"M-marita? Kailan ka pa dumating?" tanong agad ni Carpio.
Imbis na sagutin niya ang tanong ni Carpio ay bumaling ang tingin niya sa akin at nanlaki ang mga mata.
"Binibining Hiraya?! Nandito ka pala!" masaya akong sinalubong ni Marita ng yakap. Niyakap ko naman siya pabalik. Hindi ako makapaniwalang dito kami magtatagpong muli.
"Nabalitaan namin ang nangyari sa inyong tahanan. Sabi rin sa akin ni Itay na ikaw ay itinago ng iyong ama't kapatid sa malayong lugar kung saan magiging ligtas ka. Hindi ko akalaing dito sa aming isla ka pala ipinadala," patuloy niya pa.
Naaalala ko ngang nabanggit niya nga sa akin na tagarito talaga ang kanilang pamilya. Lumipat lamang sila sa Liwayway para sa hanapbuhay.
"Magkakilala kayo?" nagtatakang tanong ni Bisdak.
"Oo. Sila ang itinalaga ng aking ama upang pangalagaan ang aming lupain at pananim sa Bayan ng Liwayway. Nagkakilala kami noong isinama ako ng aking kapatid sa pagdalaw roon." nakangiti kong sagot.
"Anong nangyari? Bakit nandito ka?" naguguluhang tanong ni Carpio.
"Sinalakay rin kasi ng nga balawis ang aming bayan. Nasa kaharian ako noon nang sinundo ako ni Itay dahil kailangan daw naming umuwi muna rito para maiwasan ang kaguluhan doon," paliwanag niya. "Bakit? Ayaw mo ba? Hindi ka ba masayang makita akong muli, Carpio?" nakangisi niyang baling kay Carpio.
Nagpabalik-balik lamang ang paningin ko sa dalawa. Ang liit lang pala talaga ng daigdig. Hindi ko naisip na magkakilala rin pala sila ni Carpio.
"A-ah Carpio, ako na lamang ang maghahatid sa kanila. Ikaw na muna ang bahala kay Marita. Babalik din ako agad," putol ni Bisdak sa umaangat na katahimikan.
Ayaw ko pa sanang umalis doon. Hindi ko alam pero parang ayaw ko silang iwan dalawa. Nais kong marinig ang pag-uusapan nila. Hindi ako napapanatag na iwan siya kay Marita. Parang may mali sa akin. Ano ba itong nararamdaman ko?
Nagpaalam na lamang kami sa kanila at sumunod na lamang ako kina Bisdak at Rosa.
"Uy Bisdak! Ka ano-ano ba ni Carpio ang binibining iyon? Bakit parang iba makatingin kay Carpio ang babaeng iyon?" tanong ni Rosa kay Bisdak. Nasa likuran nila ako at nakikinig lang sa kanila.
"A-ah k-kasi. Matalik na magkaibigan si Carpio at Marita noon, bago paman ako naging malapit kay Carpio. Hindi ko rin mawari kung ano ang mayroon sa kanila. Pero ang sabi sa akin ni Mayang, may pagtingin daw si Marita kay Carpio noon pa man," ani Bisdak.
Biglang may kaba akong naramdaman sa dibdib. Hindi ko alam kung bakit pero parang nawalan ako ng ganang umuwi sa kubo. Parang nais kong bumalik doon at hintaying matapos silang mag-usap dalawa. Nais kong si Carpio ang maghatid sa akin sa aming kubo. Nais kong ako lamang ang kasama niya.
Bago pa man kami makaliko ay muli akong sumulyap sa kinaroroonan nina Carpio at Marita. Ramda ko agad ang pagsikip ng puso ko nang masaksihan sila. Biglang may kirot akong naramdaman nang makitang... nakayakap na si Marita kay Carpio. Ang kanyang mga kamay ay nakasalikop sa likuran ni Carpio habang tinatanim niya ang kanyang pisngi sa dibdib nito. Nakita ko rin kung paano umangat ang mga braso ni Carpio upang yakapin pabalik si Marita.
Alam ko sa sarili kong nasasaktan ako. At inaamin kong naninibugho ako ng labis. Ganito pala ang pakiramdam. Ang sakit. Nakakaiyak. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Nauunawaan ko na ang nararamdaman ni Arigomon. Gayung alam ko na...
Ang lalaking napupusuan ni Marita ay ang lalaking mahal ko.
"Binibining Hiraya? Ayos ka lamang ba?" Napabaling akong muli sa harapan kung nasaan sina Rosa at Bisdak. Napatigil din pala sila sa paglalakad nang tumigil ako.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...