Not Your Ordinary Horror Story
Kakagraduate ko lang ng high school neto. At dahil tapos na ang graduation, nagyayang magcelebrate ang barkada ng night swimming daw. Anim kaming lahat ang sumama, tatlo kaming lalaki at tatlong babae. Pumunta kami sa isang resort na 2hours away pa mula sa syudad para daw fresh ang hangin. Maganda yung resort, maraming swimming pool na mapagpilian. Di masyadong marami ang tao nuon kasi nga gabi na. Pero syempre, gusto namin ng privacy, kaya dun kami nakapwesto sa pinakataas na bahagi ng resort kung saan solo namin ang isang pool. Masaya naman ang aming celebration, hanggang sa nagkalasingan na. Ako lang ang hindi nalasing kasi di naman ako umiinom. Bandang 4am na nuon, dalawa na lang kaming gising at ang iba ay nakahandusay na sa cottage dahil sa kalasingan. Aba ang sira ulo kahit na lasing na lasing na ay gusto pang maligo sa pool, kaya no choice ako sinamahan ko sya sa pool baka kasi ano pa mangyari, lasing pa naman din. Habang nagkwekwentuhan kami sa pool, may nakita akong babae na nakalutang sa gilid ng pool at papalapit sa amin. Nabigla na lang ako nang sinabi ng kasama kong, "pre! May chicks, saglit lang lalapitan ko lang." Natawa ako kasi alam kong multo yun kasi nga nakalutang. Sabi ko na lang sa kanya, "Hay naku, ang nagagawa talaga ng alak sa utak ng tao." Nilapitan nya ito at kinausap, "Hi miss, pwede bang makipagkilala?" Tanong nya sa babae. Hindi kumibo ang babae at naka ngiti lang ito. Kahit na hindi sumasagot ang babae, ay patuloy pa rin ang kasama ko sa pagpapacute sa babae. Hanggang sa naisip ko na hindi na tama na pabayaan ko na lang sya, kaya sinabuyan ko sya ng tubig para madistract sya. Lumingon ang kaibigan ko sa akin sabay sabi, "Ano ba? Kita mong may kinakausap ako eh." Tumawa na lang ako at sabi sa kanyang, "Eh g**o ka pala eh multo yang kinakausap mo!" Natulala sya at nang paglingon nya ulit ay wala na yung babae. Natulala sya ng ilang segundo dun. Hindi na sya kumikibo kaya't ginulat ko ulit, "Hoy! Okay ka lang?" Nanginginig na sabi nyang, "Multo nga yun! Dyan ka na nga!" Dali syang umahon mula sa tubig sabay sabi sa akin, "Pre, pasensya na. Napaihi ako jan sa tubig." Tumakbo sya at tumabi dun sa mga kasama naming natutulog sa cottage at tumalukbong ng sarong. Napaahon na rin tuloy ako dahil sa sinabi nyang naihian nya ang tubig. At dahil ako lang ang gising, ako ang naging security guard nila kaya di na lang ako natulog. Mga alas sais pa lang ng umaga nang akoy maglibot sa resort habang tulog pa yung mga kasama ko. Nagtanong-tanong ako sa mga empleyado dun kung may customer ba silang babae na mag isa kagabi para makasigurado ako. Sabi ng naglilinis ng pool sa baba kami lang daw ang costumer nila na nag over night stay sa resort. Tapos noong nabanggit kong sa may taas kami na parte sa may isolated na swimming pool, ay di na sya nagtaka at para bang alam nya na kung sino or ano ang nakita ko sa pagsabi nyang, "Ah, may nalunod kasi sa pool na yan sir. Halos limang taon na rin siguro ang nakalipas. Broken hearted yata yung babae kaya nagsolo dyan ng gabi tapos lasing pa kaya ayon nadisgrasya. Natagpuan na lang namin sya kinabukasan na lumulutang sa pool. Nakita mo ba sya? Madalas kasi syang magpakita dyan kaya walang pumupunta dyan ng gabi." Ngumiti lang ako at sumagot ng, "Ganun ba? Kaya pala. Sige manong salamat." Pagbalik ko sa cottage ay gising na ang mga kasama ko. Kinikwento ko sa kanila ang tungkol sa nangyari sa pool, aba! Ayaw umamin ang g**o. Kaya sa takot ng mga babae naming kasama, umalis na lang kami dun ng maaga. Nasa bus na kami pauwi nun ng biglang naaninag ko na may nakatayo na babae sa may bandang unahan ng bus (Nasa pinakalikod kasi kami) at parang kaparehas ang damit sa multong nakita namin. Di ko na lang pinansin kasi di rin naman ako sigurado at puno rin ang bus kaya marami rin ang nakatayo. Noong nakababa na kami ng bus at kanya-kanyang uwian na, dalawa kaming huli ng umalis. Kasama ko na naman yung barakada ko na nakipagkilala sa multo. Naikwento nya sa akin na habang tulog daw sya dun sa resort, napanaginipan daw nya yung multong dineskartehan nya. Hinahabol daw sya neto at kahit na noong tulog sya sa bus, nagpakita na naman daw ito sa kanya sa panaginip, gusto daw syang kunin kasi nalulungkot daw ito. Di ko na lang sinabi ang nakita ko sa bus para hindi sya matakot. Sumakay na sya sa jeep nun at noong paalis na ang jeep, nakita ko na naman ang multo sa kanyang tabi. Kaya nagtext ako sa kanya na tumawag sya pagdating nya sa bahay kasi may sasabihin ako.
