PANSAMANTALANG lumabas si Stacey ng boutique niya para lumanghap ng sariwang hangin. Ilang oras na ring nagpaalam sa kanya si Jamie na may pupuntahan lang daw ito kaya siya lang mag-isa ang naiwan sa loob ng boutique. Nakaramdam siya nang pagka-bagot kaya napag-pasiyahan niyang lumabas na muna.
Alas-singko na ng hapon kaya hindi na ganoon karami ang mga taong naglalakad doon. Napatingin siya sa likod nang marinig ang pagtawag sa pangalan niya. Napangiti siya nang makita ang isang pamilyar na lalaki.
Tumakbo ito palapit sa kanya at ngumiti. "Stacey," bati sa kanya ni Wesley. Ang buong pangalan nito ay Brandon Wesley Scott, isa ito sa mga naging kaibigan niya simula nang dumating siya dito sa Masbate. Dito kasi ito pansamantalang naninirahan dahil sa isang dahilan na hindi naman nito sabihin sa kanya. Twenty-two na ito. Tatlong taon ang bata sa kanya.
Marahan niyang ini-iling ang ulo. "Sinabi ko na sa'yong tawagin mo akong Ate Stacey," wika niya dito.
Napakamot ito sa ulo at napangiti. "Three years lang naman ang agwat natin. Saka mukha naman akong mas matanda sa'yo. Tingnan mo ang pagkakaiba sa height," tumawa pa ito.
Napangiti na lang siya. Matangkad naman talaga ito. "Anong ginagawa mo nga pala dito?" tanong niya. Ilang linggo niya na rin itong hindi nakikita doon. Ang akala niya ay bumalik na ito sa States dahil bigla na lang itong nawala. Sa States din kasi ito naninirahan noon bago ito dumayo dito.
"May sinusundan kasi akong bubuyog kanina," napabuntong-hininga pa ito. "Nawala nga lang sa paningin ko. Wala ka bang napansin dito?"
Napatawa siya sa sinabi nito. Sigurado siyang hindi ito nagbibiro ng mga oras na iyon. Isa sa mga katangian nito na nagustuhan niya ay ang weird personality nito. Malimit niya itong napapansin na gumagawa ng bagay na hindi ginagawa ng isang normal na tao. Kaya siguro hindi ganoon karami ang mga taong lumalapit dito dahil na rin doon.
Sinuri niya rin ang kabuuan nito. Kakaiba din ang itsura nito. Guwapo ito, oo. Pero parang wala itong pakialam sa itsura at pananamit nito. Palagi nitong suot ang matingkad na pulang jogging pants at checkered na damit nito, may salamin din ito sa mata at parang laging naka-gel ang buhok. Sa pagkakaalam niya ay mayaman ito pero hindi agad iyon mapapansin sa itsura nito. Muli na naman siyang napailing. Ano bang pakialam niya sa mga bagay na gusto nitong gawin?
"Stacey," iwinagayway pa nito ang kamay sa harap niya. "Nandiyan ka ba?"
Tumikhim siya. "Ano bang pinagkaka-abalahan mo nitong mga nakaraang araw? Bakit ngayon lang 'ata kita ulit nakita?"
Ngumiti ito. "Nagsusulat ako ng kuwento," anito.
"Kuwento?" Hindi niya alam na nagsusulat pala ito. That was wonderful.
Tumango ito. "Ikaw? Abala ka pa rin sa boutique mo?" luminga-linga pa ito. "Nasaan na 'yong kasama mong hindi lalaki?"
Napangiti siya. "Hindi lalaki?" ulit niya sa sinabi nito. Sigurado siyang si Jamie ang tinutukoy nito. "Puwede mo namang sabihing bakla, ah?" Napaka-weird talaga nito, kahit sa pagsasalita.
"Ganoon na rin 'yon," sagot pa nito.
"Nagpunta siguro sa bago niyang Papa," sagot niya sa tanong nito. Naglalakad na sila pabalik sa boutique niya ng mga oras na iyon.
Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila bago ito muling nagsalita. Pero hindi niya inaasahan ang sunod na sinabi nito.
"Kilala mo si Michael de Angelo, 'di ba?" tanong nito.
Napatingin siya dito, hindi niya naitago ang pagkagulat sa mukha niya. Bakit biglang napasok sa usapan ang pangalan ng lalaking iyon?
Tumango-tango ito, malamang ay naintindihan nito ang ibig sabihin ng pagkagulat niya. "So ikaw nga 'yong goddess designer na pinag-uusapan nila," ngumiti pa ito. "Bakit hindi mo sinabi sa akin na sikat ka pala?"
Iniiwas niya ang tingin dito. Isa pang dahilan kung bakit tinanggap niya itong maging kaibigan ay dahil noong una niya itong makilala ay wala itong alam tungkol sa kanya. Ang akala lang nito ay isa rin siya sa mga ordinaryong tao na nakatira sa lugar na ito.
"Ayos lang 'yon," pagpapatuloy nito. "Hindi na naman mahalaga iyon."
Humugot siya nang malalim na hininga. "Paano mo nalaman ang tungkol doon?" nagtatakang tanong niya dito.
Nagkibit-balikat ito. "Nakakita ako ng isang lumang magazine sa kuwarto ng kapatid kong babae. May article doon tungkol sa'yo. Issue iyon tungkol sa'yo at doon kay Michael de Angelo tatlong buwan na ang nakalipas. Medyo dramatic din iyon at interesting," napatawa pa ito.
"Wala lang 'yon," wika niya. Gusto niya nang iwasan ang tungkol sa bagay na 'yon hangga't sa maaari.
Pero mukhang wala pa itong balak bitawan ang bagay na iyon. "Iyon ba ang dahilan kung bakit ka nagtatago dito?" tanong pa nito.
Hindi niya alam na may pagka-usisero din pala ang isang ito. Pinilit niyang ngumiti. "Huwag na nating pag-usapan ang tungkol doon, Wesley," sabi niya. Sana naman ay makuha nito na ayaw niya ng pag-usapan ang bagay na iyon.
Nakahinga siya nang maluwag nang tumango ito at tumigil na sa pagtatanong. Hanggang sa makarating sila sa tapat ng boutique niya ay hindi na ito nagsalita.
Hinarap niya ito at nagpasalamat. Ngumiti naman ito at nagpaalam na, marami pa daw kasi itong kailangang tapusin. Nangako din ito na bibisitahin ulit siya kapag may pagkakataon.
Pagkaalis nito ay agad na siyang pumasok sa loob ng boutique. Lumabas siya para makalanghap ng sariwang hangin para gumaan ang damdamin niya. Pero bakit parang mas lalong nadagdagan ang bigat noon? Bakit pa kasi kailangang may mga taong magpa-paalala sa kanya ng mga bagay tungkol sa lalaking iyon? Gusto niya nang maka-move-on at maka-limot para makapag-simula na siya ng panibagong buhay. Bakit ba napakahirap na gawin iyon? Ano bang nagawa niyang mali para makatanggap ng ganitong klase ng hirap at pasakit?
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 4: Michael de Angelo
RomansStacey's life was the most famous subject of conversation in the fashion industry. Hindi lang dahil sa galing niya sa pagdidisenyo ng damit kundi dahil na rin sa playgirl reputation niya. She was a bad girl, iyon ang iniisip ng mga nakakakilala sa k...