Chapter 16.1

3K 43 2
                                        

“SIGURADO ka ba, anak, na ayos lang iyang paa mo?” tanong kay Elij ng Nanay Karina niya nang magpaalam siya sa mga ito ng gabing iyon. Naisipan niya kasing bisitahin ang mga ito sandali dahil wala siyang magawa sa bahay ni Thaddeus. Nasa trabaho kasi ito at sinabing magpahinga na muna siya sa kabila ng pagtanggi niya.
Ngumiti siya. “Opo, hindi na naman po ganoon kasakit,” sagot niya. “Aalis na po ako. Lara, ikaw na ang bahala dito,” baling niya sa babae na kasa-kasama ng pamilya. “Patulugin mo na rin ang mga batang iyan,” tukoy niya sa mga kapatid na nanonood pa rin ng palabas sa T.V.
“Sige po, Ate. Mag-iingat po kayo,” sabi ni Lara.
Tumango na lang siya at lumabas na ng bahay. Paika-ika pa siyang tumungo sa gilid ng daan para maghintay ng masasakyan. Ilang minuto na siyang naghihintay pero wala pa ring available na taxi. Nag-desisyon na lang siyang maglakad-lakad muna dahil nangangalay na siya sa pagtayo.
Ilang hakbang pa lang siyang nakakalayo nang makarinig siya ng busina ng sasakyan. Napalingon siya sa likod at nagulat nang makitang lumabas sa isang black Volkswagen si Matthew. Matagal niya rin itong hindi nakikita simula nang ikasal ito sa asawa nitong si Liezl.
Lumapit ito sa kanya at napasulyap sa paa niya. “Anong nangyari sa paa mo?” tanong nito.
“Napilayan ako noong isang gabi,” sagot niya. “Pero pagaling na naman ito.”
Tumingin ito sa kanya. “Dapat nag-iingat ka,” napailing pa ito. “Pasaan ka ngayon? Pauwi ka na ba kay Thaddeus?”
Hindi niya napigilan ang mapangiti sa tanong nito. Pakiramdam niya ay doon na talaga siya nakatira kay Thaddeus. “Oo.”
“Ihahatid na kita,” alok pa nito.
Tumango na lang siya at inalalayan pa siya nito papasok sa sasakyan. Nang makapasok din ito ay nagpasalamat siya dito. Ngumiti lang naman ito at sinimulan ng paandarin ang sasakyan.
“Kumusta na nga pala kayo ni Liezl?” basag niya sa sandaling katahimikang bumalot sa kanila.
Nakita niya ang pagsilay ng kasiyahan sa mukha nito sa pagkarinig sa pangalan ng asawa. “Manganganak na siya ngayong buwan,” sabi nito, may pagkasabik na ang tono nito.
“Talaga? Congratulations,” napangiti siya.
Habang nasa biyahe ay patuloy lamang ito sa pagku-kuwento ng tungkol dito at sa asawa nito. Hanggang sa hindi niya namamalayang nakarating na pala sila sa tahanan ni Thaddeus.
Muli siyang sumulyap dito. “Salamat sa paghahatid, Matthew.”
“You’re welcome.”
Aktong bubuksan niya na ang pinto nang muli itong magsalita.
“Matagal na ba kayong magkakilala ni Ate Sandra?” tanong nito.
Napatingin siya dito. “O-Oo…” ang pagka-alala kay Sandra ay muling nagdala sa kanya ng kalungkutan.
Tumango-tango ito. “Kilala mo ba ang asawa ni Christopher? Si Rachel Leigh Villanueva?”
Tumango siya. “Bakit? May nangyari ba sa kanya?”
Ngumiti ito at umiling. “Wala naman,” sandali itong napatigil. “May pangako ako kay Ate Sandra noon bago siya… namatay,” lumungkot na ang boses nito.
Kumunot ang noo niya. “Pangako?”
Tumango ito. “Na…” napatingin ito sa kanya at muling gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. “Kalimutan mo na lang iyon. Sige na, pumasok ka na.”
Nag-aalangan siyang napatango at lumabas ng kotse nito. Hanggang sa makaalis ito ay nanatili pa rin sa isipan niya ang sinabi nito. Ano naman kaya ang pangako nito kay Sandra?
“Sino ‘yong naghatid sa’yo?”
Nagitla siya nang marinig ang tinig ni Thaddeus sa likod niya. Lumingon siya dito at nagtaka pa sa madilim nitong mukha. “S-Si Matthew.”
“Bakit kayo magkasama?”
“Nakita niya ako kanina habang naghihintay ako ng masasakyan sa bahay namin,” sagot niya. “Inalok niya akong ihatid ako dito.”
“Bakit ka kasi umalis? Sinabi ko ng magpahinga ka dito,” singhal pa nito.
Tiningnan niya ito ng masama. “Gusto ko lang naman bisitahin ang pamilya ko, ah. Bakit ka ba nagagalit?”
Humakbang ito palapit sa kanya. “Kasi ang tigas ng ulo mo.”
Marahas siyang napabuntong-hininga. “Bakit? Hindi ba matigas din ang ulo mo? Kung makapag— ah!” napasigaw siya nang bigla siya nitong pangkuin ng walang paa-paalam. Pinagpupukpok niya ang balikat nito. “Ano ba, Thaddeus?! Ibaba mo ako!”
Hindi ito nakinig at pumasok sa loob ng bahay sa kabila ng pagpupumiglas niya. Ibinaba lang siya nito nang makarating sila sa living area at paupuin siya sa sofa. Pagkatapos ay walang imik itong lumakad palayo.
Hindi makapaniwalang sinundan niya ng tingin ang lalaking iyon. Kung makaasta ito ay parang pag-aari siya nito na puwedeng gawin ang anumang naisin nito. Naiinis siyang tumayo at paika-ikang sinundan ang dinaanan nito.
Pagkarating niya sa kusina ay nakita niya itong may hinahanap sa loob ng refrigerator. “Naghahanap ka na naman ng pagkain?” puna niya dito. Hindi na ba magagamot ang katakawan nito?
“Hindi, naghahanap ako dito ng gulong,” pang-aasar pa nito.
“Mmm…” tumango-tango siya. “Nandoon sa garahe.”
Isinara nito ang fridge at tiningnan siya. “Ipagluto mo ako,” utos pa nito.
“Ng gulong?” ganting pang-aasar niya.
“Masarap ba ‘yon?”
Naiinis siyang napapikit. Paano niya ba nagawang tumagal ng ganito sa mga kalokohan nito?
Nang magmulat siya ay nakalapit na ito sa kanya.
“Wala kasi akong maka-dinner date ngayong gabi,” sabi pa nito. “Kaya ikaw na lang. Would you be my dinner?”
Sinuntok niya ito sa sikmura. Napabaluktot naman ito at umaktong nasaktan. Ang arte talaga nito, hindi naman malakas ang suntok niya. “Hindi ako pagkain, Thaddeus,” tinabig niya ito at tumuloy sa harap ng fridge para maghanap ng maaaring iluto para malagyan ng laman ang sikmura nito. At para manahimik na rin ito. “Ano bang gusto mong kainin?”
“Kahit ano basta luto mo ayos lang,” sagot nito.
Bumuntong-hininga na lang siya. Wala pang ilang saglit ay nasa tabi niya na naman ito. Naiinis siyang tumingin dito. Paano ba siya makakapagluto kung patuloy ang pangungulit nito?
Iniabot nito sa kanya ang hawak-hawak nitong spatula. “Ito ang gamitin mo sa pagluto,” anito. “This is Spongebob’s spatula, matagal ko ng itinatago—”
Inagaw niya dito ang spatula. “Sige na, maupo ka na diyan at manahimik. Ang ingay-ingay mo.”
Masaya naman itong tumango at sumunod sa kanya. Para talaga itong bata. Nang manahimik ito ay humarap na siya sa kitchen counter at nagsimula na sa pagluluto. Pero ilang saglit lang ay muli na naman itong nagsalita.
“I think I want a breakfast in bed every day, lalo na kung ikaw ang magluluto,” sabi nito.
Ipinaikot niya ang mga mata. “Kung gusto mong palagi kang may breakfast in bed, sa loob ka ng refrigerator matulog.”
“Ang damot mo naman.”
“Ewan ko sa’yo,” napailing siya. “Bakit kasi ang hilig-hilig mo sa pagkain?”
Tumawa ito. “I really like foods and… you.”
Bahagya siyang natigilan sa sinabi nito pero mabilis niya ring nakalma ang sarili. Nambobola na naman ito, panigurado iyon. Hindi siya dapat nagpapadala sa mga pambobola nito. Hindi niya na lang ito sinagot.
Mukhang walang balak na rin itong magsalita dahil mahabang katahimikan na ang namagitan sa kanila. Bahagya siyang nailang sa katahimikang iyon kaya lumingon siya dito. Kumunot ang noo niya nang makitang nakangisi ito habang nakatingin sa kanya.
“Anong ngini-ngisi-ngisi mo diyan?” tanong niya dito. May kalokohan na naman ba itong ginawa?
Lumawak ang pagkangisi nito. “I really want to touch your butt.”
Napasinghap siya at galit na galit na sinugod ito. Akmang ipupukpok niya ang hawak na spatula dito nang mapigilan siya nito.
“Kay Spongebob ‘yan, huwag mong sirain,” sabi pa nito.
“Wala akong pakialam sa Spongebob mo!” sigaw niya. “Umalis ka na nga dito! Doon ka sa living area at huwag na huwag kang magpapakita sa akin dito. Bastos ka!”
Malakas itong tumawa at nagtatakbo papunta sa living area. Hinang-hina siyang napaupo sa silyang naroroon. Ilang taon na ba ang itinanda niya dahil sa lalaking iyon? Hindi niya na alam.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon