KABANATA 15
SA WARD NG mga babies ay nakatayo ako kasama si Mommy habang pinagmamasdan ang triplets nila Ate Hera and Kuya Jam. Napaka-cute nila. Kamukhang-kamukha ni Kuya Jam. Halos 'yong kutis lang ang nakuha kay Ate Hera.
"Ang cute-cute naman ng mga apo ko. Hindi ko akalain na ganito agad kadami ang anak ng Kuya Jam at Ate Hera mo."
Napangiti ako at tumingin kay Mom na nakatingin sa mga bata at tila nilalaro pa niya sa pamamagitan ng paghehele. Hindi pa naman siya naiintindihan ng mga ito.
"Nasa lahi naman po, kaya siguro marami agad ang naging anak nila. 'Di ba po, kapag kambal, posible na magkaanak din po ng higit sa isa?"
"Oo." Napahinga siya nang malalim at tumingin sa akin. "Hindi ka na ba ginugulo ng asawa no'ng Alvarez?"
Umiling ako sa bigla niyang paglihis ng usapan na napunta naman ngayon sa akin. Tumingin muli ako sa kambal na mahimbing na natutulog. Nagpapasalamat ako at hindi kumalat ang gulong nangyari sa Lux Calisse noong nakaraan, pero ngayon ay ramdam ko naman ang ilan kong katrabaho na naiilang sa akin. Ang iba ay naaabutan ko pang pinag-uusapan ako tungkol sa pagiging kabit ko.
Palagi akong pinagtatanggol nila Zylene at Allison, pero kahit siguro anong gawin ko ay hindi na maganda ang tingin nila sa akin.
"Hindi na po."
"Dapat kasi pinakasuhan mo na iyon sa Dad mo. Hindi ka dapat nagpapaapi sa babaeng iyon."
Hinaplos ko ang likod niya dahil galit na galit talaga siya kay Suzane. Nauunawaan ko naman dahil sino ba namang magulang ang hindi sasama ang loob kung naaagrabyado ang anak niya? Wala naman.
"Mom, alam n'yo naman po na ayoko na ng gulo. At kahit kasuhan ko pa po siya ay ako lang po ang mapapahiya."
"At bakit? Dahil naging kabit ka no'ng Alvarez? Hindi mo naman alam, kaya wala kang kasalanan doon."
Napahinga ako nang malalim at umiling. "Mom, tama na po. Ayoko na pong pag-usapan iyon."
"Kasi . . . Aist! Kung bakit kasi ang hina-hina mo?"
Natawa ako. "Mana lang po ako sa inyo." Tumingin siya sa akin at napailing pero napangiti rin.
"Ay, hindi naman ako mahina. Kapag alam kong nasasaktan na ako ay lumalaban ako. Kapag alam kong wala akong kasalanan ay hindi ako papayag na maapi."
Napatingin ako sa sahig ng hallway ng hospital na nilalakaran namin. Tiningnan lang namin ang triplets bago kami umalis. Nakapagpaalam na rin kami kina Kuya habang si Dad ay naunang lumabas para kunin ang sasakyan.
Tinatak ko sa isip at puso ko ang lahat ng sinabi ni Mom. Next time hindi ko na hahayaan na apihin ako ni Suzane. Hindi ko naman alam na may asawa na si Atreo, kaya wala akong kasalanan.
"Saan tayo?" tanong ni Mom.
"Umuwi na tayo. Inaantok pa ako dahil madaling araw pa lang ay nagising na tayo dahil sa biglang panganganak ni Hera."
Gaya ng sabi ni Mom ay sinunod siya ni Dad. Kinuha ko ang phone ko at balak ko sanang i-text sina Zylene at Allison ngunit napatigil ako nang makita ang text ni Atreo. Hindi ko kailanman binabasa ang text ni Atreo kahit na natutukso ako na buksan iyon. Wala naman sigurong masama kung basahin ko na ngayon?
Can we talk? Please, baby.
Napahinga ako nang malalim sa nabasang text niya. Hindi talaga siya titigil? Hindi ba niya maunawaan na kailangan na niya akong tigilan dahil hindi tamang mangaliwa siya?
Hindi ko na ito sinagot. Bahala siya, basta ako na lang ang lalayo para sa ikabubuti ng lahat.
Pagdating sa bahay ay umakyat agad ako sa taas para makapaglinis ng katawan at matulog. Napagod ako sa work at sumakit ang ulo ko dahil sa amoy ng ospital.
BINABASA MO ANG
The Greek Innocent Mistress Grace Jane Esteban (Self Published)
Ficción GeneralWalang ideya si Grace nang siya ay mapadpad sa isla kung saan niya nakilala si Atreo. Nagising na lang siya na wala nang maalala. Ang tanging alam lang niya ay ang kanyang pangalan. Noong una pa lang ay tila ilap na sa kanya si Atreo, ngunit kahit...