"Ano?" iyon na lamang ang nasagot ko. Sinabi iyon ni Marita?
"Huwag kang mag-alala. Hindi ako pumayag. Hindi lang dahil ayaw kong mangyari ito, kundi dahil na rin ayaw kong sirain pa ang namumuong ugnayan ninyo ni Carpio." Hindi ko mawari kung saan niya kinukuha ang lakas upang ngumiti pa sa sinabi nito.
"Masaya akong masaya ka sa piling ni Carpio, Hiraya. Alam kong mahal na mahal ka niya at hindi ka niya hahayaang masaktan. Huwag kang mag-alala, papaki-usapan ko si ama na huwag nang ituloy ang kasunduan sa pagitan natin. Kailangan ko ring balikan ang sarili ko. Pagkatapos ng kaguluhang ito, doon na muna ako sa Tondo kung saan naiwan ang ilang kalupaan na ipinamana ni ina sa akin."
Hindi ako nakapagsalita. Siya ay walang pag-iimbot. Paano niya nagagawa ito para sa akin?
Alam niyang hindi ko ikakasaya kung itutuloy niya ang pakikipagsundo sa amin kaya hindi siya pumayag sa nais ni Marita. Kahit ang kapalit nito ay ang pagpapatunay kung gaano niya ito ka mahal at ano ang makakaya nitong gawin para sa kanya.
Bakit ginagawa ito ni Marita? Kahit kailan ang isang pagmamahal ay walang hinihinging kapalit. Sana'y mali ang iniisip kong ginagawa niya ito upang mapaghiwalay kami ni Carpio. Hindi siya ganoon. Hindi ganoon ang pagkakakilanlan ko sa kaniya.
"Lalayo ka?" tanong ko sa kanya. Marahan siyang ngumiti sa akin at tumango.
"Kailangan kong buohin ang aking sarili ulit, Hiraya. Ngunit hindi ibig sabihin nito na sinusukuan ko na siya. Hindi ako susuko hangga't hindi niya sinasabi sa akin na sumuko na. Handa akong madurog ng paulit-ulit kung ang kapalit nito ay ang kabuuan ng pagmamahal niya sa akin," puno ng pag-asa niyang sagot na agad kong ikinangiti.
"Mahal mo talaga siya ng lubusan," nakangiti kong saad.
"Hindi mo alam kung hanggang saan ang magagawa ng isang taong tunay na nagmamahal, Hiraya. Katulad lamang ni Carpio, handa naming gawin ang lahat para sa binibining iniibig namin," aniya.
"Nag-usap kami noong huling araw ng pagsasanay namin. Ikinuwento niya sa akin ang lahat. Hanggang sa napatunayan ko ito noong nakasagupa namin sina Atan. Nakita ko kung paano nag-apoy ang kanyang mga mata nang nilahad ni Atan ang muntikan na niyang ginawa sa iyo. Halos patayin na niya ito dahil sa galit. Doon ko napatunayan kung gaano ka niya pinapahalagahan, Hiraya. Handa niyang gawin ang lahat. Kung hindi mo alam, nasa panganib ngayon ang buhay ni Carpio. Ang ginawa niya kay Atan ay labag sa batas ng kanilang pinuno. Nakatitiyak kaming gaganti siya. "
Kinabahan ako sa sinabi niya. Hindi sinabi sa akin ni Carpio iyon.
"Kahit anong mangyari, sana'y ipaglaban mo rin siya gaya ng paglaban niya para sa iyo," dagdag niya.
"Kahit hindi mo sabihin, Rigo. Iyon ang gagawin ko," sagot ko at agad naman akong nagtaka nang bigla siyang napatawa. Anong nakakatawa?
"Bakit ka tumatawa?" nagtaka kong tanong kaya agad naman siyang napatigil at tumingin sa akin.
"Wala. Iyan din kasi ang sinabi ni Carpio," sagot niya. Uminit naman ang aking mukha dahil doon.
Madaling araw kaming dumaong sa dalampasigan ng Maynil. Halos lahat ay pinipigilang makalikha ng ingay upang hindi kami marinig ng mga kalaban. Ang sabi ni Rigo, nakakalat na ngayon sila sa paligid kung kaya'y mas lalo dapat kaming mag-iingat. Agad akong sumampa sa isang malaking kahon na pinaglalagyan ng mga tinghoy o ilawan. Ibinalot din iyon ni Arigomon ng kumot upang hindi ako makita.
"Tandaan mo Hiraya, huwag kang maingay o kaya ay gumalaw. At huwag na huwag kang lalabas kahit anong mangyari," bilin ni Arigomon at agad akong tumango.
May pahabang butas sa kahon na pinagtataguan ko kaya nakikita ko pa rin ang nangyayari sa labas. Hila-hila na ngayon ng dalawang kabayo ang pinaglalagyan ng mga kahon na kinabibilangan ko. Halos nasa labas na rin lahat ng mandirigma at parang nag-uusap. Inilibot ko ang paningin upang hanapin si Carpio ngunit wala siya sa paligid.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...