Kabanata XXXIV

640 28 9
                                    

Matapos ang isang linggo ay nagpasya na kaming bumalik sa Sugbu. Halos hindi na kami makapaghintay na makita at makasamang muli ang mga tinuring na naming pamilya roon.

Mahigit isang buwan na rin ang nakalipas simula noong kaguluhang nangyari. Kahit mabigat pa sa dibdib ay unti-unti naman naming natatanggap ni Kuya Jose ang nangyari. Sapagkat alam naming magkasama na ngayon ang aming magulang.

"Tiyak na matutuwa silang lahat pagdaong natin sa Sugbu, binibini!" masayang tugon ni Rosa habang nakatingin kaming dalawa sa karagatan.

Kasalukuyan na kaming naglalayag ngayon. Dalawang balangay ang dala namin ngayon sapagkat maraming pananim ang inani nina Kuya Jose bilang handog na rin sa mamamayan ng Maktan.

"Naku, mukhang mas nananabik ka lang talagang masumpungang muli si Bisdak, e!" pang-aasar ko kay Rosa.

Nabigla siya at agad inalis ang mga mata sa akin. Napatawa nalang ako nang palihim sa kanya.

Bigla akong nakaramdam ng pagkahilo nang bahagyang gumalaw ang balangay na sinasakyan namin. Agad akong napahawak sa gilid ng inuupuan ko at napahawak sa ulo ko.

"Binibini, ano ang nangyayari? Kayo ba'y ayos lang?" rinig kong pag-aalala ni Rosa.

Sinubukan kong ipikit ang aking mata at nagbabakasakaling may pangyayari na naman akong makikita. Pero walang lumabas.

"A-Ayos lang, Rosa," sagot ko.

Kinabahan ako dahil sa nangyari. Baka may nakatakda na namang mangyayari. Ayaw ko nang maulit pa ang kaguluhan. Hindi ko kakayanin pa kung may mga masasaktan na naman.

"May nakikita ka na naman po ba?" kinakabahan niya ring tanong.

Umiling ako at tumingin sa kanya. "Wala," sagot ko at naging panatag ang mukha niya

Halos tatlong araw rin ang paglalayag namin sa karagatan bago kami dumaong sa Sugbu. Natatanaw na namin ngayon ang payapang dalampasigan ng Maktan. May ilang kabataan ang naglalaro doon at agad na napatigil nang mas lumapit ang aming balangay.

"May mga bagong dating!" sigaw ng isang bata sa kanyang kaibigan. "Tawagin mo sina Itay!" dagdag niya pa. Agad namang tumakbo iyong lalaking bata pabalik sa gitnang-nayon.

"Hiraya, Rosa, magsihanda na kayo," bungad sa amin ni Kuya Jose.

Ilang sandali lang ay nagsidatingan naman ang ilang mga tao sa dalampasigan at nakatingin sa amin na paparating pa lang. Nakasuot kami ni Rosa ngayon ng puting balabal. Nang tuluyang makatapak ang aming mga paa sa maputing buhangin ay napapikit agad ako at dinama ang sariwang hangin at malamig na tubig sa aking talampakan.

Napatingin ako ngayon sa kumpol ng mga taong nakatingin sa amin. Napangiti ako at dahan-dahang tinggal ang balabal sa aking ulo. Agad kong naaninag si Mayang na nakatayo at nakatingin sa amin. Sumilay naman ang masayang ngiti sa kanyang mukha nang makilala kami.

"Binibining Hiraya!" natutuwa niyang sigaw sabay takbo palapit sa amin at sinalubong kami ng yakap. "Nagbalik ka, binibini!" aniya habang nakayapos sa akin.

Niyakap ko rin siya pabalik at masayang ngumiti.

"Oo naman. Para na ring naging pangalawang tahanan at pamilya ko na kayo," saad ko.

Napatingin ako sa mga kasama ni Mayang kanina at nakita sina Aling Eka, Babaylan, Manang Ising, at Mang Khapili na ngayon ay naglalakad palapit sa amin.

"Maligayang pagbabalik, Hiraya at Rosa," bati ni Mang Khapili sa amin.

"Nagagalak po kaming makita kayong muli!" saad naman ni Rosa.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon