Kabanata XXII

664 39 4
                                    

"Binibini? Gising na, tayo na at kumain!" pukaw sa akin ni Rosa. Napapikit ako ulit dahil sa matinding silaw na nagmula sa sikat ng araw. Sobrang sigla na ng umaga.

"Sabay naman tayong natulog kagabi, hindi po ba? Ngunit bakit tila napuyat ka, binibini?" nagtatakang tanong ni Rosa habang hinahanda ang aming hapagkainan.

"Magandang Umaga!" biglang sulpot at masayang bati ni Bisdak. Tila kakagising lang din nito dahil magulo pa ang buhok. "Maaari ba akong makikain dito? Tinanghali kasi ako ng gising at hindi nakapagluto. Ubos na rin naman ang talangka ko roon at saka...mas masarap ang luto rito," pagngisi niyang saad.

"Araw-araw ka namang nakikikain dito, ngayon kapa humingi ng pahintulot," irap ni Rosa. Napangisi na lang din ng mas malaki si Bisdak.

"O, nga pala. Maraming salamat pala sa paghatid mo sa unggoy kong kaibigan kanina, Binibining Hiraya," nakangisi ulit nitong baling sa akin.

Napayuko na lamang ako nang maalala ang nangyari kagabi. Hindi pala iyon panaginip?

"Ha? Gumising ka kanina, binibini?" gulat na tanong ni Rosa. Dahan-dahan akong napalingon sa kanya at tumango.

"Hindi mo alam? Madaling araw na kaya kaming nakatulog. Nauna akong umuwi kay Carpio dahil nagpa-iwan pa ito, pero binalikan ko naman siya ilang sandali upang dalhan sana ng kumot. Pero naabutan ko nalang si Hiraya na inaalalayan si Carpio patungo sa bahay nila kaya tinulungan ko na lamang siya," kwento pa ni Bisdak sabay subo ng pagkain.

Seryoso namang nakikinig si Rosa sa kanya habang 'di na ako mapakali nang maalala iyon...

"Mahal kita, binibini. Labis-labis at walang kulang."

Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko kasabay ng mabilis na pintig ng aking puso. Suminghap muna ako bago nakapagsalita. Marahil dulot lamang ito ng kalasingan niya. O kaya'y guni-guni ko na lamang iyon. Ngunit 'di ko maikaila na hinihiling ko rin na sana'y totoo.

"Carpio, halika na. Kailangan mo nang umuwi upang makatulog ng maayos."

Tumayo ako at sinubukang hablutin ang aking kamay mula sa pagkakahawak ni Carpio ngunit nabigo ako. Ayaw niyang tumayo.

"Wala ka man lang bang sasabihin? Wala ka man lang bang isasagot? Handa akong tanggapin kahit ano man iyon, Hiraya," muling aniya.

Kahit madilim ang paligid at wala ako masyadong makita ay nararamdaman ko naman ang mga mata ni Carpio sa akin. Sa tingin ko'y hindi ko siya mapipilit na tumayo hangga't hindi ako nagsasalita.

"Kung uuwi ka sa inyo at magpahinga, saka ko sasabihin sa iyo," sagot ko at sinabayan na lamang ang kalasingan niya upang umuwi na siya.

Hindi naman ako nagkamali sapagkat mabilis itong tumayo at nagsumikap na maglakad ng maayos. Nakahawak pa rin ito sa isang kamay ko kaya agad ko siyang inalalayan.

"Bakit ba kasi kayo uminom ng labis. Ayan tuloy muntikan na kayong maabutan ng araw sa labas," saad pa ni Rosa.

"Ito kasing si Carpio bigla na lamang nagpadagdag ng ilang bote pa ng lambanog. Para bang may kinagagalit sapagkat bigla na lamang nag-iba ang mukha niya simula noong pinag-usapan namin si Hiraya at Arigomon, na nag-uusap noon sa harap naming," paliwanag pa ni Bisdak. Biglang napatingin si Rosa sa akin na para bang may nakumpirma.

"Kumain na nga lang tayo," pag-iiba ko.

"May pinag-usapan ba kayo ni Carpio bago ko kayo nakasalubong, Hiraya?" nagtatakang tanong ni Bisdak.

Tahimik lang si Rosa na para bang may iniisip. Pa lipat-lipat rin ang tingin niya sa aming dalawa ni Bisdak.

"H-ha? Walanamankamingpinagusapan," mabilis kong sagot.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon