Warning: Long post below.
BAKAS at ANINO
Hi spookifiers! So, this is my first time to share a creepy story dito sa spookify at kwento ni ate Ane ang ishe-share ko sa inyo. Kwento na kasama ako. By the way, I am an avid-silent reader ng page na ito, and hopefully, this will be posted.
Ane's point of view.
Way back 2002, yes, 18 years na ang nakakaraan pero ang pangyayaring iyon ay palaisipan pa rin sa amin ng mga kasama ko. To start this story, I will just give you some description sa lugar namin noon.
Baryo ang aming lugar at noong mga panahong iyon, hiwa-hiwalay pa ang mga bahay-bahay. Gawa rin sa kawayan o mga kahoy ang karamihan sa mga bahay noon. At ang mga kalalakihan noon, lalo na sa mga padre de pamilya, ay pumupunta sa ibang lugar upang magtrabaho at pinipili nilang huwag na lang munang umuwi tuwing hating-gabi sa kadahilanang delikado at wala ng masakyan. Kaya karamihan sa mga kababaihan na naiiwan sa kanilang tahanan ay nagtatawag ng kasama. At karamihan sa mga tinatawag nila ay mga dalaga sapagka't wala pa silang masyadong mabibigat na responsibilidad.
Si ate Jen, na may asawa na noon na nagtatrabaho sa ibang lugar ay may isang 2 years old na anak. At ang mga sumasama sa kanya noon ay ako bilang si Ane, at sina Che, Nida, Ludy, Lyn, Chi (not our real names). Ang bahay nila ate Jen ay malapit lamang sa palayan, maisan at napapalibutan ng mga puno ng saging. Ang kanilang bahay ay gawa sa kawayan at malayo sa iba pang mga bahay dito sa amin. May mga kapitbahay din sila pero hindi ko mawari kung kapitbahay pa ba ang tawag kung malayo ang mga bahay sa isa't isa. Kaya masyadong mapanganib kapag mag-isa ka lamang sa loob ng inyong tahanan.
Isang gabi, muli kaming tinawag ni ate Jen bilang kaniyang kasama sa kanilang bahay sapagkat hindi nanaman makakauwi ang kanyang asawa. Masarap ang aming kuwentuhan nang gabing iyon at napuno ng katatawanan ang buong bahay. Sa kabila ng aming kasiyahan, mayroon na palang taong nagmamasid sa amin mula sa labas. Walang anu-ano'y napagdesisyunan na naming magkakaibigan na matulog na't lumalalim na ang gabi.
Pagpatak ng ala-una ng madaling araw, biglang naalimpungatan sina Chi, Ludy at Lyn sa ingay na nanggagaling sa gilid ng bahay nila ate Jen. Ingay na nakakalibot, ingay ng isang itak na iwinawasiwas at tumatama sa pader ng bahay. Hindi pa nakuntento ang taong lumilikha ng ingay, pilit pa niyang tinutusok ang sira-sirang electricfan na aming gamit na siyang nagdudulot ng kakaibang ingay. Sina Chi, Ludy at Lyn ay nanginginig na sa takot ngunit mas pinili na lamang nilang tapusin ang gabi habang nakataklob sa kumot.
Kinaumagahan, ikinuwento ng tatlo ang pangyayaring iyon sa amin ngunit hindi namin sila pinaniwalaan. Isinawalang bahala na lang namin ang kanilang kwento at muling bumalik sa bahay nila ate Jen kinagabihan. Ngunit ang tatlo na sina Ludy, Chi at Lyn ay tinotoo ang sinabing hindi na sila babalik pa. Sa totoo lang noong gabing iyon, nakakaramdam na rin ako ng takot at kilabot ngunit mas pinili parin naming samahan si ate Jen sapagkat naaawa kami sa kanyang kalagayan.
Sa aming pag-iingat, siniguro naming mahigpit na nakatali ang mga pintuan at bintana na gawa sa yero bago natulog. Mga alas-diyes imedya na kami noon natulog. Masarap ang aming tulog sapagkat presko sa bahay nila ate Jen.
Ngunit nang gabing 'yon ay muli kaming binulabog ng ingay na nanggagaling muli sa gilid ng bahay. Kaming lahat ay naalimpungatan sa ingay na iyon at nakakaramdam na kami ng kaba at takot. Nagbubulung-bulungan na kami kung kanino ba nanggagaling ang ingay na iyon. Makikita sa lahat ang pagkabahala na baka pasukin kami ng taong iyon dito mismo sa maliit na silid.
Sa una, kagaya ng ikinuwento nina Chi, Ludy at Lyn ay iwinawasiwas nito ang itak at tumatama sa pader ng bahay. Palakas ito nang palakas habang tinutusok na naman ang electricfan sa nakaawang butas. Sa taranta ni ate Jen, pinilit niyang takutin ang taong gumagawa ng ingay na kunwaring mayroon siyang pinapaabot sa akin na baril at handa niya itong iputok sa kung sino man ang magbabalak pumasok sa loob para saktan kami.
Sandaling natahimik ang buong kapaligiran sa pag-aakala namin na umalis na siya dahil sa pananakot ni ate Jen gamit ang pekeng baril. Maya't maya narinig muli namin ang malakas na sipa na nagpabukas sa pinto sa may bandang kusina. Doon na mas lalong kumabog ang aming dibdib. Umiiyak na kami sa takot at hindi mawari kung ano ang gagawin. Mas lalo na nang marinig namin ang kanyang yapak papalapit sa kinaroroonan namin.
Gumalaw ang kahoy na pintuan ng kwarto na siyang tanging makakapagligtas sa amin. Hanggang sa maging kalabog ito at pilit na binubuksan ang pinto. Dahil na rin sa taranta at kaba, iniharang namin ang maliit na drawer nina ate Jen na nasa kwarto at pilit na itinulak ito para labanan ang lakas na nasa kabilang pinto. Nagsisigaw na kami sa takot habang patuloy pa rin kami sa pwersahang pagtulak sa pinto pabalik upang hindi patuloy na makapasok ang sinumang taong iyon.
Takot na takot, naisipan nina Che at Nida na sumilip sa butas sa may baba ng pintuan ngunit laking gulat nila na wala man lang silang nakita na paa. Doon kami lalong sumigaw ng napakalakas at tumawag ng tulong. Dala-dala ang pag-asa na sana may makarinig sa amin, sabay- sabay kaming nagsisisigaw na para bang nagwawala.Mapalad pa rin kami na may nakarinig sa aming sigaw. Si Mang Sett na pinakamalapit sa malalayong kapitbahay nila ate Jen ay napabangon sa kaniyang masarap na tulog upang alamin kung saan daw nanggagaling ang mga boses na naghahangad ng tulong. Ginising nito ang kaniyang asawa para humingi rin ng tulong sa iba pa nilang kapitbahay.
Dala ang kaniyang tabas, dali-dali itong nagtungo sa aming kinaroroonan. Batid naming naalarma ang taong nagbabalak kaming saktan at dali-dali itong tumakbo kung kaya't hindi na ito naabutan ni Mang Sett, ngunit may naaninag daw siyang isang anino ng lalaki na siyang sumira ng bintana at doon lumabas at kumaripas ng takbo.
Nang maramdaman namin ang presensya ni Mang Sett papalapit sa amin, binuksan namin ang pinto at napatakip kami ng aming bibig sa aming nakita. Puno ng putik ang mga upuan sa may bandang sala at bakas ng paa. Pa---paanong nangyaring may mga bakas ng paa rito kung gayong wala namang nasilayan sina Nida at Che na paa nung minsang sumilip sila sa baba sa may butas?
Lumabas si Mang Sett upang makita ang may-ari ng aninong kaniyang naaninag no'ng siya'y makapasok sa kusina. Ngunit wala na siyang ibang nakita kundi mga puno na lamang ng saging. Nagsidatingan ang mga taong hiningan ng tulog ng kaniyang asawa lalo na ang aming mga nag-aalalang mga magulang. Agad kaming niyakap ng mga ito habang patuloy sa pag-iyak. Huli na ang lahat sapagkat walang nakakita sa lalaking nagtangka sa amin.
Isang dekada at walong taon na ang nakalipas ngunit wala ni konti kaming ideya sa kung sino o ano ang nasa likod ng yapak at anino na iyon at tila nakatanim na sa aking isipan ang mga pangyayari noong gabing iyon.
-----------
This ends the creepy story of ate Ane na kasama ako. I am AJ. The two-year-old child who witnessed the horrible scenario in our past house... 18 years ago.
BINABASA MO ANG
SPOOKIFY STORIES COMPILATIONS
Paranormalni-copy ko lang po itong mga story sa page ng spookify sa facebook. enjoy kayo