NAPATAYO si Elij sa pagkakaupo sa settee sa labas ng opisina ni Thaddeus nang makita kung sino ang pumasok sa loob ng firm nito. Ito ay ang ama ni Thaddeus na si Claudio. Isang linggo na simula ng huli niya itong makita at sa pagkakaalam niya ay bukas na ang sunod na trial ng mag-asawang Domingo.
“Anong ginagawa niyo dito?” tanong niya nang makalapit ito.
Malungkot itong ngumiti. “Gusto ko sanang makausap si Thaddeus,” sagot nito.
“P-Pero—”
“Parang awa mo na, hija,” putol nito sa kanya. “Kailangan ko siyang makausap patungkol sa kasong hawak namin.”
Napasulyap siya sa mga folders na hawak nito. Napilitan siyang tumango. Nauna na siyang naglakad patungo sa opisina ni Thaddeus.
“Thaddeus…” tawag niya nang makapasok sa loob. “May… may gustong kumausap sa’yo.”
Pagtingin ni Thaddeus sa kasunod niya ay mabilis itong napatayo. “Anong ginagawa ng lalaking iyan dito?” marahas na tanong nito.
“Thaddeus,” pagsisimula ni Claudio. “Makinig ka sana sa akin. Tungkol ito sa kaso ng mga Domingo.”
Akmang lalabas na ulit siya ng opisina para hayaan ang mga itong mag-usap nang pigilan siya ni Thaddeus.
“Dito ka lang, Elij,” utos nito.
Tumango siya at lumapit sa kinatatayuan nito. He grabbed her hand. Alam niyang kumukuha ito ng lakas sa kanya.
Lumapit si Claudio sa mesa ni Thaddeus at ipinatong doon ang mga hawak na folder. “Ilan iyan sa mga ebidensiyang maaari mong gamitin laban kay Ricardo,” sabi nito.
Nagulat siya sa sinabi nito. Naramdaman niya rin ang pagkagulat ni Thaddeus.
“May ilan diyang kuhang mga larawan ng pagtataksil niya sa asawa niya,” pagpapatuloy ni Claudio. “Ang iba diyan ay mga taong maaaring magpatotoo na nag-uutos siyang pumatay ng mga tao. Nariyan din ang lahat ng maling ginagawa niya sa larangan ng negosyo,” huminto ito at bumuntong-hininga. “Sana makatulong ang mga ‘yan sa’yo.”
“Bakit mo ginagawa ang mga ito?” tanong dito ni Thaddeus.
Tumingin dito ang ama nito, may kalungkutang nababanaag sa mga mata nito. “Dahil ito lang alam kong paraan para mai-ayos ang mga pagkakamali ko. Sa mga tao, lalong-lalo na sa’yo. Nagkamali ako. Naging napakasama ko. Gusto kong piliting magbago para sa mga taong nakapaligid sa akin.”
Hindi sumagot si Thaddeus. Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa buong kuwarto.
“Bibitaw na rin ako bilang abogado niya,” dugtong ni Claudio. “Sana mabigyan mo ng katarungan ang kliyente mo,” pagkasabi noon ay nagpaalam na ito sa kanila.
Muling napabalik sa pagkakaupo si Thaddeus. Siya naman ay hinabol ang ama nito. Nasa labas na sila nang makita niya ito.
“Sir!” tawag niya dito.
Tumigil ito sa paghakbang at humarap sa kanya.
“Salamat po,” wika niya. “Malaking tulong po ito kay Thaddeus.” Tunay na nagpapasalamat siya dito at sigurado siyang seryoso ito sa lahat ng mga sinabi nito kanina. Lahat naman ng tao ay nagkakamali, ang mahalaga ay malaman nila ang pagkakamaling iyon at humingi ng kapatawaran. At siyempre, pilitin ng magbago at huwag ulitin ang mga pagkakamaling nagawa.
Tumango ito at ngumiti. “Alam kong hindi na ako mapapatawad ni Thaddeus. Sobra-sobra ang nagawa ko sa kanya at sa Mama niya. Dahil naging makasarili ako, dahil mas inuna ko ang sarili ko. Nabulag ako ng pera,” lumuha na ito. “Kahit sa simpleng bagay na ito ay magawa ko siyang tulungan. Matagal ko na siyang gustong makaharap pero natatakot ako dahil alam kong masamang tao ako sa paningin niya. Iyon naman ang totoo, napakasama kong tao. Hindi ko dapat ginawa iyon sa Mama niya, hindi sana nangyari ang lahat ng ito.”
“Pero alam ko po na maaari pa kayong magbago,” aniya. “Para sa pamilya niyo ngayon.”
Tumango-tango ito. Inabot nito ang kamay niya at marahang tinapik iyon. “Salamat, hija. Alagaan mong mabuti ang anak ko. Lumaki siyang mag-isa sa mundo, masaya akong nakatagpo siya ng katulad mo,” ngumiti ito.
Tumango din siya at nagpasalamat din dito. Nang makaalis ito ay muli siyang bumalik sa loob at tumuloy sa opisina ni Thaddeus.
Naabutan niya itong nagbabasa ng mga ebidensiyang ibinigay ng ama nito. Sumulyap ito sa kanya sandali bago ipinagpatuloy ang ginagawa.
Lumapit siya dito. “Hindi… Hindi mo ba siya mapapatawad, Thaddeus?” lakas-loob na tanong niya dito.
Isinara nito ang folder na hawak at tumingin sa kanya. There was sadness in his eyes. “Hindi ganoon kadali ang lahat, Elij. Mahirap. Mahirap magbigay ng kapatawaran sa taong hindi naman karapat-dapat sa kapatawarang iyon.”
“Pero, Thaddeus, lahat naman ng tao nagkakamali,” sabi niya pa.
“Alam ko, pero bakit ngayon lang? Bakit niya naisipang humingi ng tawad kung kailan wala na si Mama? Kung kailan napuno na ng galit ang puso ko?” humugot ito ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. “It’s just so hard, Elij. The pain of my childhood is still here,” itinuro nito ang tapat ng puso.
Tumango siya at niyakap ito. “Pero susubukan mo, ‘di ba? Susubukan mong patawarin siya dahil hangga’t hindi mo nagagawa ‘yon, patuloy ka lang na masasaktan.” At ayokong makita kang nasasaktan.
Muli itong bumuntong-hininga. “Sige, Elij. Pipilitin ko. Susubukan ko.”
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon
RomanceElij applied as a personal assistant/personal bodyguard of the famous lawyer - Thaddeus Arzadon. Pero hindi gaya ng inaasahang gawain ng isang assistant, iba ang pakay niya sa pagpasok sa buhay nito. She had to stay near him to know his every move...
![[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon](https://img.wattpad.com/cover/198052992-64-k364172.jpg)