Kabanata XLVII

556 29 9
                                    

"Iyong nasa gitna ang sakayan ng kanilang Kapitan. Mababaw ang tubig ngayon kaya makakaya lamang nating marating ang barkong iyon. May dalawang bantay lamang sa harap, kaya sa likuran tayo dadaan," paliwanag ni Su-il, na isa sa kasama namin.

"Papaano tayo aakyat sa likuran? Nakatitiyak ka bang makakadaan tayo roon?" usisang tanong ni Bisdak.

Nanatiling nakalibot ang aking mga braso sa katawan ni Carpio habang pangko ako nito sa kanyang bisig. Alam kong nahihirapan na ito ngayon ngunit wala akong narinig na reklamo sa kanya. Kung makakaya ko lamang sanang maglakad. Ngunit sabi ni Manang na kung maaari ay kailangan kong mag-ingat at iwasang mapagod dahil baka muli akong duguin.

"Sumisid ako kanina, may maliit na pintuan doon at mayroon ding hagdanan na maaari nating gamitin upang makaakyat. Sa palagay ko'y ang daan na iyon ay patungo sa imbakan ng mga baon nilang pagkain at kagamitan," sagot muli ni Su-il.

Nagtatago kami ngayon sa isang malaking punong-kahoy. Mayayabong rin ang mga damo kaya natatabunan kami nito. Napatingin ako kung saan silang lahat nakatitig. Sa 'di kalayuan, natanaw ko ang tatlong malalaking barko na may matataas at malalapad na layag.

"Mayroong malapad na kawayang bangka sa dalampasigan. Sira na iyon ngunit nakatitiyak akong makakaya pa nitong mabuhat ang isang tao lang. Si Hiraya ang ating ilalagay roon hanggang sa marating natin ang barko," ani Arigomon.

"Sige na. Humayo na kayo. Ako na ang bahala sa dalawang kastilang bantay," sambat ni Manang, na naging hudyat upang kami ay kumilos na.

"Maraming salamat po, Manang," pasalamat ko. Ngumiti lang ito sa akin at tumango.

Mabilis na umalis si Manang at nagtungo doon sa dulo ng dalampasigan kung nasaan ang dalawang kastila. At dahil hindi sila makaintindi ng aming lenggwahe, nagsagawa na lamang siya ng isang ritwal malapit sa kanila. Mukhang naagaw naman nito ang pansin ng dalawang kawal kaya lumapit sila kay Manang at pinanood ang matanda.

Nang makitang nakatalikod na ang mga iyon sa amin, mabilis kaming tumakbo palapit sa kawayang bangka na sinasabi ni Bisdak. Maingat akong inilapag doon ni Carpio. Mababa lang pala talaga ang tubig ngayon kaya mabilis lang naming narating ang barko.

"Mauuna akong aakyat upang tignan ang paligid," ani Su-il at agad nang umakyat sa nakakabit na hagdan sa likuran ng barko.

Nang marating at matignan ni Su-il ang loob, agad niya kaming sinenyasan na maaari na kaming sumunod. Naunang umakyat si Bisdak at Arigomon. Tinulungan pa nina Bisdak at Su-il si Rigo dahil may sugat ito sa binti.

"Mauna ka, Hiraya. Ako ang aalalay sa iyo rito sa ibaba," tugon ni Carpio.

Tumayo ako at dahan-dahang umakyat doon. Hawak-hawak ni Carpio ang aking bewang habang itinutulak ako paitaas. Inilahad ni Bisdak ang kanyang kamay kaya agad ko itong inabot, hanggang sa makapasok na rin ako sa barko. Sumunod din naman kaagad si Carpio sa pag-akyat.

"Nasa ilalim tayo ng sasakyang ito. Dito nakalagay ang kanilang kagamitan. Kinakailangan nating makaalis dito pagkadaong na pagkadaong agad, baka tayo'y maabutan ng kanilang mandirigma," ani Bisdak.

Humarap sa akin si Carpio at yumuko upang ipangko ako ulit ngunit mabilis akong umilag.

"Kaya ko na, Carpio. Kanina mo pa ako binubuhat. Alam kong pagod ka na," tutol ko sa kanya.

"Hiraya, kahit kailan hinding-hindi ako mapapagod sa'yo. Inaalala ko lamang ang kalagayan mo," sagot niya.

"Carpio," tawag ni Arigomon sa kanya kaya agad nawala sa akin ang mga mata niya.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon