PAGKAPASOK ni Elij sa bahay ni Anthony Luistro ay agad niyang nasalubong si Rachel Leigh. Si Rachel Leigh ang isa sa mga itinuturing niyang matalik na kaibigan. Nakilala niya ito simula nang sumapi siya sa grupong pinamumunuan nitong si Anthony – isang grupo kung saan ang natatanging misyon ay sirain ang buhay ng isang tanyag na businessman na si Christopher Samaniego Jr. at ang society na itinatag nito.
Matagal ng niyang alam ang tungkol sa lihim na society na iyon dahil nabanggit ito sa kanila ni Anthony nang nagsisimula pa lang itong bumuo ng grupo. Ang society na iyon ay tinatawag na ‘The Breakers Corazon Sociedad’ kung saan may sampung miyembrong mga lalaking umaapaw ang kayamanan, mga lalaking pasakit sa puso ng mga kababaihan.
Sa totoo lang, wala naman talaga siyang pakialam sa society na iyon o di kaya ay kay Christopher. Hindi niya rin naman alam kung ano ang nagtulak kay Anthony para bumuo ng ganitong klase ng grupo para sirain ang Christopher na iyon.
Hindi naman talaga siya interesadong sumali sa grupo na ito. Napilitan lang siya dahil may malaking pagkakautang ang Tatay Demetrio niya dito kay Anthony at siya ang nagbabayad sa pamamagitan ng pagiging sunod-sunuran dito.
Kung wala lang talaga si Rachel Leigh dito ay hindi niya na alam kung ano pa ang mangyayari sa buhay niya. Kahit gustuhin niya mang umalis sa grupo ay hindi niya magawa dahil wala naman siyang pambayad sa utang ng amang napakalaki.
Simple lang naman ang mga utos ni Anthony kaya nakakapagtiis pa rin siya. Wala rin naman siyang magagawa, kailangan niyang sumunod dito para mabuhay at matapos na ang pagbabayad ng utang na iyon.
“Hinahanap daw ako ni Anthony,” bungad niya kay Rachel Leigh.
Tumango ito. “Naroon siya sa library,” sagot nito at nagpaalam na sa kanya.
Siya naman ay tumuloy na sa library at kumatok sa pinto. Pagkabukas niya ay agad na napatingin sa kanya si Anthony at ang itinuturing nitong kanang kamay na si Drake Jimenez. Ni minsan ay hindi niya nagustuhan ang ugali ng Drake na iyon, parang ang pinsan niya ring si Brian.
Nalipat ang tingin niya sa isa pang lalaking nakaupo sa couch na naroroon. Kumunot ang noo niya. Ngayon niya lang ito nakita. May panibago na naman bang na-recruit na miyembro itong si Anthony?
“Elij,” bati sa kanya ni Anthony at tumayo sa kinauupuan nitong swivel chair. Lumipat ito sa couch na kinauupuan ng lalaki at inanyayahan din siyang umupo. Si Drake naman ay nanatili lang na nakatayo sa tabi ng working desk na naroroon.
Lumapit siya sa isa pang couch na katapat ng kinauupuan ng mga ito at naupo doon. “Pinatatawag mo daw ako,” panimula niya.
Ngumiti si Anthony. Nasa mukha pa rin nito ang hindi maitatagong ka-guwapuhan kahit nasa early thirties na ito at may ilang sugat sa mukha. Mabait naman ito kahit papaano kaya hindi siya nahihirapang pakiharapan ito. Lumalabas lang talaga ang galit nito tuwing nababanggit ang pangalan ni Christopher at ng society na itinatag nito.
“Ito nga pala si Anderson Alvarez,” pagpapakilala ni Anthony sa lalaking katabi. “Matagal ko na siyang kaibigan. Anderson, si Elij, isa sa mga asset ng grupo ko.”
Bahagya lang tumango sa kanya ang lalaki. Tiningnan niya ito. Sa tingin niya ay kasing-edad lang ito ni Anthony. Guwapo rin ito at kayumanggi ang kulay.
“Pag-aari niya ang Hacienda Alvarez sa Cebu,” pagpapatuloy ni Anthony.
Tumango-tango siya. Kaya pala pamilyar sa kanya ang pangalan. Isa ang Hacienda Alvarez sa pinaka-malaking hacienda sa Cebu noon. Bumagsak na kasi ito simula ng namatay ang tunay na may-ari na sa tingin niya ay ama ng Anderson na ito.
“Miyembro na ba siya ng grupo?” naisipan niyang itanong. May galit din ba ito sa Christopher Samaniego na iyon?
Ngumiti si Anthony at umiling. “Hindi,” tugon nito. “Nanghihingi lang siya ng tulong para hanapin ang nawawala niya kapatid na si Keira Alvarez.”
“Bakit naman siya nawawala?” tanong niya. Siya ba ang gusto nitong paghanapin sa nawawalang Keira na iyon?
“Umalis siya ng hacienda ilang buwan na ang nakaraan,” sagot ni Anderson.
“Bakit?” tanong niyang muli.
“Hindi mo na kailangang malaman kung bakit,” mariing sagot ni Anderson. Bumaling ito kay Anthony. “Matutulungan mo ba ako o hindi?”
Sumandal siya sa sandalan ng couch at pinagmasdan ang mga ito. Nagtaka pa siya sa pagmamadaling nasa tono ni Anderson.
Tumingin sa kanya si Anthony at ngumiti.
Napabuntong-hininga siya. “Gusto mong hanapin ko ang Keira na iyon?”
“Magagawa mo ba?” tanong ni Anthony.
“Pipilitin ko,” maikling tugon niya. Ito lang ba ang ipinunta niya dito?
“Narinig mo ba ‘yon, Anderson?” wika naman ni Anthony sa katabi. “Huwag kang mag-alala, makakaasa kang matutulungan kita.”
Mukha namang nakahinga na ng maluwag si Anderson at tumayo. “Salamat, pare.”
Nang makaalis ito ay nakita niya pa ang pag-iling ni Anthony. Lumapit si Drake dito. “Bakit kailangang tulungan mo pa ang lalaking iyon? Paano kung ipahamak ka lang niya?”
Bumuntong-hininga si Anthony. “Bumabawi lang ako sa mga naitulong niya noong walang-wala ako at nagsisimula pa lang buuin ang grupong ito. Simpleng bagay lang naman ang mga itutulong ko. Kapag pumalpak siya, asahan niyang bibitawan ko na siya. Malay mo, may maitulong din siya, hindi ba?”
Tumayo si Anthony at lumapit sa mesang naroroon. May kinuha itong itim na folder. Muli itong lumakad palapit sa kanya at iniabot iyon.
Kinuha niya iyon at nagtatakang napatingin dito.
“Maliban sa paghahanap mo sa Keira na iyon, may mas importante akong gustong ipagawa sa’yo,” sabi nito.
Aktong bubuksan niya na ang folder nang muli itong magsalita. “Bago ang lahat, gusto kong malaman mo ang makukuha mo sa misyong ito,” bumalik ito sa pagkakaupo sa couch. “Madadala mo na dito sa Maynila ang buong pamilya mo, hindi mo na rin po-problemahin ang titirhan niyo dahil ibibigay ko na sa iyo ang pag-aari kong apartment sa Pasay. Ang tanging iisipin mo na lang ay ang pang-araw-araw niyong gastusin.”
Mangha siyang napatingin dito, hindi makapaniwala sa lahat ng sinabi nito.
“At siyempre, pagkatapos ng misyon na ito… tapos na rin ang pagbabayad mo sa utang ng ama mo sa akin,” dagdag nito.
Napalunok siya. “A-Anong kailangan kong gawin?” tanong niya. Anong klaseng misyon naman kaya ang ipag-uutos nito at ganito na lang kalaki ang kapalit na nais nitong ipagkaloob? Hindi kaya may gusto itong ipapatay?
“Madali lang, Elij,” sagot nito. “Gusto kong bantayan mo ang bawat galaw ng taong iyan,” itinuro nito ang folder na hawak niya. “Gusto kong pasukin mo ang buhay niya at gawin ang lahat para makakuha ng importanteng impormasyon patungkol sa lahat ng pag-aari ni Christopher Samaniego,” napuno ng galit ang tono nito. “Ito na ang simula ng lahat ng plano ko.”
