Kabanata XXIII

677 51 5
                                    

"Hiraya, Marita, hali na kayo habang mainit pa ang pagkain," pumasok ulit si Aling Sita kaya mabilis na pinunasan ni Marita ang kanyang mukha. Parang hindi naman iyon napansin ng kanyang ina sapagkat nakaharang ako.

"Sige na, mauna ka na binibini," ngiti niyang saad sa akin na parang walang nangyari.

Ilang sandali rin kaming nagtipon sa hapag habang masayang nag-uusap. Hindi ko akalaing makikilala ko sila at maging bahagi na rin ng kanilang buhay kahit pansamantala. Hindi ko rin akalaing sa isang 'di inaasahang panahon at lugar pa ako makakatagpo ng mga kaibigan, bagong pamilya at unang pag-ibig.

"Maraming salamat po, Aling Sita. Napakasarap po talaga ng inyung luto. Sana damihan niyo na po sa susunod," tawang saad ni Mayang kaya napatawa na rin kami.

"Maraming salamat din sa inyong pagparito," paalam naman ni Aling Sita.

Muli akong sumulyap sa kanilang durungawan kung saan si Marita. Ngumiti siya sa akin kaya tipid rin akong ngumiti pabalik.

Hindi pa rin ako makapaniwala sa nais niyang hingin sa akin. Hindi isang bagay si Carpio na maaaring ipaubaya o kaya ipamigay sa iba. Hindi ko alam kung bakit iyon sinabi sa akin ni Marita, hindi ko naman pagmamay-ari si Carpio kaya bakit ko siya kailangang ibigay? May sariling pasya at buhay si Carpio. Hindi ko iyon maaaring pakialaman o kaya'y pangunahan.

"Binibini, ayos ka lamang ba? Kanina ka pa hindi mapakali at tulala," tanong ni Mayang kaya natauhan ako.

"Oo ayos lang ako. Labis kasi akong nabusog."

Pagdating namin sa gitnang-nayon, naabutan namin ang ibang mga mandirigma na nagpapahinga na tila ba bago lang sila nakarating mula sa pagpupulong at pagsasanay. Agad hinanap ng mga mata ko si Carpio ngunit kahit anino niya ay hindi ko masumpungan.

"Binibini, mauna na ako sa inyo. Tinatawag ako ni Itay," nagmamadaling paalam ni Mayang.

"Anong nangyayari? Bakit parang balisa sila?" nagtatakang tanong ni Rosa.

Napatingin ako ulit sa kumpol ng mga mandirigma na tamak na nag-uusap usap ngayon. Napalingon sa kinaroroonan namin si Bisdak at agad tumakbo palapit sa amin.

"Bisdak, anong mayroon?" tanong agad ni Rosa pagkalapit niya.

"Nagkagulo kami kanina habang pauwi kami nang makasalubong namin ang grupo nina Atan. Nagkainitan sila ni Carpio," saad niya at napatingin sa akin. "Nalaman niya ang totoong nangyari sa iyo noong nawala ka," nag-aalala niyang tugon.

Agad akong siniklaban ng kaba. Napa-away sila?

Napansin ko ang ilang gasgas sa mukha ni Bisdak at iba nilang kasamahan. Mas lalong binagabag ang budhi ko.

"N-nasaan si Carpio?" kinakabahan kong tanong. Tiningnan ako ni Rosa at Bisdak at alam ko na agad na marami akong kailangang ipaliwanag sa kanila. Ngunit mas inaalala ko ngayon ang kalagayan ni Carpio.

"Matapos siyang gamutin ay agad siyang umalis at hindi namin alam kung saan siya nagtungo. Ang sabi niya lamang ay kailangan niyang magpakalma at mapag-isa," sagot ni Bisdak.

Biglang may isang alaala ang pumasok sa isipan ko...

"Dito ako nagtutungo sa tuwing nais kong mapag-isa at magpahinga."

"Aalis na muna ako," dali-dali kong saad.

"Ha? Teka! Saan ka naman pupunta? Baka mawala ka na naman, Hiraya. Mabuti pa samahan ka na lamang naming," saad pa ni Bisdak.

"Pupuntahan ko siya. Walang mangyayaring masama sa akin," matapang kong saad at agad naglakad paalis. Tinahak ko ang daan patungo sa tagong lugar na pinagsasanayan namin ni Carpio.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon