Lumipas pa ang ilang araw at mas naging tutok si Carpio sa pag-aalaga sa akin. Bawat pagkaing hinihingi ko ay agad niyang ibinibigay. Kusa na rin siyang lumalayo sa akin sa tuwing napapansin niyang ayaw ko siyang maka-usap. Pinaalam na rin namin kina Rosa at Bisdak ang tungkol sa akin. Halos magsitalon si Rosa nang malaman niya iyon.
"Biruin mo, Carpio, nakakabuo ka pala!" natatawang ani Bisdak.
Hinagis lamang ni Carpio sa mukha niya ang basang tela na pamunas sa palayok. Halos mapahawak naman ako sa tiyan ko dahil sa kakatawa.
"Mag-uusap tayo mamaya ha. Magpapaturo ako," dagdag pa niya dahilan para mapailing na lamang ako. Si Rosa naman ay tinititigan niya na lamang si Bisdak nang masama.
Maging sina Kuya Jose, Aling Eka, Mang Khapili, Rajah Lapulapu, Lakambini Bulakna, at halos lahat ng tao rito sa aming barangay ay alam na rin ang kalagayan ko. Akala ko'y hindi nila ito ikatutuwa sapagkat hindi pa kami tunay na mag-asawa ni Carpio, ngunit natanggap pa rin nila ito. May ilang mamamayan na napapansin kong iba kung makatingin sa akin ngunit hindi ko na iyon pinansin pa.
"Sa wakas! Magkakaroon na ako ng apo!" tuwang-tuwang sabi ni Aling Eka, isang araw matapos naming sabihin sa kanila ang balita.
Naramdaman ko ang paghilig ng baba ni Carpio sa ibabaw ng aking ulo habang yakap-yakap ako sa likuran. Kapwa kami nakaharap sa kanyang mga magulang at sa aking kapatid ngayon.
"Paniguradong magiging maganda ang inyong lahi. Kaya huwag niyo itong sasayangin. Mag-anak kayo nang napakarami!" tugon naman ni Mang Khapili. Napatawa kaming lahat lalo na nang mabilis na tinabig ni Aling Eka ang balikat ng asawa.
"Ang dali-daling sabihin iyan para sa inyo dahil hindi naman kayo ang nagdadala ng supling sa sinapupunan. Akala niyo ba'y madali lang iyon?" yawyaw naman ni Aling Eka.
"Eka, hindi ba't nagiging madali ang lahat at nakakaya niyo ito dahil mahal niyo ang dala-dala ninyo?" malambing namang saad ni Mang Khapili dahilan para mapatawa kami.
"Aba'y oo naman. Ngunit dapat din ninyong maunawaan ang aming kalagayan."
"Inay, Itay, kaming dalawa naman ni Hiraya ang magpapasya noon. Nais ko rin naman ng maraming supling, ngunit mas inaalala ko ang kalagayan niya. Ayaw ko siyang mahirapan nang labis," ani Carpio sabay tingin sa akin.
Napatango-tango naman ang kanyang magulang. Lumapit si Aling Eka sa akin at hinaplos ang aking tiyan na ngayo'y malaki na ang umbok.
"Huwag kang mag-aalala, anak. Gagabayan kita," aniya.
Nahihiya na lamang ako sa kanila lalo na sa mga magulang ni Carpio sapagkat araw-araw ay dinadalhan nila ako ng mga prutas at iba pang pagkain. Hinihilot-hilot din ni Aling Eka ang aking tiyan sa tuwing sumasama ang pakiramdam ko.
"Lubos na pinagpala ang magiging apo ko. Tiyak magiging kasing ganda niya ang kanyang ina," sabi naman ni Aling Eka, isang araw nang bumisita siya ulit sa aming kubo.
"Paano naman po ako na kanyang amain? Hindi magiging ganyan ka ganda ang aking kapatid kung hindi siya nagmana sa akin," hambog namang saad ni Kuya Jose sa tabi ko.
Napapatawa na lamang kami ni Carpio sa tuwing magtatalo sila kung kanino dapat magmana ang anak namin. Ganito na lamang ang halos bawat bungad sa amin ng iba naming kasamahan dito. Tila ba mas nananabik pa silang masilayan an gaming munting supling kaysa sa aming dalawa ni Carpio.
Ngayong araw sana kami nakatakdang umuwi ni Kuya Jose pabalik sa aming bayan, ngunit dahil sa kalagayan ko, ay hindi na muna ako uuwi sa amin. Nais kong dito isilang ang anak namin ni Carpio kung saan kami pinagtagpo. Naunawaan naman ng aking kapatid iyon kaya nagpasya siyang panatilihin ako rito. Nais ko rin dito tumira kahit matapos kong magsilang ngunit hindi pa naming iyon napag-uusapan ng mabuti ni Carpio at kuya Jose.
BINABASA MO ANG
Hiraya (✔️)
Historical FictionSa hindi inaasahang pagkakataon, kinailangang lumayo ni Hiraya sa kanilang lugar upang maging ligtas mula sa kaguluhang nangyayari doon. Inihabilin siya ng ama kay Rajah Lapulapu at sa nasasakupan nito sa Maktan, Sugbu. Hindi niya inasahang sa kanya...