Kabanata XIV

707 42 4
                                    

"Maayong gabi-i kaninyo mga igsoon! (Magandang gabi sa inyo mga kapatid!)" panimula ng Rajah na ngayon ay nakatayo sa harapan namin at makisig na hinahawakan ang kanyang matulis na sibat.

Sa kanyang giliran ay naroon ang kanyang asawang si Lakambini Bulakna. Ngayon ko lamang nakita nang malapitan ang Lakambini sapagkat sa kanyang silid lamang ito namamalagi. Nakasuot siya ng isang mahabang patadyong at may pulang tapis namang nakasapaw rito. Marami rin itong gintong kasikas sa katawan at bakas sa mukha ang walang kupas na kagandahan.

"Nais kong ipagbigay-batid sa inyo na ang Lungsod ng Maynil ay nasa mapanganib na kalagayan ngayon. Muling lumusob ang mga balawis sa lipunan. Kaya bumalik agad kami rito upang itipon ang ating mga magagaling na mandirigma. Humingi ng dagdag sandatahan ang aking ama upang ikalat sa bawat bayan ng Maynil at Karilaya," nag-aalalang pahayag ng Rajah.

Umawang ang aking bibig sa kanyang sinabi. Ibig sabihin, mas lalong lumala ang kaguluhan. Hindi lang sa aming bayan kundi pati na sa buong lungsod ng Maynil. Mas lalo akong nag-alala sa aking ama at kapatid. Pati na sa mga kababayan namin. Akala ko'y malapit nang mahuli ang mga pasimuno ng kaguluhang ito. Anong nangyari?

"Sa susunod na linggo lalayag pabalik ng Maynil ang pinakamalaking balangay. Handa ring tumulong si Rajah Humabon kung kaya't tatlong balangay ang maglalayag pabalik sa Maynil," dagdag pa niya. "Ipinagpaliban na rin namin ang pagdiriwang ng kaarawan ng aking mahal na asawa bukas. Napagpasyahan naming ituloy ito pag humupa na ang gulo. Kaya hinihiling ko ang inyong tulong. Lahat ng mga mandirigma ay kailangang maghanda para sa labanang ito."

Bigla kong naramdaman ang pagkirot ng ulo ko at biglaan kong pagkahilo. Napapikit ako at naramdaman ko ang pag-alalay ni Rosa sa balikat ko. Kasabay nito ang pagpasok ng isang malabong pangyayari sa isipan ko.

Magulo. Maingay at puno ng sigawan. Halos lahat ay abala sa pakikipaglaban. Marami na ring sugatan sa lupa. Sa 'di kalayuan, nakita ko ang isang lalaking duguan at naghihingalo. Nilapitan ko ito para sana tulungan. Pero bigla nalang nanghina ang tuhod ko nang mapagtanto kung sino ang lalaking iyon.....

"A-ama," hindi ko namalayang may tumulo na palang luha mula sa mga mata ko. Napatingin ako sa paligid at nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Rosa. Sa giliran ko ay naroon si Carpio at nakaalalay sa mga siko ko.

Anong nangyari? Nanaginip ba ako? Ano iyong nakita ko?

"B-binibini? Anong nangyari? May masakit ba sa iyo?" tanong ni Rosa.

Hindi ako makapagsalita dahil sa mabilis na tibok ng puso ko. Mas kinabahan ako ngayon. Hindi ko na nauunawaan ang nangyayari sa akin. Naramdaman kong pinunasan ni Carpio ang mga luha sa pisngi ko gamit ang mga kamay niya.

"Bakit ka umiiyak? Pinag-aalala mo kami. Anong nararamdaman mo?" bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala.

"Carpio!" sabay kaming lahat napalingon sa kinaroroonan ni Rajah Lapulapu. Agad nagtungo si Carpio sa kanya.

May ibinulong sa kanya ang Rajah at agad namang tinugon ni Carpio ng tango. Muli namang ibinalik ng Rajah ang kanyang paningin sa kumpol ng mga taong nasa kanilang harapan ngayon.

"Itinatalaga ko si Carpio bilang punong-tagapangasiwa ng mga mandirigma sa ating isla. Lahat ng munukalang gagawin niya ay kailangan niyong tugunan. Ito ay upang maging mapayapa ang paghahanda at pagkilos sa gagawin nating laban," tugon ng Rajah.

"Ngunit Rajah, paano kaming mga kababaihan? Ano ang aming maitutulong?" biglang tanong ng isang Ale.

"Dito lamang kayo sa isla. Nais ko kayong umalalay sa mga sugatan nating kasamahan. Kayo ang nararapat naming ipagtanggol. Hindi dapat kayo nasasangkot sa mga mapanganib na gawain." Huminga ang Rajah ng malalim matapos sumagot.

Hindi. Hindi maaaring wala akong gagawin. Nanganganib ang buhay ng mga taong mahal ko. Hindi naman pwedeng manatili lang ako rito at maghihintay kung sinong mga sugatan ang gagamutin namin.

"Nais kong sumama sa labanan, Rajah," matapang kong saad.

Bumaling ang mata ng lahat sa kinatatayuan ko. Bakas sa mukha nila ang gulat at pangamba. Naramdaman ko rin ang paghawak ni Rosa sa aking braso na nagpapahiwatig ng pag-aalala. Maging si Babaylan at Carpio ay nanlalaki ang matang napatingin sa akin.

"Binibining Hiraya, hindi maaari iyon. Ipinadala ka ng ama mo rito upang maging ligtas. Hindi niya ikakasaya ang pasya mong iyan. Ang isang binibini ay hindi rin nararapat na sumabak sa isang labanan. Mas makabubuti kung pumarit---" hindi ko na pinatapos pa ang sinabi ni Rajah Lapulapu.

"Mawalang galang na, Rajah. Pagod na akong ipagtanggol ng kahit na sino. Nais kong ako naman ang lumaban, hindi para sa sarili ko, kundi para sa ibang tao. Hindi dahil isa lang kaming binibini, ay hindi na namin kayang lumaban. Hayaan mo kaming tumulong. Parang awa niyo na po, pinapangako kong magsasanay akong mabuti," pagmamakaawa ko sa kanya.

Inaamin ko, natatakot ako. Natatakot akong mangyari ang nakita ko kanina. Natatakot ako. Takot na takot. Hindi ko kayang mangyari ang bagay na iyon. Ano man ang ibig sabihin noon ay kailangan ko pa ring kumilos. Hindi pwedeng maghintay lang ako ng balita rito.

"Hiraya! Ano ang iyong ginagawa?" nag-aalalang suway ni Babaylan.

"B-binibini, mapanganib ang gagawin mo. Magagalit ang iyong kuya at ama." Narinig kong saad ni Rosa.

"Patawarin mo rin ako, Binibining Hiraya. Nangako ako sa iyong ama ng kaligtasan mo. Hindi ko maaaring putulin ang pangakong iyon," malungkot na saad ni Rajah.

"Maraming salamat sa inyong pakikinig. Maaari na kayong bumalik sa inyong mga bahay. Bukas magsisimula ang paglilikha ng munukala. Nawa'y magpahinga kayong mabuti," paalam ng Rajah at agad inalalayan ang kanyang asawa at umalis.

Lumapit si Carpio sa kinaroroonan ko. Tiningnan ko siya ng tuwid sa kanyang mga mata at umaasang nababasa niya ang nais kong iparating.

"Hiraya, hindi ko maaaring ilagay ang iyong buhay sa panganib. Hindi ko kaya," mahina niyang saad.

"Carpio, hindi maaaring manatili lang ako rito habang nasa panganib ang aking pamilya. Alam kong hindi pa sapat ang kaalaman ko sa pakikipagdigma ngunit nariyan ka naman hindi ba? Handa mo naman akong tulungan hindi ba? Pinapangako kong pagbubutihan ko pa ang pagsasanay," paki-usap ko sa kanya.

"Oo Hiraya, nandito lang ako. At habang nandito ako, hindi mo kinakailangang makipaglaban. Ako ang lalaban para sa'yo. Pinapangako kong magiging ligtas ang iyong ama at kapatid. Ako ang itinalaga ni ama upang maging ligtas ka, kaya sana pagkatiwalaan mo ako," saad niya.

Hindi ko alam pero parang gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi niya. Napahinga nalang ako ng malalim. Tila hindi ko na sila mapipilit pa.

"Carpio! Tara na!" tawag sa kanya ni Bisdak.

"Mauna ka na. Ihahatid ko lang sila sa kanilang kubo," agad akong napatingin kay Carpio.

"Hindi, ayos lang. Umuwi na kayo, malapit lang din naman ang kubo namin," pag-ayaw ko. Ngunit humalukipkip lamang siya at tumingin sa akin ng tuwiran habang nakanguso.

"Ganoon ba? A-ah sige! Sama nalang ako!" masayang saad ni Bisdak at agad naunang maglakad kay Rosa.

Wala na rin akong nagawa kundi pumayag na lamang. Ngunit hindi paman kami nakakalayo ay may biglang tumawag kay Carpio kaya agad kaming napalingon sa kanya.

"Carpio!"

Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ang isang binibining nakatayo habang nakangiti sa likuran namin.

Si Marita.

Ang anak ni Mang Toryo na taga Bayan ng Liwayway at ang babaeng napupusuan ni Ginoong Arigomon.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon