sa kanila?" tanong ko ulit.
"Nangungulila naman, binibini. Noong kinuha ako ng iyong Ama at inalok na magsilbi sa iyo ay agad akong pumayag. Pinangakuan niya ako na bibigyan ng mga pananim at ginto bilang kapalit. Nangako ako sa aking sarili na babalik ako sa aming bayan at dadalhin ang mga iyon sa aking pamilya," nakangiti niyang saad.
Naging malungkot ang aking mukha nang malaman ang pinagdadaanan ni Rosa. Kaya kinausap ko si Ama na ibigay ang kanyang pangako kahit hindi pa man siya umaabot ng taon bilang aking tagapagsilbi.
"Maraming maraming salamat, binibini!" naiiyak niyang yakap sa akin. "Napakabait niyo po at ng iyong Ama. Hinding-hindi ko po kayo makakalimutan!" aniya bago kumalas sa akin.
Iyon ang araw kung saan akala ko'y hindi na muling babalik si Rosa sa amin. Kahit ayaw ko na sana siyang pabalikin dahil alam kong magiging malungkot na naman ang aking pananatili rito sa aming bahay, ay wala akong karapatan. Kahit papaano'y masaya na akong malaman na nakatulong ako at napasaya ko siya.
Isang araw, narinig ko ang tunog ng mga kabayo nina Ama kaya nagmadali akong bumaba mula sa aking silid upang malaman kung nakauwi ba si Rosa.
"Rosa? Bakit ka nakabalik? Anong nangyari?" nag-aalala kong tanong sa kanya nang makitang labis ang lungkot sa kanyang mukha pagpasok ng bahay.
"Wala na ang kanyang pamilya sa kanilang bayan, anak. Ang sabi-sabi'y hindi na sila nakita simula noong may gulo roon. Sinubukan naming magtanong sa karatig bayan ngunit wala pa rin," malungkot na sagot ni Ama.
Napatingin ako ulit kay Rosa at nakita ang nagbabadyang mga luha sa kanyang mga mata. Mabilis akong lumapit sa kanya at sinalubing siya ng isang yakap. Tuluyan na siyang humagulhol sa gitna ng yakap ko.
"W-Wala na ang aking p-pamilya, binibini. Ako'y tuluyan nang naging ulila. Kung sana'y hindi ko nalang sila iniwan..." iyak niya sa aking balikat.
Hinagud ko ang kanyang likuran upang siya'y patahanin.
"Huwag kang mag-alala, Rosa. Hindi ka pa rin mag-iisa. Nandito ako. Nandito kami. Ituring mo kaming iyong panibagong pamilya," saad ko.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...