Dahan-dahan akong umalis sa hinihigaan namin ni Rosa. Pinunasan ko ang mga luha ko at sinimulan kong magsulat upang hindi siya mag-alala.
Rosa,
Patawarin mo ako sa padalos-dalos kong pasya. Ayaw na kitang gisingin sa iyong pagtulog kaya sa pamamagitan na lamang ng liham na ito ko sa iyo sasabihing.... sumakay ako sa isa sa mga bangkang balangay na gagamitin ng mga mandirigma patungong Maynil.
May kailangan akong alamin tungkol sa pagkatao ko. Isang lihim na tanging si ama lang ang nakakaalam. Patuloy akong ginagambala ng mga nakikita ko sa panaginip at sa tuwing ako'y nahihilo.
Huwag kang mag-aalala, magiging ligtas ako. Pangako iyan. Iparating mo na rin sa kanilang lahat lalo na kay Babaylan ang aking pagliban.
-Hiraya
Nasa tagong bahagi ako ng balangay at tama lamang ang butas na sinisilipan ko upang makita ko ang nangyayari sa labas. Hindi ko alam kung saang bangka ako nakasakay pero sana'y hindi sa bangka nina Carpio.
Hindi pa umaalis ang mga balangay. Ngunit may mga tao nang nakasakay at nakahanda nang mag sagwan. Sumilip ako mula sa butas at nakita kong nagyayakapan na ang ibang mga mandirigma at nagpapaalam sa kani-kanilang pamilya. Maraming mga tao ang nanonood sa pag-alis namin at isa na roon si Babaylan.
Agad akong kinabahan nang tumingin siya sa bangkang pinagtataguan ko. Ilang ulit niyang inilibot ang paningin niya rito na para bang may hinahanap. Ilang sandali pa ay kumaway na ang lahat nang nagsimula nang umalis ang lahat ng balangay.
Napatakip ako ulit ng kumot nang biglang may pumasok sa maliit na silid na pinagtataguan ko. Narinig ko ang yapak ng lalaki na papalapit sa kinaroroonan ko kaya sinikap kong hindi gumalaw upang hindi ako makita.
"Saan ba rito ang sinasabi ni Tinggo?" narinig kong sambit ng lalaking papalapit sa akin. Binagalan ko na rin ang aking hininga upang hindi gumalaw ang kumot na pinagtataguan ko.
Narinig ko ang mga yapak niya papalapit pa sa akin kung saan nakalagay ang kumpol ng mga sibat ng mga mandirigma. Naalala kong doon ko rin nilagay ang aking sibat.
Ang balangay na sinakyan ko ang nagdadala sa lahat ng mga kagamitan ng mga mandirigma. At itong pinagtataguan ko ay katabi lamang ng mga kagamitan.
"Isko! Bakit ang tagal mo?" biglang saad ng isa pang lalaking kakapasok lang.
"Hindi ko Makita ang mga itak. Saan ba inilagay?" sagot ng lalaking Isko pala ang pangalan.
"Doon, o! Sa tabi ng kumot na iyan!" Rinig kong sagot ng lalaking kakapasok lamang. Kinabahan ako nang lumapit iyong Isko sa kinaroroonan ko at naramdaman ko ang pagkuha niya sa kahong-kahoy na pinaglalagyan ng mga itak.
"Ano ba itong nasa ilalim ng kumot na ito? Bakit dito ito inilagay?" tanong niya na agad ko namang pinangamba.
"Huwag mo na iyang pakialaman. Hali ka na at naghihintay na sila sa atin," pigil sa kanya ng kasama.
Napahinga ako ng malalim nang unti-unti ko nang naririnig ang kanilang mga yapak na papaalis na. Dahan-dahan kong tinanggal ang kumot para sumilip. Napansin kong may kalakihan itong balangay na sinasakyan ko kung ihahalintulad sa mga kasabay naming naglalayag ngayon. Napasilip ako sa butas kung saan nakikita ko ang papaliit na papaliit na isla ng Maktan.
Kinagabihan, tumigil ang lahat ng balangay sa isang maliit na isla upang magpahinga. Nasa dalampasigan na lahat ng mandirigma at wala nang taong natitira pa sa balangay na sinasakyan ko kaya lumabas ako sa pinagtataguan ko.
Natatanaw ko ang ilang mandirigma na natutulog sa dalampasigan habang ang iba ay kasalukuyang nagsusunog ng kanilang pagkain. Malalim na ang gabi at tanging buwan na lamang ang nagsisilbing liwanag sa buong paligid.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...