"P-Patawad, Hiraya..." malungkot na sagot ni Bisdak.
Para akong nawalan ng lakas dahil sa narinig mula sa kanya. Bakit siya humihingi ng tawad? Anong nangyari? Hindi ko siya maintindihan!
"Hindi iyan ang tanong ko, Bisdak! Nasaan si Carpio?" ulit ko pa habang nanunubig na ng luha ang mga mata.
"Inilagay niya sa panganib ang kanyang buhay upang makatakas kami mula kina Atan, Hiraya. Sinubukan kong tulungan siya ngunit huli na ang lahat. Naabutan siya ng ibang tauhan ni Atan," pahayag ni Bisdak na agad ikinahina ng tuhod ko.
"Anong nangyari sa kanya?" hindi na mapigil ang mga luha ko sa pag-agos.
"H-Hindi ko alam... Ngunit nakatitiyak akong hawak pa siya ngayon nina Atan. Kaya matapos ko kayong maihatid sa ating barangay ngayon ay babalikan namin si Carpio," sagot niya.
Halos matumba ako hindi lang dahil sa bigat at sakit ng dibdib ko, kundi maging sa dulot na kirot sa aking sinapupunan. Nararamdaman kong ngayon na ang oras. Ngunit ayaw ko...hindi pa maaari...nais kong katabi ko si Carpio habang isinisilang ko ang aming supling.
Nagkahalu-halo ang sakit, takot, at pag-aalala sa loob ko. Nasa panganib si Carpio at hindi ko alam kung anong ginawa ni Atan sa kanya.
"Hindi... h-hindi--ahhh!" hagulhol ko habang sapo ang puson.
Mabilis akong dinaluhan ni Marita at Babaylan. Halos sumigaw na ako sa sakit matapos pumutok ang aking panubigan.
"Rigo, Bisdak! Ihanda ninyo ang higaan. Magsisilang na si Hiraya! Bilis!" ani Babaylan.
Mabilis akong napailing-iling. Dumalo na rin si Rosa at tinulungan sina Babaylan na alalayan ako patungo sa inihandang higaan nina Rigo.
"Hiraya, makinig ka. Kailangan mong lakasan ang iyong loob. Gagabayan kita," ani Babaylan.
Napapaliyad ako sa sakit. Pakiramdam ko'y mayroong unti-unting nawawasak sa kaibuturan ko. Hindi ko na makilala pa ang aking boses dahil sa pinaghalong iyak at ungol.
"Babaylan!" daing ko.
"Kailangan nating takpan ang iyong bibig upang maiwasan ang paglikha ng ingay, Hiraya. Para na rin ito sa kaligtasan natin. Nais kong ibigay mo ang iyong buong lakas hanggang sa maisilang mo ang iyong anak. Alam kong kaya mo ito, sapagkat ginagabayan ka ni Dian Masalanta," saad niya.
Carpio... Kailangan kita... Hindi ko alam kung makakaya ko ito.
"Marita, magpasama ka kay Rigo at kumuha kayo ng halamang gamot na kinuha natin kanina. Naaalala mo pa naman kung paano ko iyon nagawa, hindi ba?" rinig kong utos ni Babaylan. "Bisdak, magbantay ka sa labas at tiyakin mong hindi kayo nasundan nina Atan. Rosa, tabihan mo si Hiraya. Hawakan mo ang kanyang balikat at kamay."
Habang tumatagal ay mas lalo lamang akong nahihirapan. Dalawang buhay ng mga mahal ko ang namamayani sa aking isipan, kaya nilakasan ko ang aking loob. Sa ngayon, kailangan kong matiyak ang kaligtasan ng buhay sa aking sinapupunan.
"Sige pa, Hiraya. Kaya mo iyan..." rinig kong saad ni Babaylan.
Palalim nang palalim ang hininga ko habang patuloy ako sa pag-uros. Wala akong ibang marinig kundi ang aking sariling pag-iyak, at ang pagpapalakas-loob ni Rosa sa aking giliran habang isinisilang ang aking anak.
Matapos makalikom ng malalim na hangin ay muli kong ibinigay ang aking makakaya. Buong lakas akong umiri hanggang sa umabot sa aking tenga ang munting iyak ng aking supling.
Ramdam ko ang pawis na bumabalot sa akin, at ang patuloy na pagbilis ng aking hininga dahil sa pagod. Nag-angat ako ng sulyap kay Babaylan na nasa aking paanan ngayon habang nakangiti at kasalukuyang binabalot ang aking anak ng kayong.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...