Bakit? Bakit ganito? Bakit kailangang pati si Ama ay kunin din sa akin? Hindi ko maintindihan. Sana'y panaginip na lamang lahat ito.
Hindi ko maiwasang sisihin ang aking sarili. Hindi ako naniwala agad sa mga nakikita ko. Kung noon pama'y naniwala na ako kay Babaylan, sana ay maaga kong napagsabihan si Ama. Kasalanan ko ito, hindi ko siya nailigtas. Hinayaan kong mangyari ang nakita ko. Hindi ako gumawa ng paraan upang mapigilan ang nangyari.
Naramdaman ko na lamang na tumigil na ang kabayong sinasakyan ko. Walang lakas akong bumaba at nanatiling nakatayo habang nakayuko sa lupa. Nais ko pang umiyak ngunit tila naubos na lahat ng luha ko at tanging pagkirot na lamang sa dibdib ang nararamdaman ko.
Narinig ko na lamang ang pagbukas ng pintuan, ngunit hindi ako tumingala. Nanatili lang akong tulala sa lupa. Bigla kong naramdaman na may isang kamay ang humawak sa balikat ko.
"Hiraya! Ayos ka lang ba? Nasaan si Ama? Nasaktan ba kayo?" sunod-sunod na tanong ni Kuya Jose.
Dahan dahan akong tumingin sa kanya. At sa sandaling nagtagpo ang aming mga mata, tila bumalik lahat ng luha ko at naramdaman ko na lamang ang sarili kong nakasubsob at nakayakap sa aking kapatid.
Hindi ko na mapigil pa ang pag-iyak. Sobrang bigat at sikip na ng aking dibdib na unti-unting nilalamon ang buong katawan ko. Halos mawalan ako ng lakas dahil sa panginginig ng tuhod ko. Mabuti na lamang at inalalayan ako ni Kuya Jose.
"K-kuya... Si Ama. Kasalan ko ito, kasalanan ko ito. Patawarin niyo ako. Kasalanan ko ito!" iyak kong sambit.
Hindi ko narinig na nagsalita si Kuya Jose. Hindi ko na rin siya nararamdamang gumalaw. Nakasalikop lamang ang mga braso niya sa akin. Kahit ganoon, alam kong naunawaan na niya ang nangyari. Alam kong nabigla at lubos din siyang nagluluksa. Alam kong umiiyak siya. Hindi ko lamang siya matignan pa.
Nang huminahon ako ay saka lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na ilahad ang lahat ng nangyari at lahat ng nga nalaman ko kanina. Kahit si Haring Luisong ay hindi makapaniwalang magagawa iyon ni Ginoong Paterno.
Ipinahanap niya ang mga natitirang tauhan ni Ginoong Paterno upang hatulan ng parusa sa salang pagtataksil.
"Maaari kayang may alam si Arigomon sa pakay ng kanyang ama?" naghihinalang tanong ni Mang Khapili.
"Hindi. Mabuting tao si Rigo. Tinulungan niya ako kanina sa pagligtas kina Ama at Kuya," ani ko sabay tingin kay Kuya Jose.
"Ayaw ko ring pag-isipan siya ng masama, ngunit kahina-hinala ang bigla niyang pagkawala noong naglalakbay palang tayo papunta rito," ani Harum.
"Kung nasabi ni ama na may kinalaman din si Ginoong Paterno sa kaguluhan dito sa kaharian, marahil ay alam ito ni Arigomon. Imposible namang makapasok ang mga kalaban sa daanan natin kung walang taong nagturo sa kanila," muling paliwanag ni Kuya Jose.
"Nagsisilbi siya sa kaharian at alam niya ang bawat sulok at daan sapagkat nabibilang siya sa sandatahan ng hari," dagdag naman ng isa sa mga mandirigma.
"Hindi. Hindi magagawa ni Rigo iyon. Maging siya ay napahamak dahil sa kaguluhan. Hindi dahil siya ay anak ng taksil ay pati siya ay taksil na rin."
Ilang oras na akong nakatulala rito sa durungawan habang pinagmamasdan ang mga talang masayang nagniningning sa kalangitan.
Sana kayang pasayahin ng mga ito ang puso ko ngayon, pero hindi. Kahit kailan hindi matatapatan ng ilang tala ang sakit ng nararamdaman ko ngayon.
