Kabanata XXXVI

564 30 8
                                    

"P-Patawad..." saad ko at yumuko.

Batid ko ang pagkagulat sa mukha niya. Napawi rin ang masayang ngiti ng mga taong nakatingin sa amin ngayon.

"B-Bakit?" kunot-noong tanong ni Carpio.

Nag angat ako sa kanya ng tingin at kita ko ang namumuong lungkot sa mga mata niya. Kaya bago paman ito tuluyang malungkot ay ngumiti ako sa kanya at sinapo ang kanyang mukha.

"Patawad... sapagkat hindi ko kayang hindi pumayag sa nais mo," saad ko at ngumiti pa nang mas malapad.

Muling sumilay ang ngiting nagpapalabas ng pahabang biloy sa kanyang pisngi. Wala na akong ibang maihahalintulad pa sa ganda ng mga mata niya sa tuwing ngumingiti. Hindi ko maiwasang mapatitig doon katulad lamang ng pagtitig ko sa buwan.

Mas hinila niya ako palapit sa kanya. Inaasahan ko na ang sunod niyang gagawin. Unti-unting lumalapit ang kanyang mukha sa akin. Ramdam ko pa rin ang tingin ng mga taong pinagmamasdan kaming dalawa ngayon.

Inaasahan ko ang pagdampi ng kanyang labi sa akin ngunit hindi iyon natuloy nang nakaramdam ako ng pagkahilo. Tila ba umiikot ang paningin ko sa kanya ngayon.

"Carpio..." saad ko nang mas lumalapit na ngayon ang mukha niya sa akin.

"Huwag kang magsalita. Ika'y hahalikan ko, Hiraya," bulong niya pa.

Napahawak ako sa kanyang dibdib para magsilbing alalay.

"C-Carpio... hindi ko na kaya."

Kumunot ang kanyang noo sa aking sinabi.

"Anong hindi mo na kaya?" naguguluhan niyang tanong.

Mas tumitindi ngayon ang pagkakahilo ko. Napatigil siya sa paglapat sana ng kanyang labi sa akin.

"N-Nahihil—"

Bago ko pa matapos ang nais kong sabihin ay binalot na ng kadiliman ang paningin ko.

Naglalakad ako sa mapayapang dalampasigan. Bawat apak ng aking talampakan sa pinong mga buhangin ay naghahatid ng kapayapaan sa pakiramdam ko.

Nag-angat ako ng tingin sa kalangitan at nasilayan ko ang mga ibong masaya at malayang nagliliparan doon. Napalingon din ako sa malawak na karagatan na tanging ang paghampas ng alon sa buhangin lamang ang naghahatid ng ingay sa paligid.

Ang saya sa pakiramdam. Payapa at maaliwalas. Ngunit napalingon ako sa likuran nang may pamilyar na boses akong narinig,

"Hiraya!"

Doon, natanaw ko si Carpio na tumatakbo palapit sa akin. Dala-dala niya ang kanyang kagamitang pandigma. Napangiti ako nang makita siya. Pero napawi ito agad nang mabasa ang kanyang mga mata. Puno ng pag-aalala, pangangamba, at takot. Muli akong nagbaling ng tingin sa harap ko at nanlaki ang mata nang makita ang nangyayari.

Isang digmaan, laban sa isang 'di ko makilalang mga tao. Malakas sila at matitibay ang kanilang mga kagamitang pandigma. Matataas at matutulis ang kanilang mga tabak. Tila ba sila'y hindi taga Maharlika. Iba ang kanilang mga mukha at kutis.

Napahinto ako sa paglalakad at tanging takot at kaba na lamang ang naramdaman nang makita ang ilan sa mga kasamahan namin na wala nang buhay.

Muling nabalot ng dugo ang dagat. Ito'y labanan ng mga taga Maktan laban sa isang banyaga.

"Hindi!" napabalikawas ako nang magising dahil sa aking nakita.

Habol-habol ko ang aking paghinga. Napatingin ako sa paligid at napagtantong nasa aming kubo na ako.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon