Kabanata XII

860 42 2
                                    

Sa lahat ng mga nangyayari, lubos pang nagugulumihanan ang aking isipan sa sinabi ni Babaylan. Ano nga ba ang mayroon sa aking pangalan? Bakit nasabi niyang kailangan kong tuklasin ang katotohanan? Ano'ng katotohanan?

"Wala ako sa tamang lugar upang sabihin sa iyo ang katotohanan, Hiraya. Ako'y nagbigay payo at babala lamang sa iyo. Sana'y isipin mo iyong sinabi ko."

Iyon na lamang ang huling sinabi sa akin ni Babaylan kagabi.

"Mag-iingat kayo sa inyong paglalayag, Kuya Jose. Ipaabot mo kay ama ang liham na ito. Ipagbigay batid mo rin sa kanya na mahal ko siya," pagpapaalam ko kay Kuya Jose.

Nasa dalampasigan kami ngayon upang ihatid siya kasama ang kanyang ibang kasamahan.

"Ipinapangako ko sa iyo, Hiraya, sa aking susunod na pagbabalik sa islang ito ay isasama na kita pabalik. Huwag kang mangamba, palagi kaming mag-iingat ni Ama," aniya.

"Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap at pagpapatuloy sa amin dito. Kami ay lalayag na po pabalik sa Maynil upang sugpuin ang kaguluhang nangyayari sa aming bayan." pagpapaalam niya kina Babaylan at sa iba pa naming kasamahan.

"Mag-iingat kayo sa karagatan. Kami na ang bahala sa iyong kapatid," sagot naman ni Babaylan.

Niyakap ko ulit si Kuya Jose. Hindi ko na rin mapigilan pa ang mga luha ko sa pag-agos. Hindi ko alam kung kailan ko muling mayayakap ang aking kapatid. Pinagmasdan ko lang siya hanggang sa makasakay na siya sa bangkang balangay na dala nila. Unti-unti na ring nagsisi-alisan ang ibang mga tao hanggang sa ako at si Rosa na lamang ang natira.

"Binibini, bumalik na po tayo upang makakain na tayo ng umagahan. Ang iyong kapatid po ang nagluto kanina," saad ni Rosa.

Matapos naming kumain. Agad kaming nagkwentuhan ni Rosa tungkol sa nangyari noong isang araw kung kailan ibinigay ni Carpio ang ginawa niyang sibat para sa akin.

"Bakit ka nakangiti Rosa?" nagtataka kong tanong. "Masaya lamang ako para sa iyo, binibini. Masaya akong napapangiti ka ni Ginoong Carpio nang ganyan," sagot niya.

Wala akong ibang nasagot kundi ngiti lang din.

Nagtungo ako sa bahay nina Mayang. Nais ko sanang manghingi sa kanya ng iba pang kagamitan sapagkat nais kong gawan ng sambalilong si Carpio bilang pasasalamat sana sa kabutihan niya sa akin. Sumilip muna ako sa kanilang pintuan at natanaw ko si Mayang na nililigpit ang mga pinagkainan nila.

"Mayang!" mahina kong tawag sa kanya. Napangiti naman siya agad nang makita ako at agad niya akong nilapitan.

"Binibini! Ano ang iyong ginagawa rito? Halika at pumasok muna," aya niya sa akin ngunit tumanggi nalang ako. Baka maabutan pa ako ni Carpio dito.

"Hindi na, Mayang. Naparito ako upang humiram sana ng kagamitan. Nais kong gumawa ng sambalilong para sa iyong kapatid. Bilang pasasalamat na rin sana," saad ko, napangiti naman siya ulit.

"Aba oo naman binibini! Tiyak na abot langit ang magiging ngiti ni Kuya!" natutuwa niyang sagot.

"Sshh baka may makarinig sa atin," natatawa kong saad.

Agad namang kinuha ni Mayang ang kanyang mga kagamitan. Ngunit hindi paman siya nakakalabas sa pintuan upang iabot na sana sa akin ang kanyang bitbit, ay biglang dumating si Carpio kaya agad niya itinago ang mga kagamitan sa kanyang likuran.

Papunta sa akin ngayon si Carpio at nandirito na naman ang kanyang mga ngiting walang bakas ng pagod. Pinagpapawisan siya ngayon na tila ba kakatapos niya lang maligo. Ngunit nananaig pa rin ang pagkamakisig at matipuno niya.

"Magandang umaga sa iyo, Binibing Hiraya. Hinahanap mo ba si Mayang?" tanong niya.

"A-ah, o-oo! nag-usap na kami, pabalik na ako ngayon sa aming kubo--" pagpapalusot ko na agad naman niyang sinapawan.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon