KABANATA 3
SAKTONG PAGLAPAG NAMIN ng mga pagkain sa mahabang lamesa ay siyang pasok nila Atreo Ripler. Hinawakan ako sa braso ni Aling Consuelo at sinenyasan na tila kailangan na naming umalis muna roon.
“General, tumawag na lang ho kayo kapag may kailangan pa kayo. Doon lang ho kami sa kusina.”
Mga pawisan sila pero ang bango pa rin ni Atreo nang dumaan siya sa harap ko. Ang pawis niya sa braso ay mas lalong nakakapanghina. Hinatak na ako ni Aling Consuelo kaya inalis ko na ang pahabol kong tingin kay Atreo.
Sumandal ako sa pintuan at tinanaw na lang ng tingin ang mga ito.
“Aling Consuelo, ano po bang favorite food ni Atreo?”
“Bakit mo natanong? Tsaka pansin ko na tila bukambibig mo na si General buong araw. At pansin ko rin na sa pangalan mo lang siya tinatawag.”
Napalingon ako kay Aling Consuelo na may hawak ng tuyong basahan habang pinupunasan ang kitchen bar.
“Syempre po, gusto ko siyang makilala para naman po makapagpasalamat ako sa palaging pagligtas niya sa buhay ko. Hindi ko naman po alam ang itatawag sa kanya. Baka mamaya ay ma-offend ko pa po siya.”
“Akala ko ay may gusto ka na sa General . . . ’Wag kang masyadong magpadala sa bugso ng damdamin mo, hija, bata ka pa. At hindi naman sa sinisiraan ko si General, pero ang katulad niyang army ay madalas habulin ng babae lalo pa’t may kakisigang taglay si General at mayaman.”
Napatango ako kay Aling Consuelo kahit na medyo napanghinaan ako ng loob dahil sa sinabi nya.
“Aling Consuelo!”
Napahinto si Aling Consuelo sa pagpupunas nang tawagin siya ni Atreo.
“Saglit lang at pupuntahan ko lang si General. Dito ka muna.” Tumango ako rito at sinundan na lang siya ng tingin. Napahinga ako nang malalim at lumapit sa kitchen bar upang ipagpatuloy ang naiwang trabaho ni Aling Consuelo.
Hindi pa ako nangangalahati sa pagpupunas nang pumasok muli si Aling Consuelo na bitbit na ang serving plate.
“Bakit po kayo pinatawag, Aling Consuelo?”
“Ah, naubos kasi ang adobong manok. Nagpapakuha ulit si General.”
Napahinto ako sa pagpupunas at iniwan ko ito para lumapit kay Aling Consuelo.
Nilagay ko sa likod ko ang mga kamay ko bago ako tumabi kay Aling Consuelo na kumukuha ng manok para ilagay sa serving plate.
“Aling Consuelo, kung gusto n’yo po ay ako na ang magdala nya’n sa kanila.”
Napatingin siya sa akin na nagtataka pero ibinalik din naman niya ang tingin sa sinasandok niyang manok.“Oh, sige, nang matapos ko na ang paglilinis ko rito at nang makauwi na tayo.”
Napangiti naman ako at hinintay siya na matapos magsandok. Nang tapos na siya ay inabot niya sa akin ang plato kaya agad ko iyong hinawakan.
“Tanungin mo rin sila kung ano pa ang nais nila.” Tumango ako sa kanya at tumalikod na. Naglakad ako palapit sa pinto ng kusina pero nilapag ko muna ang plato sa isang lamesa. Inayos ko ang buhok ko at damit bago ako napapangiti na kinuha muli ang serving plate.
Nang makalabas ako ng kusina ay rinig ko na agad ang kaluskos ng mga nagtutunugang kurbyertos at tawanan nila. Huminga ako nang malalim bago naglakad patungo sa kanila.
“Oh, oh . . .”
Agad na napatingin sa akin ang ilan nang mapansin akong palapit. Hanggang sa mahinto na nga ang tawanan at napatingin na sa akin ang lahat, maging si Atreo.
BINABASA MO ANG
The Greek Innocent Mistress Grace Jane Esteban (Self Published)
Ficción GeneralWalang ideya si Grace nang siya ay mapadpad sa isla kung saan niya nakilala si Atreo. Nagising na lang siya na wala nang maalala. Ang tanging alam lang niya ay ang kanyang pangalan. Noong una pa lang ay tila ilap na sa kanya si Atreo, ngunit kahit...