Naabutan ko si Kuya Jose na halos patayin na sa suntok si Arigomon. Agad akong tumakbo at pumagitna sa kanila. Pinipigilan ni Harum si Kuya Jose habang inaalalayan naman ng ibang mga kawal si Arigomon. Tanging mga kawal at si Harum lamang ang saksi sa pangyayari ngayon.
"Kuya!" sigaw ko nang akmang susugurin na naman nito si Rigo.
"Isa kang taksil! Huwag na huwag mong lalapitan ang aking kapatid sa susunod! Hayop ka!"
Unang beses kong makita si Kuya Jose nang ganoon ka galit. Kaya mas lalo akong nagtataka kung ano talaga ang nangyari.
"Ano ba kayo?! Ano bang nangyayari! Kuya Jose! Tama na!" pigil ko.
Napatingin ako kay Arigomon na nakayuko lamang ngayon habang tinatanggap lahat ng mura ng aking kapatid sa kanya.
Bakit Rigo? Bakit hindi ka lumaban? Anong ginawa mo?
"Hiraya, nagkamali ka ng pinagkakatiwalaan. Kagaya ng ama niya, taksil din ang hayop na iyan! Siya ang nag umpisa ng gulo noong paglalakbay natin patungo rito. Siya... ang dahilan kung bakit nanganib ang buhay ni Carpio at Bisdak," mariin at may bakas ng galit na saad ni Kuya Jose.
Para akong nabalot ng lamig. Hindi ko alam kung tama ba ang mga narinig ko. Hindi ko alam kung maniniwala ba ako.
"Hiraya..." tawag ni Rigo. Nakaluhod siya ngayon at puno ng sugat at pasa ang mukha.
"T-totoo ba?" tanong ko. "Totoo ba ang sinabi ng kapatid ko Rigo?"
Nakita kong napapikit siya at suminghap. Halos bumagsak ang dibdib ko nang makitang dahan-dahan siyang tumango at naluha.
Agad tumakas ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Naramdaman ko nalang ang mga kamay ko na lumilipad at buong lakas na pinaghahampas si Arigomon.
"Paano mo nagawa ito, Rigo?! Paano?! Kaibigan kita! Pinagkatiwalaan kita! Pilit kong inalis ang pagdududa ko sa'yo dahil kaibigan kita!"
"Patawarin mo ako, Hiraya. Pinagsisisihan ko lahat. Nadala lamang ako kay Ama. Hindi ko ginustong gawin iyon, p-pero pinagbantaan niya ako..." lumuluha na ang kanyang mga mata.
Nasasaktan akong makita ang kalagayan ni Arigomon ngayon. Ang magiting na mandirigma, ngayo'y lugmok na tumatangis. Pero kahit anong awa ang maramdaman ko ay mas umuusbong ang galit ko sa kanya ngayon.
"Ngunit ginawa mo pa rin! Pinili mo pa rin na magtaksil!"
"Pinagbantaan niya akong sasaktan niya si Marita kung hindi ko iyon gagawin, Hiraya." Umangat ang tingin niya sa akin habang namumuo ang mga luha sa kanyang mga mata. Nakikita ko ang sakit, pagsisisi, at paghihinagpis sa mga mata niya.
"Kaya mo sinaktan si Carpio at Bisdak," may diin kong sagot.
"Hindi ko ninais na gawin iyon, Hiraya..." bigla siyang huminahon mula sa pagtangis. "Kahit gaano ko ka ayaw gawin ay wala akong magawa. Hawak ni ama ang buhay ng pamilya ni Marita noon pa mang dumating kami sa Maktan. Wala akong alam na iyong iba kong kasamahan ay inutusan niyang bantayan si Marita at kanyang pamilya upang gamitin kung sakaling hindi ako susunod sa utos niya," paliwanag pa ni Arigomon.
"Ang ibig mong sabihin... alam mo na ang pakay ng iyong ama noong pagdating niyo sa Maktan?" galit kong tanong sa kanya.
Napapikit ako sa galit at sakit nang tumango si Arigomon. Hindi ko inaasahang magagawa niya ito sa amin.
"Patawarin ninyo ako. Ngunit kung ibabalik man ako sa pangyayaring iyon ay gagawin ko pa rin ang ginawa ko, Hiraya," aniya. Nanatili pa rin itong nakaluhod at nakatingin sa akin. "At ito ang kaya kong gawin para lamang sa taong mahal ko. Handa akong tanggapin ang anumang kaparusahan ang ipapatol sa akin ng Hari," patuloy pa ni Arigomon.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...