Binuksan niya ang folder na hawak at tumambad sa kanya ang mga impormasyon patungkol kay Thaddeus Arzadon. Kilala niya ito. Ito ang sikat na lawyer dito at sa ibang bansa. Isa rin ito sa mga ‘breakers’ ng society na nais sirain ni Anthony at ang pinagkakatiwalaang abogado ni Christopher Samaniego.
Tumingin siya kay Anthony. “K-Kailangan kong bantayan ang bawat kilos niya at magnakaw ng impormasyon sa abogadong ito?” Magagawa niya ba iyon? Paano kung mahuli siya nito?
Tumango si Anthony. “Gawin mo ang lahat para mapasok ang buhay niya. Gusto kong mapasa-kamay ko ang lahat ng kontrata patungkol sa MicroGet. Lahat-lahat.” Ang MicroGet ang kumpanyang pag-aari ni Christopher, ito ang isa sa mga nangungunang kumpanya ng gadgets sa buong mundo. “Pagkatapos gusto kong tapusin mo na ang abogadong iyan.”
Gulat siyang napatingin dito at marahas na napailing. “Hin-Hindi ko magagawa ‘yan, Anthony. Hindi ako papatay ng tao.”
Narinig niya ang pagtawa ni Drake. “Sinabi ko na sa’yo, Anthony. Hindi niya magagawa ‘yan.”
Ngumiti si Anthony. “Kung ganoon, bahala ka na Drake gumawa ng bagay na iyon.”
“P-Pero, bakit kailangang pati ang lalaking ito ay subaybayan natin Anthony?” nagtatakang tanong niya dito. “Hindi ba puwedeng si Christopher na lang? Sa kanya ka lang naman galit, hindi ba?”
Tumalim ang mga mata ni Anthony. “Oo, sa kanya nga lang ako galit. Pero kadamay na rin ang society na itinatag niya. Gusto kong sirain ang samahang iyon,” puno ng pait na tugon nito. Ilang sandali nitong kinalma ang sarili bago nagpatuloy. “Matagal ko ng pinag-aaralan ang mga kilos ng mga miyembro ng society na iyon. At sa lahat ng mga kaibigan ni Christopher ay si Thaddeus ang pinaka-malapit sa kanya. Siya ang pinaka-pinagkakatiwalaan niya sa lahat ng mga bagay patungkol sa negosyo. Sigurado akong siya rin ang humahawak ng lahat ng kontrata ng pag-aari ni Christopher, lahat ng bagay na gusto kong maagaw sa kanya.”
Tumingin ito sa kanya, malamig ang mga mata. “Kaya kailangan ko ng taong susubaybay sa abogadong iyan. Gusto kong gumawa ka ng paraan para mapalapit sa kanya, mapagka-tiwalaan niya at makakuha ng mga mahahalagang impormasyon patungkol sa Samaniego na iyon. Naiintindihan mo ba ako, Elij?” may awtoridad na sa boses nito.
Napayuko siya. Hindi niya ito maintindihan. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang kagustuhan nitong makuha ang mga bagay na pag-aari ni Christopher. “P-Paano kung mahuli niya ako?” nag-aalalang tanong niya. “H-Hindi basta-bastang tao ang Arzadon na ito, Anthony. Abogado siya. May posibilidad na pa-imbestigahan niya ako at malaman ang koneksiyon ko sa’yo.”
Tumawa si Anthony. “Sa tingin mo ba hindi ko naisip ang mga bagay na iyan, Elij? Pinaghandaan ko na ang mga bagay na iyan. Oo, malalaking tao sila. Pero sinigurado ko na wala silang mapapala kahit na pa-imbestigahan pa nila ikaw dahil hinding-hindi nila makikita ang koneksiyon mo sa akin.”
Kumunot ang noo niya. Hindi niya ito maintindihan. Paanong nagagawa nito iyon?
Si Drake ang sumagot ng lihim na tanong niya. “Matagal ng patay ang Anthony Luistro na kilala ni Christopher,” sabi nito. “Tayo na lang ang gumagamit sa tunay na pangalan ni Anthony.”
