Chapter 26.2

3.1K 33 0
                                        

NAPATAYO si Elij sa kinauupuang settee sa lobby ng MicroGet nang makita niya ang pagpasok ni Rachel Leigh sa loob ng building. Ang MicroGet ang kumpanyang pag-aari ng asawa nitong si Christopher. Narito siya ngayon dahil kausap ni Thaddeus si Christopher sa loob ng opisina nito. Nagpaiwan na siya dito dahil ayaw niyang makaabala sa usapan ng mga ito.
“Rachel!” tawag niya dito at kinawayan ito.
Napatingin ito sa kanya at napangiti. “Elij,” anito nang makalapit. “Anong ginagawa mo dito?”
Ngumiti rin siya. “Hinihintay ko si Thaddeus,” sagot niya. “Ikaw? Pupuntahan mo ba si Christopher?”
“Ah… oo,” sagot nito.
Natigilan siya ng ilang saglit. Sigurado siyang may nakita siyang kakaibang kislap sa mga mata nito ng ilang sandali.
“Mukhang… mukhang nagkakaintindihan na kayo ni Thaddeus, ah?” narinig niyang tanong nito.
Hindi niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa mga labi niya. “I love him so much, Rachel,” pag-amin niya dito. “At ganoon din naman siya sa akin.”
Napatawa ito. “Ngayon lang kita nakitang ganyan kasaya, Elij.”
“At ngayon lang din kita nakitang ganyan, Rachel,” ganti niya. Para kasing ibang tao na ang kaharap niya ngayon. Iba na ang paraan ng pag-ngiti at pagtawa nito, maging ang mga mata nito ay ngumingiti na rin, hindi tulad noon.
Nag-iwas ito ng tingin.
Napangiti siya. Alam niyang hindi rin ito magku-kuwento kaya hinayaan niya na lang ito. Hihintayin niya na lang na magbago ang isip nito. Bumuntong-hininga siya. “Kaya gagawin ko ang lahat para mabayaran ang utang ng ama ko kay Anthony,” aniya.
Muli itong napatingin sa kanya.
“Sana naman tanggapin ni Anthony ang alok ko na iyon,” dagdag niya.
“Sana nga, Elij. Masaya ako na masaya ka na ngayon,” sabi nito.
Lumapit siya dito at niyakap ito ng mahigpit. “Salamat, Rachel. Alam kong ito ang gusto ni Ate Sandra, ang makalaya na tayo kay Anthony.”
Bahagya itong lumayo sa kanya. “Ni Ate Sandra?” nasa mukha na nito ang pagtataka.
Tinitigan niya ito. Hindi pa ba nito alam ang sinabi sa kanya ni Matthew? Hindi pa ba ito nakakausap ng lalaki? Ibinuka niya ang bibig pero agad niya rin iyong isinara nang makita ang paglapit sa kanila ni Thaddeus.
Agad itong ngumiti nang makalapit sa kanila. “Nabagot ka ba dito?” tanong nito at ginawaran ng halik ang mga labi niya.
Pinamulahan siya ng mukha at napasulyap kay Rachel na nangingiting nakatingin sa kanila. Nagpaalam na ito at iniwanan na sila doon. Pabiro niyang hinampas sa dibdib si Thaddeus pero tumawa lang ito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon