Chapter 9.3

2.8K 37 0
                                        

“SINABI ng huwag ka ng bumili ng mga iyan,” naiinis na sabi ni Elij kay Thaddeus, tinutukoy niya ang mga paper bags na nasa backseat ng sasakyan nito. Laman ng mga iyon ang mga pinamili nitong bagong laruan at damit para sa mga kapatid niya.
Hindi ito sumagot at ngumiti lang sa kanya. Ipinarada nito ang sasakyan sa parking lot ng Azcarraga Hospital at lumabas na sila doon. Ngayong araw ay puwede ng i-discharge ang kapatid niyang si Sam at kahit patuloy siya sa hindi pagsang-ayon ay nagpumilit pa rin si Thaddeus na sumama sa kanya.
Pagkarating nila sa kuwarto ng kapatid ay nakahanda na ito. Inalalayan ito ng nars na bumaba sa kama at lumapit sa kanya. Niyakap siya nito.
“Puwede na daw po akong umuwi, Ate?” tanong nito sa masayang tono.
Tumango siya. Masayang-masaya siya sa nakikitang kaligayahan at bagong lakas ng kapatid. Lumayo ito sa kanya at lumapit kay Thaddeus. Agad naman itong kinarga ni Thaddeus.
“Waahhh! Mas mataas na ako kay Ate,” natutuwang wika ni Sam.
Tumawa siya at kinuha sa nars ang mga gamit nito.
“Puwede na daw po kayong umuwi sabi ni Dr. Azcarraga,” sabi nito sa kanya.
Bahagya pa siyang nailang sa pagbanggit nito sa pangalan ni Matthew. Lihim siyang nagpapasalamat dahil wala ito dito, nahihiya pa siyang pakiharapan ito dahil sa ginawa niya noon.
Nagpasalamat siya sa nurse at niyaya na si Thaddeus umalis. Nang makarating sila sa sasakyan ay agad nitong ipinagmalaki kay Sam ang mga pinamili nito. Masayang-masaya namang pinaglalabas ni Sam ang mga laruan sa paper bags.
“Mamaya na iyan sa bahay, Sam,” utos niya dito.
“Ang iba diyan ay sa Ate Gaile mo, ha?” sabi naman ni Thaddeus at sinimulan ng paandarin ang sasakyan. “May Spongebob din diyan na laruan. Kilala mo ba siya?”
Tumango si Sam. “Opo. ‘Yong kulay dilaw na palaging may kasamang starfish.”
Tumawa si Thaddeus at napailing na lang siya. Igagaya pa nito dito ang kapatid niya.
Patuloy lang na nagku-kuwento si Thaddeus kay Sam ng tungkol sa Spongebob nito habang siya ay nakikinig lang at pinagmamasdan ang mga ito. They looked so close and happy, mukhang ang mga ito pa ang magkapatid.
Nang makarating sila sa apartment nila sa Pasay ay muli nitong kinarga si Sam habang siya ang nagdala ng mga gamit nito at pinamili. Agad na sumalubong sa kanila ang kapatid na si Gaile, hindi pa siya makapaniwala nang dumiretso agad ito kay Thaddeus sa halip na sa kanya.
“Kuya,” niyakap nito si Thaddeus na nakaluhod na at yakap ang dalawa niyang kapatid.
“Siya ba ang kapatid mo, Gaile?” nagtatampong tanong niya dito.
Lumabi si Gaile at napilitang lumapit sa kanya. Lumiwanag ang mukha nito nang makita ang mga bitbit niya. “Para sa akin ba iyan, Ate?” excited na tanong nito.
Napabuntong-hininga siya. Lumapit lang ito sa kanya dahil sa mga dala niya? Iniabot niya ang mga ito dito at sinabing hati ito at si Sam. Nalipat ang tingin niya sa ina nang lumabas ito sa kuwarto kasama si Lara.
“Ate, kumain na po ba kayo?” tanong ni Lara at napasulyap kay Thaddeus. Maging ang ina niya ay nakatingin na din sa lalaki.
“May bisita pala tayo,” inilipat ng ina niya ang tingin sa kanya, may kislap na sa mga mata nito. “Sino itong guwapong lalaking kasama mo, anak?”
Napatingin siya kay Thaddeus na nakaupo na sa sahig at kalong na ang dalawang kapatid. Gusto niyang pagalitan ang mga ito dahil para bang wala silang upuan at pinahihirapan pa ang lalaki. “Nay, si Thaddeus nga po pala,” pagpapakilala niya dito. “Amo ko po.”
Tumango-tango ang ina niya. “Naku, Sir. Pasensiya na po kayo sa mga anak ko,” paghingi nito ng paumanhin sa ginagawa ng mga kapatid niya.
Ngumiti si Thaddeus dito. “Ayos lang po. Matagal ko na nga po kayong gustong makilala. Hindi ko lang po kayo maabutan sa ospital. Kumusta—” napatigil ito nang isubo ni Sam dito ang isang laruan.
“Sam!” pagalit niya sa kapatid at inilayo ito kay Thaddeus.
Napatawa naman si Thaddeus at ganoon din ang ina niya. Maya-maya ay tumayo si Gaile at itinapat sa lalaki ang hawak na bagong damit. “Bagay sa akin ito, Kuya, hindi ba?”
Tumayo si Thaddeus. “Bagay na bagay,” pinisil pa nito ang pisngi ni Gaile.
Napailing na lang siya sa mga ito. Muli siyang bumaling sa ina at nakita ang naglalarong ngiti sa mga labi nito habang nakatingin sa kanya at kay Thaddeus. Pinanlakihan niya ito ng mga mata, alam niya ang iniisip nito at nagkakamali ito.
Maya-maya lang ay nakarinig na sila ng pagtunog ng cell phone. It was Thaddeus’. Tumayo ito at nag-excuse sa kanila para sagutin ang tawag. Ilang sandali lang ay bumalik na ito.
“Client,” sabi nito. “Kailangan ko na munang umalis, Elij.”
“Aalis ka na agad, Kuya?” tanong dito ni Gaile.
Ngumiti ito at tumango. “Kailangan. Sa trabaho ko ito. Babalik na lang ako sa susunod na araw, hmm?”
“Sasamahan na kita,” aniya. Akmang magpapaalam na siya sa pamilya nang muli itong magsalita.
“Hindi na, ako na lang. Dito ka na muna sa pamilya mo,” ngumiti ito. “Basta sisiguraduhin mong babalik ka sa bahay,” he winked and blew a kiss in her direction. Pagkatapos ay agad na itong nagpaalam at lumakad palayo.
Nararamdaman niya pa ang mga tinging nakatuon sa kanya, her face was burning. Bakit ba gumagawa ang lalaking iyon ng mga bagay na maaaring maging dahilan ng iba para mag-isip ng kung anu-ano tungkol sa kanila? Gusto niya itong habulin at batukan.
“Mukhang tipong-tipo ka ng boss mo, ah, anak?” narinig pa niyang tudyo ng ina.
Lumingon siya dito, nanlalaki ang mga mata. “Nay, maloko lang talaga ang lalaking iyon. Hindi iyon nagse-seryoso kaya huwag kayong mag-isip ng kung anu-ano.”
Tumango-tango na lang ito pero hindi pa rin nawawala ang mapanudyong ngiti sa mga labi. Tumingin siya kay Lara na nakangiti rin. Pati ba naman ito ay pag-iisipan siya ng kung ano?
“Guwapo naman siya, Ate, ah?” sabi pa ni Lara. “Imposible namang hindi mo siya type kahit papaano.”
“Hindi talaga,” tinalikuran niya ang mga ito at padabog na naupo sa upuang naroroon. Narinig pa niya ang pagtawa ng mga ito.
Napatingin siya kay Gaile nang lumapit ito sa kanya, nakasimangot ito. “Gusto mo ba siya, Ate?” tukoy nito kay Thaddeus.
Bumuntong-hininga siya at marahang umiling. “Hindi, Gaile. Nagloloko lang si Kuya Thaddeus mo kanina,” paliwanag niya dito.
Malawak itong ngumiti at tumango. “Okay. Kasi prince charming ko siya, Ate, kaya iba na lang ang prince charming mo.”
Napanganga siya sa sinabi nito. Sumasakit na ang ulo niya dahil sa kagagawan ng lalaking iyon!

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon