Chapter 18.3

3.5K 56 0
                                    

NAGULAT pa si Stacey nang mapag-buksan ng pinto kinabukasan si Wesley. Nakangiti itong bumati sa kanya. Pinakatitigan niya ang kabuuan nito. Nakasuot ito ng cargo pants at isa na namang checkered na polo, hindi na talaga siguro magbabago ang taste nito sa pananamit. Kahit siguro siya mismo ang mag-design ng damit para dito ay hindi nito iyon isusuot.
“Anong ginagawa mo dito nang agang-aga?” tanong niya dito. May hawak itong mga grocery na pinamili nito sa mag-kabilang kamay. Kagagaling lang siguro nito sa grocery store malapit sa kanila.
Nagkibit-balikat ito. “Gusto ko lang makita ka at makumpirma kung ikaw nga ‘yong babaeng nasa balita kagabi,” pinakatitigan pa siya nito.
Naiinis siyang napabuntong-hininga. Pati ba naman ito ay kukulitin din siya tungkol sa bagay na iyon? Pinipilit niya nang burahin ang bagay na iyon sa utak niya pero mukhang ayaw talaga siyang tantanan ng pangyayaring iyon.
“Ikaw nga ang Stacey na tinutukoy ni Michael de Angelo,” tumango-tango pa ito.
Napailing siya. “Eh, ano ngayon? Ano kung ako nga?” pagtataray niya dito.
“Bakit hindi ka pa nagpapakita sa kanya?” tanong nito na para bang hindi nararamdaman ang pagkainis niya. Napaka-manhid din pala talaga nang lalaking ‘to, ano? “Hindi mo ba siya mahal? Kaya ka nagtatago dito?”
Natigilan siya sa tanong nito. Napayuko siya at tahimik na minura ang sarili. Mahal na mahal niya ito, sa ilang buwan niyang pagtatago dito at pagpilit sa sarili na kalimutan ito ay hindi niya pa rin magawang pigilan ang pusong patuloy na mahalin ito. At gusto niyang pagalitan ang sarili dahil sa bagay na iyon.
Mukhang naintindihan nito ang dahilan ng pananahimik niya kaya marahan itong tumango. “Mahal mo nga siya,” sabi nito. “Kung ganoon naman pala, bakit hindi ka pa magpakita sa kanya? Pahihirapan mo pa ba siyang maghanap sa’yo?”
Tumingin siya dito. “Ayoko nang pag-usapan ang bagay na iyan, Wesley,” pagmamakaawa niya. “Please, hayaan mo na lang ako sa magiging desisyon ko.”
Bumuntong-hininga ito. Laking pasasalamat niya nang tumango ito at ngumiti. “Sige, uuwi na lang ako,” anito at humakbang na palapit sa kinapaparadahan ng sasakyan nito.
Aktong hahakbang na din siya papasok sa loob nang marinig niya ang muling pagtawag nito sa pangalan niya. Lumingon siya at muling tumingin dito.
“Uhh, Stacey,” pagsisimula nito. “Puwede mo bang kunin ang susi sa likod na bulsa ng pantalon ko?” itinaas pa nito ang dalawang kamay na may bitbit na plastics ng groceries. “At paki-buksan na rin ang sasakyan para sa akin,” dagdag pa nito bago nahihiyang ngumiti.
Bumuntong-hininga siya at naglakad patungo dito. Nag-aalangan niya pang kinuha ang susi ng kotse nito sa likod na bulsa ng suot nitong pantalon. Napatingin pa siya sa wallet nito na nahulog sa lupa nang bunutin niya ang susi. Mabilis niya iyong nilimot, napakunot pa ang noo niya nang mapansin ang isang larawan sa loob niyon.
Larawan iyon nang isang natutulog na babae. Mukhang ilang taon na rin ang larawan na iyon dahil sa tingin niya ay isang high school student ang babaeng nasa larawang iyon. “Sino ‘to?” naisipan niyang itanong dito.
Pagtingin nito sa hawak niya ay hindi niya napalampas ang pagkagulat na bumahid sa mukha nito. “H-Huwag mo ng pansinin ‘yan,” nauutal na sagot nito. Mabilis din nitong iniiwas ang tingin sa kanya.
Napangiti siya. Ngayon niya lang ito nakitang kinakabahan. “Sige,” umiling siya at muling ibinalik ang wallet sa bulsa nito. Kahit gusto niya pa itong asarin ay hindi niya na lang ginawa.
Pagkabukas niya nang sasakyan nito ay tinulungan niya ito sa mga hawak na groceries at ipinasok sa loob. “See you soon,” paalam nito nang makapasok ito sa loob ng sasakyan nito. “Maraming salamat, Stacey, Bibisitahin na lang ulit kita,” ngumiti ito bago umalis.
Muli na lang siyang napailing. “Sinabi nang tawagin mo akong ‘Ate Stacey’,” bulong pa niya at pumasok na sa loob. Gusto niyang magpahinga nang buong araw at piliting kalimutan ang lahat ng pangyayari nang nagdaang gabi. Sana naman ay wala nang mang-aabala sa kanya at mangungulit tungkol sa bagay na iyon.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 4: Michael de AngeloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon