DAHAN-DAHANG iminulat ni Thaddeus ang mga mata, nang igala niya ang paningin ay napag-alaman niyang nasa loob siya ng isang kuwarto sa ospital. Napangiwi siya nang maramdaman ang sakit sa kanang balikat.
“Mabuti naman at nagising ka na,” narinig niyang wika ng isang pamilyar na boses ng babae.
Bumaling siya sa gilid at nakitang nakaupo doon si Rachel Leigh. Noon lang muling bumalik ang alaala ng nangyaring pagbaril sa kanya ni Elij.
“Anong ginagawa mo dito?” mahinang tanong niya sa babae.
Napayuko ito. “Pasensiya ka na talaga, Thaddeus,” bulong nito. Nakita niya ang pagsulyap nito sa pinto.
Kumunot ang noo niya. “Kasama mo ba si Christopher?” tanong niya.
Bigla itong napatingin sa kanya.
Inilipat niya ang tingin sa kisame. “Anong ibig sabihin ng lahat ng iyon, Rachel? Bakit nandoon ka? Sino ang mga taong iyon? Anong kailangan nila sa akin?” sunod-sunod na tanong niya.
Naramdaman niya ang paghawak nito sa isang kamay niya. “I’m sorry, Thaddeus, kung nadamay ka dito.”
“Nadamay?” ulit niya sa sinabi nito. “Ibig sabihin, hindi ako ang puntirya ng mga taong iyon? Kung hindi ako, sino? Si Christopher?”
Naramdaman niya ang pagkatigil nito sa sinabi niya. Tama siya. Si Christopher nga ang dahilan ng lahat ng ito.
“Alam ba ni Christopher na niloloko mo siya?” tanong pa niya dito.
Marahas itong napailing. “Hi-Hindi ko siya gustong lokohin, Thaddeus,” may nahimigan siyang pagmamakaawa sa tono nito.
Tumango-tango siya. “Bahala ka, buhay niyo naman iyan.” Hindi niya na gustong makialam, lalo na ngayong gulong-gulo na rin ang sarili niyang buhay. “Nasaan siya? Nasaan si Elij?”
“H-Hindi ko alam,” sagot nito. “Hindi ko pa siya nakikita simula ng pangyayaring iyon. G-Gusto mo ba siyang makita?”
Bumuntong-hininga siya at marahang tumango.
“Bakit?” tanong pa nito. “Gusto mo pa rin siyang makita kahit niloko ka na niya?”
Tumingin siya dito. “Alam ko. Matagal ko ng alam na may iba siyang pakay sa paglapit sa akin,” malungkot na wika niya.
May pagkagulat na sa mga mata nito.
Nagpatuloy siya. “Pero dahil mahal na mahal ko siya kaya hinayaan ko siyang manatili sa tabi ko.”
Malungkot itong napabuntong-hininga. “Hahanapin ko siya, Thaddeus. Sasabihin kong gusto mo siyang makita.”
Pinilit niya ang sariling ngumiti at tinapik ang kamay nito. Ipinikit niya ang mga mata, inaantok pa siya. Siguro dahil sa gamot. Magpapahinga muna siya sandali at gusto niyang makita ang mukha ng babaeng iyon pagkagising niya.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon
RomanceElij applied as a personal assistant/personal bodyguard of the famous lawyer - Thaddeus Arzadon. Pero hindi gaya ng inaasahang gawain ng isang assistant, iba ang pakay niya sa pagpasok sa buhay nito. She had to stay near him to know his every move...