"Binibini?" tawag pa ni Mayang sa akin habang inalalayan pa rin ako.
Bago paman ako tuluyang makapagsalita ay bumalik na sina Aling Eka kaya agad akong umayos.
"O, luto na pala. Hali na kayo at handa na ang hapag doon," nakangiti niyang saad habang nakatingin sa akin,
"Hiraya... ayos ka lang ba?" tanong pa ni Aling Eka.
"Kasi po Aling Eka dumuduwa—" sagot pa sana ni Rosa pero agad ko siyang sinapawan.
"Ayos lang po ako, Aling Eka," patuloy ko.
Masayang ngumiti si Aling Eka sa akin at lumapit. "Naroon na si Carpio, ngunit hindi niya alam na nandirito na kayo. Ang sabi namin sa kanya ay kaarawan ni Tatang Dukyo ngayon kaya naghanda kami," nakangising tugon sa akin ni Aling Eka.
Napangiti naman ako agad sa kanyang sinabi. Mukhang may balak silang gulatin namin sina Carpio.
"Paano po si Kuya Jose? Naroon po siya hindi ba?" ani ko.
"Nagtungo sila ni Khapili sa dalampasigan at kinuha ang ibang mga pananim kaya hindi siya naabutan ni Carpio," sagot naman niya at hinila na kami.
Pinatago kami ni Aling Eka sa isang malabong at mataas na damo malapit sa pinaghandaan ng salo-salo. Nakikita kong may ilang mga tao na ang naroon. Nag-uusap si Bisdak at Harum ngayon habang naka-upo naman si Carpio sa isang bato at nakayuko habang nakahilig ang dalawang siko sa kanyang magkabilang tuhod. Ramdam ko ang pagod niya hanggang dito.
Ilang sandali lang ay dumating na rin ang iba. Nakita ko si Marita na nakangiting lumapit kay Carpio at inabutan ito ng tubig. Sa tingin niya pa lang kay Carpio ay batid kong may pagtingin pa rin ito sa kanya.
"Iyang si Bisdak talaga, kahit kailan ay isip bata!" reklamong bulong ni Rosa sa gilid ko habang sinisilip si Bisdak na ngayon ay tinutukso-tukso ang isang bata.
"Kuya Bisdak, mukha kang talangka!" pikon na sigaw ng bata kaya nagpupumigil kami sa tawa ni Rosa.
"Mga kasama, bago ang lahat," panimula ni Aling Eka. Nasa kanya na ang mata ng lahat ngayon. Tumingin siya sa kinaroroonan ni Carpio bago tumingin naman sa kinaroroonan ko.
Nakita kong napangiti ang ibang mga tao sapagkat alam naman na nilang nandirito kami at pinagtataguan lamang namin sina Carpio at Bisdak.
"May nais dumalo sa ating pagsasalo," ngiting patuloy ni Aling Eka.
"O, narito na pala sina Khapili!" sigaw na rin ng isang lalaki at napalingon kaming lahat kay Mang Khapili at Kuya Jose na may bitbit na mga pananim ngayon.
Nakita ko kung paano nagulat si Carpio nang makita ang kapatid ko. Palihim kaming tinawag ni Aling Eka at agad naman kaming lumapit sa kanya bago paman muling bumaling si Carpio sa amin.
"G-Ginoong Jose, naririto ka?" tanong ni Carpio kay Kuya Jose habang nakatalikod sa amin.
Pinipigilan ko ngayon ang tawa lalo pa't may naiisip si Rosa na gulatin si Bisdak.
"Ikaw ba'y nagulat, Carpio?" ngiting saad ng aking kapatid.
Nahagip kong bahagyang tinagilid ni Carpio ang kanyang ulo upang silipin kung mayroon pa bang kasama sina Kuya Jose sa likuran.
"Hindi ko lang inaasahan na nandito ka na. Maligayang pagbabalik sa aming puod," nakangiting bati ni Carpio.
"Batid ko namang hindi iyan ang nais mong itanong at sabihin ngayon. Kaya bago mo pa ako tanungin tungkol sa kanya, nasa likuran mo na ang sagot ko," patuloy ni Kuya Jose at agad sumilay ang ngiting may halong tawa sa aking mga labi.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...