Kabanata XXIV

656 36 5
                                    

"Simula sa araw na ito, tuluyan nang nagbago ang buhay ko. Mas mahal kita Hiraya. Higit pa sa bilang ng mga tala sa kalangitan." Saad ni Carpio sabay sandal ng kanyang baba sa ibabaw ng aking ulo at niyakap ako kung saan tila nag-abot ang aming mga pusong sabay at mabilis na tumitibok para sa isa't isa.

Ilang sandali pa bago ko siya niyakap pabalik. Hindi ako sanay at hindi pa rin makapaniwala sa nangyayari. Unang pag-ibig. Unang halik. Sanay wala nang susunod pa. Sana'y ikaw na ang huli.

"Patawad kung wala ako noong araw na iyon. Patawad kung mag-isa mo silang nilabanan," saad niya pa.

Kumalas ako sa yakap niya at tumingala sa kanya. "Anong pinagsasabi mo? Carpio, wala kang kasalanan sa nangyari," giit ko sa kanya. "Ako ang dapat humingi sa iyo ng tawad. Ilang ulit kitang sinuway. Hindi ako sumipot sa dalampasigan noong araw na iyon."

Tinignan niya ako ng diretso sa mata bago nagsalita. "Sumipot ka. Alam kong sumipot ka. Natagpuan ko ang ginawa mong sambalilong sa daan patungo roon. Bakit hindi mo man lang ako nilapitan?" sagot niya na agad nagpabalik sa alaala ko noong araw na iyon.

Napa-iwas ako ng tingin sa kanya at hinarap ang araw na halos kalahati na lamang ang nakikita.

Humakbang ako patungo sa baranda ng sibi at huminga ng malalim. "A-ayaw ko sana kayong gambalain ni M-Marita," napapikit pa ako nang sinabi ko iyon dahil hindi ako sigurado kung dapat ko ba iyong sabihin.

"May sinabi lamang siya sa akin noon. Nag-usap lamang kami," saad niya mula sa likuran kung saan ko siya iniwan.

"Hindi iyon 'yung nakita ko, Carpio. Bahagi ba ng pag-uusap ng magkaibigan ang... h-halikan ang k-kamay?" kinurot ko ang ibabang bahagi ng aking baywang nang tuluyan kong mabitawan ang sinabi ko.

Narinig ko ang marahang pagtawa ni Carpio sa likuran. Ilang sandali pa biglang uminit ang pisngi ko nang inilibot niya ang mga kamay ko sa bandang tiyan ko dahil sa pagyakap niya sa akin mula sa likuran.

Bathala, nararamdaman ko na ang hininga niya sa batok ko. Parang sasabog na ang puso ko sa bilis ng tibok nito.

"Nanibugho ka," saad niya sa tiyak na tono. Hindi ako sumagot sa halip ay pilit akong pumiglas sa pagkakayakap niya ngunit mas lalo lamang itong humigpit.

Inihilig niya ang kanyang noo sa ibabaw ng aking tenga bandang likuran. Tila ba inaamoy niya ang halimuyak ng aking buhok.

"Hindi ko alam kung dapat ba akong matakot o matuwa dahil naninibugho ka," tawa niyang dagdag.

Napa-irap nalang ako sa kawalan. "Ngayon natutuwa ka pa na naninibugho ako?"

"Parang ganoon na rin. Mas lalo kong natiyak na mahal mo nga ako," aniya.

Kumalas ako sa pagkakayakap niya at naglakad palayo sa kanya pero hinawakan niya ang palapulsohan ko at hinila ako pabalik sa katawan niya.

"Hiraya, kinakailangan kong gawin iyon. Kailangang makuha ang lason sa kamay niya dulot ng kagat ng alupihan," paliwanag niya.

Ngayon lang nagsisimulang pumasok lahat sa isipan ko. Binagabag na naman ako ng budhi ko. Nanibugho ako sa maling akala. Tumango na lamang ako.

"Ngayon maaari mo bang sabihin ulit na mahal mo ako?" nakangisi nitong tugon.

"Ha? Bakit?" nagtataka kong tanong. Napangiti naman ulit si Carpio at humalukipkip.

"Nais ko lamang tiyakin na tama ang narinig ko," aniya.

"

"Mahal..." dahan-dahan kong tugon, "....ko si Bathala." tawa ko sabay alis sa kanya at naunang bumaba. Napabusangot pa siya bago ako umalis.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon