NAGISING si Elij sa pagtama ng liwanag sa mukha niya dahil sa nakabukas na bintana ng kuwarto niya. Napangiwi siya sa nararamdamang pananakit ng buong katawan pero agad din naman siyang napangiti nang maalala ang dahilan niyon.
Napatingin siya sa tabi niya pero wala na doon si Thaddeus. Sumulyap siya sa alarm clock na nasa bedside table at napabalikwas ng bangon nang makitang pasado alas-diyes na ng umaga. Late na siya sa trabaho niya!
Nagmamadali siyang bumaba ng kama at tinungo ang pinto. Nagulat pa siya nang makasalubong doon si Thaddeus. Napababa ang tingin niya sa Spongebob boxers na suot nito. Hindi niya napigilan ang sarili sa pag-ngiti.
“Saan ka pupunta?” narinig niyang tanong nito.
Bumalik sa alaala niya ang trabaho. “Late na ako,” sagot niya. “Ikaw ba ang nag-off ng alarm ko?”
Tumango ito.
Napailing na lang siya at lumakad patungo sa cabinet para kumuha ng damit. Kailangan niya ng magmadali. Napatigil siya sa ginagawa nang maramdaman ang pagyakap sa kanya ni Thaddeus mula sa likod.
“Kailangan mo ba talagang pumasok ngayon?” tanong nito. Nagsimula ng maglandas ang mga labi nito sa leeg niya.
Ipinikit niya ang mga mata pero pinilit niyang pangibabawin ang isipan. “K-Kailangan kong pumasok, Thaddeus,” mahinang sagot niya. “Siguradong nagsisimula na ang shareholder’s meeting doon.” Sa pagkakatanda niya ay patungo rin ng Singapore ngayon ang boss niyang si Mateo kaya kailangan talaga siya doon.
Naramdaman niya ang pagbuntong-hininga nito. “Kung ganoon, aalis na rin ako.”
Bigla siyang napamulat sa sinabi nito, lumukob ang takot sa puso niya sa isiping aalis ito at iiwanan siya. Pumihit siya paharap dito. “A-Aalis ka na?”
Tinitigan siya nito. “Ikaw kasi, iiwanan mo ako dito,” lumabi pa ito na parang bata. “Ayaw ko namang maiwan ditong walang kasama kaya aalis na rin ako.”
Hindi. Hindi puwedeng umalis ito. Ayaw niya na uling mangulila pa dito. Iniyakap niya ang mga braso sa katawan nito. Minsan niya na itong ipinagpalit sa ibang bagay noon dahil akala niya ay iyon ang mas makabubuti dito. Hindi niya na muling gagawin iyon.
Ikinulong niya ang mukha nito sa mga palad niya. “Anong gusto mong gawin sa buong araw?” tanong niya dito.
Kumislap ang mga mata nito at pilyong ngumiti. “Tinatanong pa ba ‘yan, Elij?”
Hindi na siya nakasagot nang sakupin na nito ang mga labi niya. Napalayo siya dito nang may malasahan sa mga labi nito. “Kinain mo ba ‘yong chocolate cake na nasa fridge?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Ngiti lang ang isinagot nito sa kanya.
Hinampas niya ang dibdib nito. “Sa mga kapatid ko iyon, Thaddeus,” pagalit niya dito. Hindi pa rin talaga ito nagbabago sa katakawan nito.
“Nagutom kasi ako,” palusot pa nito. “Bibili na lang ulit ako.”
Napailing na lang siya at hinayaan na itong hilahin siya pabalik sa kama.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon
RomanceElij applied as a personal assistant/personal bodyguard of the famous lawyer - Thaddeus Arzadon. Pero hindi gaya ng inaasahang gawain ng isang assistant, iba ang pakay niya sa pagpasok sa buhay nito. She had to stay near him to know his every move...