Gulat siyang napatingin dito. Ngayon niya lang nalaman ang bagay na iyon.
Ngumisi si Anthony. “Sa tagal ng panahon na nagtatago lang ako sa lugar na ito at sinusubaybayan ang lahat ng kilos ni Christopher at ng society niya, sigurado akong lahat ng tao ay naniniwalang patay na nga si Anthony Luistro. Kaya imposibleng makakita sila ng koneksiyon mo sa isang taong wala na sa mundong ito.”
Napatitig siya sa mga ito. Talagang ginagawa nito ang lahat para magawa nito ang mga maiitim nitong balak para sa Christopher na iyon. Hindi siya magtataka kung paano nito nagagawa ang mga bagay na iyon, alam niyang maraming pera si Anthony. Hindi niya nga lang alam kung saan iyon nagmumula dahil palagi lang naman itong nakakulong sa lungga nitong ito at minsan lang lumalabas.
“Magagawa mo ba ang mga pinag-uutos ko, Elij?” tanong sa kanya ni Anthony.
Mahabang sandali siyang natahimik. Bakit kailangang madamay pa siya sa gulong ito? Hindi niya alam kung magagawa niya ito. Pero ang kapalit ng lahat ng ito ay kaginhawahan ng pamilya niya. Mapapalapit na sila sa mga ospital na mapagtutuunan ng pansin si Sam. Hindi na nila kailangang mangupahan o di kaya ay makisiksik sa pinsan niyang si Brian. At mababayaran niya na rin ang lahat ng pagkakautang ng ama niya. Magiging malaya na rin siya sa wakas. Kailangan niya lang namang subaybayan ang Arzadon na iyon, hindi ba? At kung magagawa niya ngang makakuha ng impormasyon patungkol kay Christopher? Bahala na.
Muli niyang ibinalik ang tingin kay Anthony, puno ng katatagan ang mga mata. Nakapag-desisyon na siya. Kailangan nilang mabuhay. “Sige, gagawin ko.”
Malawak na ngumiti si Anthony. “Magaling. Alam kong magagawa mo ng ayos ang lahat, Elij. May tiwala ako sa’yo,” kumuha ito ng sigarilyo sa bulsa ng polo nito at sinindihan iyon. “May gaganaping party sa Hacienda Fabella sa Cebu sa susunod na linggo. Kaarawan ng isa sa mga walang-kuwentang ‘breakers’ na iyon na si Vincent Fabella. Siguradong naroroon ang Arzadon na iyon. Gusto kong simulan mo na ang pagsubaybay sa kanya.”
Tumango siya. Alam niya ang Hacienda Fabella na iyon, pag-aari ni Jeremy Fabella na isa rin sa mga ‘breakers’ na kinamumuhian nito.
“Maaari na rin kayong lumipat ng pamilya mo dito sa susunod na linggo,” tumayo na ito at walang paalam na lumabas ng library. Alam niyang napuno na naman ng galit ang kalooban nito dahil sa mga breakers na iyon.
Tumingin siya kay Drake nang lumapit ito sa kanya. Ngumisi ito. “Sisiguraduhin mo lang, Elij, na hinding-hindi ka mahuhulog sa lalaking iyan. Matinik sa babae ang abogadong iyan,” umiling pa ito. “Pero huwag kang mag-alala, malaki ang tiwala namin sa’yo. Alam kong mas mahalaga ang pamilya mo kaysa sa kahit na anong bagay,” hinaplos nito ang mukha niya.
Mabilis niyang tinabig ang kamay nito. Tumayo na siya at lumabas na rin ng library na iyon. Hinding-hindi siya makakatagal na kausapin ang Drake na iyon. Kung umasta ito ay parang napakataas at lahat ng babae ay makukuha.
![](https://img.wattpad.com/cover/198052992-288-k364172.jpg)
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon
RomanceElij applied as a personal assistant/personal bodyguard of the famous lawyer - Thaddeus Arzadon. Pero hindi gaya ng inaasahang gawain ng isang assistant, iba ang pakay niya sa pagpasok sa buhay nito. She had to stay near him to know his every move...