Naagaw ng isang tala ang aking paningin. Ito ang pinakamaliwanag at pinakamalaki. Kusa na lamang tumulo ang mga luha ko nang makita ito. Napapikit ako at inalala ang mga masasayang alaala namin kasama si Ama....
Walong taong gulang pa lamang ako noon nang masilayan ko ang ilang mga kabataang tulad ko na naglalaro sa labas ng aming tahanan. Isang marahang sayawan ang kanilang nilalaro at hindi maipagkakaila ang saya sa kanilang mga labi. Naabutan ako ni ama na pinagmamasdan sila mula sa durungawan ng aking silid.
"Hiraya anak, ano ang iyong tinatanaw riyan?" bungad niyang tanong. Hindi ako sumagot sa halip ay nagpatuloy pa rin ako sa pagtingin sa kanila.
"Maaari ko bang maisayaw ang aking munting prinsesa?" bigla niyang saad mula sa likod kaya agad ko siyang nilingon.
Nakalahad na ang kanyang kanang palad habang nasa likuran ang kabila niyang kamay. Napangiti agad ako at inabot ang kanyang kamay. Marahan niya akong sinayaw-sayaw sa buong silid ko. Sa pagkakataong iyon, sumaya ang aking pakiramdam.
"Balang araw, mauunawaan mo rin kung bakit ganito ako maghigpit sa iyo, anak." pahabol niya.Bigla akong natauhan nang may nagsalita sa likuran ko. Agad kong pinunasan ang mga butil ng luha mula sa aking mga mata.
"Nakikiramay ako sa nangyari sa iyong ama, ngunit sana'y huwag mong kalilimutan na nandito lamang ako para sa iyo."
Muli akong napaluha nang marinig at makilala ang tinig na iyon. Agad akong lumingon at bumungad sa akin ang malungkot niyang mga mata. Tuwid siyang nakatayo at nakatingin sa akin habang ang isang kamay ay nakaalalay sa sugat sa kanyang sikmura.
Tuluyan na akong umiyak nang masumpungan ang kanyang mukha. Kahit alam kong hindi pa maayos ang kanyang sugat, hindi pa rin siya nagdalawang isip na yakapin ako at halikan ang ibabaw ng aking ulo upang mapatahan ako. Ngunit paano ako tatahan kung kahit ang mga yakap niya ay nagpapaiyak din sa akin?
"Kung kaya ko lamang pawiin ang sakit na iyong nararamdaman ay gagawin ko, Hiraya. Ngunit hindi kita pipigilang umiyak kahit pa ang iyong pagtangis ay nagbibigay ng kirot sa puso ko," saad niya habang nakayapos sa akin.
"Hindi ko siya nailigtas, Carpio. Hinayaan ko siyang mawala. Kasalanan ko ito, kung nakinig lamang sana ako kay Babaylan, sana'y may nagawa ako. Sana'y—" hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil agad niya itong sinapawan.
"Hiraya, huwag mong idiin ang iyong sarili sa pangyayaring hindi mo naman kasalanan. Kung maririnig ka ng iyong ama ay hindi rin siya matutuwa," dumungaw ito sa akin habang hawak ang mukha ko.
Marahan niyang hinawi ang ilang buhok na nakaharang sa mukha ko at dahan-dahang inilapat ang labi niya sa aking noo.
"Bakit kinukuha sa akin ang mga taong kailangan ko? B-bakit ganoon? Natatakot ako Carpio, natatakot ako sa mga mangyayari pa. Natatakot akong m-maiwan." Muling pagtangis ko.
Hinawakan niya ang magkabilang siko ko at inilapit ako sa kanya kung saan patuloy pa rin akong umiiyak habang sinusubsob ang mukha sa dibdib niya.
"Wala kang dapat ikatakot, mahal ko. Habang humihinga ako pinapangako kong hindi ka mag-iisa. Nandito lang ako, hindi kita iiwan."
Ang binitiwan niyang salita ay tunay na nagpagaan sa nararamdaman ko. Masaya akong isipin na sa kabila ng lahat ng pinagdaanan at pagdadaanan pa, ay mayroong isang tao na handa akong damayan. Kumalas ako sa pagkakayakap nang may biglang pumasok sa silid.
"Binibining Hiraya, ang iyong kapatid at si Arigomon..." siniklaban agad ako ng kaba dahil sa sinabi ng isang kawal.
Bakit? Ano ang nangyari sa kanila?
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...