ONE and a half year passed…
Isinara ni Elij ang binabasang files ng isang kumpanya at sumandal sa kinauupuang swivel chair. Mahigit isang taon na rin simula ng magsimula siyang mag-trabaho bilang sekretarya ng CEO ng Franklin Enterprise. Kahit wala siyang gaanong alam sa trabahong ito ay unti-unti rin naman siyang natututo.
Ipinikit niya ang mga mata at pinilit ang sariling mag-relax.
“Pagod ka na ba?”
Nagitla siya nang marinig ang boses na iyon mula sa likod. Napalingon siya doon at nakitang nakatayo doon ang boss at nobyo niyang si Mateo Franklin. Hindi niya ito naging nobyo dahil mahal niya ito, napilitan lang siyang sagutin ito apat na buwan na ang nakakaraan dahil wala siyang mapag-pipilian. Hindi niya kasi gustong ipahiya ito sa harap ng mga empleyadong naroroon. Kung bakit ba naman kasi nagtapat ito ng nararamdaman sa harap ng maraming tao.
Umayos siya ng upo at muling binuksan ang files na nasa mesa. “Hindi naman,” sagot niya.
Lumapit ito sa kanya at minasahe ang mga balikat niya. Gusto niyang lumayo dito pero pinigilan niya lang ang sarili.
“Kumusta na nga pala ang pamilya mo?” tanong pa nito. “Matagal na rin akong hindi nakakadalaw sa inyo.”
Bumuntong-hininga siya. “Ayos naman sila, nasa bahay sila ng Tita ko ngayon.”
Simula ng lumipat sila dito sa Pangasinan ay agad siyang nangupahan ng apartment mula sa mga naipon niyang pera. Naghanap rin siya ng trabaho para matustusan ang mga pangangailangan nila. Masaya siya dahil komportable na naman ang pamilya niya dito sa lugar na ito. Sapat na iyon sa kanya.
Hindi na siya umaasang magiging masaya pa siya balang araw dahil alam niyang walang kasiyahang nais ipagkaloob sa kanya ang mundong ito. Nananatili pa siyang buhay dahil kailangan niya pang suportahan ang pamilya niya, iyon na lang ang itinatatak niya sa isipan.
“Siyanga pala,” ani pa ni Mateo. “May damit ka ba para sa mga formal dinner dates?”
Napatingin siya dito. “Bakit?”
“Magdi-dinner tayo bukas,” sagot nito. “Sa isang restaurant lang naman.”
Tumango na lang siya. “Ayos lang naman ang simpleng dress, hindi ba?” tanong niya.
Ngumiti ito. “Bagay naman sa’yo ang kahit ano.”
Iniiwas niya ang tingin dito at muling ibinaling sa papeles na nasa harap. May bago na siyang buhay dito, bagong trabaho at lahat, pero bakit pakiramdam niya ay hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman niya? Kahit anong pilit niya na ituon dito kay Mateo ang nararamdaman ay hindi niya magawa. Gusto niya ng makalimot dahil alam niyang tuluyan na rin naman siyang kinalimutan ng lalaking iyon.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon
RomanceElij applied as a personal assistant/personal bodyguard of the famous lawyer - Thaddeus Arzadon. Pero hindi gaya ng inaasahang gawain ng isang assistant, iba ang pakay niya sa pagpasok sa buhay nito. She had to stay near him to know his every move...