INABALA ni Elij ang sarili sa paglilinis ng living area ng bahay ni Thaddeus habang hinihintay itong bumaba. Alas-diyes na ng umaga at nagtataka na siya kung papasok pa ba ito sa trabaho nito.
Lumapit siya sa steel cabinet na malapit sa T.V. set at inayos ang mga gamit na naroroon. Napansin pa niya ang isang picture frame na nakataob sa ibabaw niyon. Kinuha niya iyon at tiningnan. Natigilan siya nang malamang larawan iyon ng pamilya ni Thaddeus, agad niyang nakilala ito doon. Sa tingin niya ay nasa sampung taong gulang pa lamang ito sa larawang iyon. Bata pa lang talaga ay naririto na ang nakakaakit na ngiti nito at itsurang pagkakaguluhan ng mga babae.
Nalipat ang tingin niya sa mukha ng ina nito, masaya itong nakangiti. Katabi nito ang isang lalaki na kalong si Thaddeus, pero wala ng mukha ang lalaking nasa larawan na sigurado siyang ama ni Thaddeus. Punit na ang bahaging iyon. Bumalot ang kalungkutan sa puso niya ng mga oras na iyon. Hindi maitatangging galit na galit talaga si Thaddeus sa ama nito.
Nagitla siya nang maramdaman ang bulto ng katawan na lumapit sa kanya. Mabuti na lang at hindi niya nabitawan ang hawak na picture frame. Napatingin siya kay Thaddeus na nakatingin din sa kanya, nakasuot ito ng itim na long-sleeved polo.
Kinuha nito sa kanya ang frame na hawak at ibinalik iyon sa pagkakataob sa ibabaw ng cabinet.
“P-Pasensiya ka na,” paghingi niya ng paumanhin sa pakikialam sa gamit nito. “Hindi ko sinasadyang makita.”
Sa pagkagulat niya ay ngumiti ito. “It’s okay,” sabi nito. “Nakita mo na si Mama, ang ganda niya, ano?”
Nginitian niya ito at masayang tumango. Mabuti naman at mukhang hindi sumama ang mood nito. “Dito ba ‘yon kinunan sa bahay na ito?” naisipan niyang itanong.
“Hindi. Doon ‘yon sa bahay ni Mama sa Aspen, Colo. Iyon ang nag-iisang pag-aari na iniwan niya sa akin,” sagot nito. “Mga caretakers na lang ang naroroon.”
Bumuntong-hininga siya. “Puwede ba akong magtanong?”
Tumingin ito sa kanya. “Ano?”
Nag-aalangan pa siyang nagpatuloy. Sana naman ay hindi nito ikagalit ang tanong niya. “Talaga bang… hindi na lumapit sa’yo ang Papa mo simula ng namatay ang Mama mo?”
Napatiim-bagang ito. Gusto niya sanang bawiin ang itinanong pero alam niyang huli na.
Ilang sandali itong tahimik bago naisipang sagutin siya. “Hindi na. Kahit siguro lumapit pa siya noon ay hindi ko na siya tatanggapin, pagkatapos ng lahat ng ginawa niya,” humugot ito ng malalim na hininga pero nakikita niya ang pagkakakuyom ng mga kamao nito. “Mukhang mas masaya na siya sa bago niyang pamilya at wala na akong pakialam doon.”
“Kilala mo ba ang bago niyang pamilya?”
“Hindi ko sila personal na kilala pero alam kong may mga kapatid ako doon. Tatlo, sa pagkakatanda ko,” umismid ito. “Wala naman akong balak makilala sila, matagal na akong nabubuhay mag-isa at hindi ko sila kailangan.”
Nararamdaman niya ang matinding galit sa mga salitang iyon kaya minabuti niya ng itigil ang pagtatanong tungkol sa bagay na iyon. “Hindi ba late ka na sa trabaho mo?” pinilit niyang pasiglahin ang tinig.
Tumawa naman ito. “Lawyer ako, Elij. At ako ang may-ari ng firm ko. Puwede akong pumunta doon kahit anong oras ko gustuhin, saka isa lang ang kliyenteng dapat kong kausapin ngayon,” lumukot ang mukha nito. “Iyong kliyente kong wala namang alam kundi utusan ako na madaliin ang lahat ng bagay.”
Napailing siya. “Bakit hindi mo na lang bitawan?”
“Hindi puwede,” tugon nito. “Trabaho pa rin iyon,” hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya palabas ng bahay.
Tumawa na lang siya. Pinagmasdan niya ang kamay nitong nakahawak pa rin sa kamay niya. Kung may makakakita sa kanila dito ay hindi aakalain na bodyguard siya nito.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon
RomanceElij applied as a personal assistant/personal bodyguard of the famous lawyer - Thaddeus Arzadon. Pero hindi gaya ng inaasahang gawain ng isang assistant, iba ang pakay niya sa pagpasok sa buhay nito. She had to stay near him to know his every move...