Nakauwi na ako sa bahay nun pero wala pa ring balita mula sa kanya. Gabi na sya tumawag at sabi nya ngayon-ngayon lang daw nya nabasa text ko kasi nakatulog daw sya agad pagdating sa kanilang bahay. Sabi nya nakita na naman daw nya yung multo sa panaginip nya at gusto syang isama. Tapos nuong naliligo daw sya, ay parang may nakatingin sa kanya. Sinabi ko sa kanya lahat ng nakita ko at pinuntahan ko sya sa bahay nila. Pagdating ko sa kanila, nakita ko yung multo na laging nakabuntot sa kanya. Hindi mapakali ang kaibigan ko sa takot kaya niyaya ko syang lumabas at tinawagan na rin namin ang isa pa naming kasama. Tatlo kaming nagpalipas ng gabi sa isang foodchain branch na open 24 hours. Habang nakatambay kami dun, nagpaalam munang mag cr ang kasama naming sinusundan ng multo. Wala pang tatlong minuto, ay tumatakbong palabas ng cr ang kaibigan ko na takot na takot. Tinanong namin kung anong nangyari, sabi nya nuong nanalamin daw sya ay nakita nya sa likod nya ang multo, nakangiti daw ito sa kanya.
Kinaumagahan, nagdesisyon kaming bumalik sa resort, magtatanghali na nun nang makarating kami dun. Pagdating namin sa pool kung saan namin nakita ang multo, nagdasal kaming tatlo na wag na kaming sundan at humingi kami ng paumanhin kung nagambala man namin sya dun. Malapit nang mag gabi nun nang nakauwi kami sa kanya-kanya naming bahay.
Pagkauwi namin sa kanya-kanya naming bahay ay agad kong kinumusta ang dalawa kong kasama kung may nararamdaman pa ba sila, mabuti't wala naman daw bukod sa takot pa rin silang baka magpakita ulit ang multo. Lumipas ang ilang araw, linggo, hindi na nagparamdam ang multo sa swimming pool. Hanggang isang araw, dali-dali akong lumabas nun sa bahay namin kasi late na ako sa lakad ko. Nang paglingon ko sa may bandang kaliwa ko ay nakita ko na naman ang babaeng multo sa swimming pool. May exam (entrance exam) pala ako noong araw na yun sa university na papasukan ko sa college kaya di ako pwede malate kaya di ko na lang sya pinansin.
Habang kumukuha ako ng exam, nakikita ko syang nakatayo lang sa may pintuan. Sa isip ko tinatanong ko ang sarili ko "Ano na naman kaya ang problema ng babaeng ito? Ba't nya ako sinusundan?" Kaya pagkatapos ng exam, pumunta ako sa CR nang sumunod pa rin ang multo, kinausap ko na. "Anong problema mo?" Ang lakas ng boses ko nun ng tinanong ko sya na parang inis na inis ako. Laking gulat ko nang may lumabas sa isang cubicle na tao, may tao pala sa cr. Nagmukha tuloy akong tanga na parang kinakausap ang sarili. Kaya ginawa ko, kinanta ko na lang, "Anong problema mo sa long hair ko? Lalala." Alam ko mali ang lyrics pero yan lang ang instant na naisip ko para di ako magmukhang tanga sa nakakita. Medyo natawa ako nun at lumabas na lang ako ng cr. Pumunta muna ako sa isang computer shop para maglaro.
Habang naglalaro ako, nakikita ko pa rin sya sa labas ng computer shop nakatayo. Umuwi ako ng di sya pinansin at di na nga sya sumunod sa akin ng pagsakay ko ng jeep pauwi. Dumaan naman ang gabi ko ng hindi ko sya nakikita. Pero noong natutulog na ako ay nagpakita sya sa aking panaginip. Kinausap ko sya at tinanong kung bakit sya nagpapakita ulit sa akin. May pinakita sya sa akin na larawan, yun daw yung lalaking nanloko sa kanya at naging dahilan ng pagkamatay nya. Sabi nya, "Tulougan mo ako. Hanapin mo sya at patayin mo sya." Pagkatapos nyang masabi yun, bigla akong nagising. Alas kwatro pa lang ng madaling araw.
Pagkalingon ko sa bandang kaliwa ko, nandun sya sa tabi ng kama ko nakatayo at umiiyak. Kinausap ko sya ng maayos. Sabi ko sa kanya na di ko magagawa ang pinapagawa nya at ang tanging tulong lang na maibibigay ko ay ang ipagdasal sya. Humingi ulit ako ng paumanhin at nakiusap akong wag na ulit gambalain. Ito ang first time ko na makipag usap sa multo ng harapan. Dahan-dahan syang umalis pagkatapos nun at tumagos sa bintana palabas. Mula nuon di ko na nakita ang multong yun. Isa pang pinagtaka ko, kamukha ng kaibigan kong una nyang sinundan ang lalaki sa larawan na pinakita ng multo sa panaginip ko.

BINABASA MO ANG
SPOOKIFY STORIES COMPILATIONS
Paranormalni-copy ko lang po itong mga story sa page ng spookify sa facebook. enjoy kayo