Chapter 5.2

3.3K 57 3
                                    

MULI na naman bumalik ng Pilipinas si Stacey pagkalipas ng ilang buwan. Tinapos niya muna ang lahat ng kailangan niyang gawin sa New York, hindi na rin siya um-attend sa wedding ni Alliyah dahil ayaw niya ng makita pa ang kapatid nito. Nagpadala na lang siya ng kanyang regalo at pagbati.
Inaasahan niyang makikipagkita sa kanya si Christopher ngayong araw dahil tinawagan niya ito bago siya umalis sa New York. Kababalik lang din nito galing sa London. Nasa loob siya ng Sweet Scented Café sa isang mall sa Makati at hinihintay ito, pinadalhan niya ito ng mensaheng dito siya makikipagkita.
“Oh,” wika niya nang makita ang kaibigang si Rachel Leigh na pumasok sa loob ng café. Kasama nito ang sa pagkakatanda niya ay si Ciarrah de Angelo. Kinawayan niya ang mga ito, mukha namang nagulat din ang mga ito pagkakita sa kanya. Lumapit ito sa table niya.
“Ate Stacey,” bati sa kanya ni Ciarrah. “Nandito ka pala ulit sa Pilipinas.”
Nginitian niya ito. “Nakakapagod kasi ang buhay sa New York. Anong ginagawa niyo dito?” tanong naman niya kay Rachel.
“Nagpasama kasi itong bumili ng gagamitin nila sa school,” sagot nito sa kanya. “Anong ginagawa mo dito?”
“Hinihintay ko kasi si Christopher, kababalik niya lang galing sa London,” masayang sagot niya.
Nagtaka siya nang matigilan ito sa sinabi niya, pero hindi niya na iyon pinansin nang magsalita ulit si Ciarrah.
“Ate Rachel, may pupuntahan pa nga pala ako,” anito. “Iwan na muna kita dito, ha?”
“Saan ka naman pupunta?” tanong ni Rachel dito.
“Bibisitahin ko lang si Rafael, makikibalita,” iyon lang at mabilis na itong lumabas ng restaurant.
Napatingin siya kay Rachel at nakita itong may tinitingnan sa labas. Pasado alas-sais na ng gabi kaya medyo may kadiliman na. Sa tingin niya ay uulan pa ‘ata dahil kanina pa kulimlim at wala namang bituin sa kalangitan.
“Aalis na rin siguro ako,” sabi nito. “Baka… baka abutan pa ako ng ulan. Wala pa naman akong dalang motor.”
Tumayo siya at lumapit dito. “Ihahatid na kita, tatawagan ko na lang si Christopher.”
Tumango lang ito at nagmamadaling lumabas ng restaurant. Nagtaka pa siya dahil parang pinagpapawisan pa ito. Napatigil sila sa paglalakad nang may humarang sa daan nila, nasa labas na sila ng mall malapit sa parking area. Nagulat pa siya nang makitang si Michael iyon, nakasuot ito ng baseball cap.
“Anong… Anong ginagawa mo dito?” hindi makapaniwalang tanong niya dito. Hindi na ba talaga siya makakalayo dito?
Napatingin din si Rachel dito.
“I want to shop here and I saw you walking with this beautiful lady,” tukoy nito sa best friend niya. “Hi, I’m Michael,” inilahad pa nito ang isang kamay.
Hindi na iyon nagawang tanggapin ni Rachel nang biglang kumulog ng malakas kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan.
“No!” narinig niyang sigaw ni Rachel. Nakita niya itong nakahawak sa ulo at nakapikit. Maging si Michael ay nagulat sa inakto nito.
Sinubukan niyang hawakan ang braso nito para hilahin ito dahil basang-basa na sila ng ulan. Pero iwinaksi nito ang kamay niya.
“Huwag mo akong hawakan!” sigaw nito habang umiiyak. Nakikita niya ang takot sa mga mata nito.
“Rachel, ako ‘to,” sabi niya dito. Ano bang nangyayari dito? Bakit bigla na lang itong umakto ng ganoon? Napatingin siya kay Michael, nasa mga mata rin nito ang pag-aalala.
Patuloy lang sa pag-iyak si Rachel. Nanginginig na ang buong katawan nito. “N-No…” napahikbi ito. “No!”
Humakbang siya palapit dito para hawakan ito pero itinulak siya nito palayo. “Ayoko na dito!” iginala nito ang paningin sa paligid, punong-puno ng takot ang mga mata nito. “S-Sobrang dilim… umuulan… umuulan. Ayoko na dito!” marahas itong napailing at napahagulhol.
“Rachel,” muling tawag niya dito. Hindi niya na alam kung anong gagawin. Tinangka din itong hawakan ni Michael pero iwinaksi lang din nito ang kamay nito.
Hindi niya alam kung bakit ito nagkakaganito. Parang takot na takot at gustong tumakbo pero hindi magawang maigalaw ang katawan.
“Rachel!”
Napatingin siya sa boses na tumawag sa pangalan nito. Nakita niya si Christopher na tumatakbo palapit sa kanila. Sasalubungin niya sana ito pero nilampasan siya nito at tumigil sa harap ni Rachel.
“Rachel,” muling tawag ni Christopher sa pangalan nito. Napatingin siya sa mga ito. Ano namang nangyayari ngayon?
Napatingin si Rachel kay Christopher, nanginginig pa rin ito pero nakita niya ang pagsilay ng pag-asa sa mga mata nito.
“C-Christopher…” bulong nito.
Nagulat siya nang humakbang ito palapit sa lalaki at niyakap ito ng mahigpit. Muli itong napaiyak.
Ginantihan ni Christopher ang yakap nito. “Ssshhh… calm down. It’s going to be alright,” bulong nito sa babae.
“T-Tulungan mo ako,” bulong ni Rachel sa gitna ng pag-iyak. “Christopher, please… ayoko dito.”
Basang-basa na silang lahat ng ulan. Hindi niya na alam kung ano na ang nangyayari? What was with this scene? Anong mayroon sa dalawang ito? Kinagat niya ang pang-ibabang labi, pagtingin niya kay Michael ay nakita niyang nakatingin din ito sa kanya.
“Michael,” narinig nilang tawag ni Christopher. “Malapit ba dito ang sasakyan mo?”
“Yes,” sagot ni Michael
“Dalhin mo dito ang sasakyan mo ngayon,” utos pa nito. “Kailangan nating mai-alis siya sa ulan.”
Tumango lang si Michael at sa pagkagulat niya ay hinawakan pa nito ang kamay niya at isinama siya papunta sa kinapaparadahan ng kotse nito.
“Get in,” utos nito.
Sumunod na lang siya dito. Tuluyan na siyang wala sa sarili ng mga oras na iyon. Nais niyang malaman kung ano ang nangyayari. Kailan pa naging ganoon sina Christopher at Rachel?
Pinaandar na nito ang sasakyan papunta sa kinatatayuan ng dalawa. Mabilis na binuksan ni Christopher ang pinto at pumasok doon kasama si Rachel. Patuloy pa rin sa panginginig at pag-iyak ito.
“Sa Society Hotel tayo, Michael. Iyon na ang pinakamalapit dito. Pakibilisan mo na lang,” utos nito.
Sinunod na lang ito ni Michael. Hindi niya mapigilan ang sariling sumulyap sa rearview mirror. Nakita niyang nakaupo sa kandungan ni Christopher si Rachel, magkayakap pa rin ang mga ito. Humihikbi na lang si Rachel at si Christopher naman ay hinahaplos ang basang buhok nito.
Nakita pa niya nang isubsob ni Rachel ang mukha sa leeg ni Christopher, nasasaktan na siya sa ginagawa ng mga ito. Hinigpitan ni Christopher ang pagkakayakap dito. “It’s okay, baby… it’s okay,” bulong nito.
Hindi niya napansin ang pagkaka-kuyom ng kamay niya sa suot na pantalon. Nakita niya nang itinaas ni Michael ang rearview mirror para hindi niya na makita ang mga ito. Ibinaling niya ang tingin dito, may awa siyang nakikita sa mga mata nito. Iniiwas niya ang tingin dito at inilipat sa bintana. Bumuntong-hininga siya, siguradong may eksplenasyon sa lahat ng pangyayaring ito. Sigurado siya doon.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 4: Michael de AngeloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon