MALUNGKOT na pumasok si Elij sa loob ng bahay ni Thaddeus ng gabing iyon. Gusto niya ng magpahinga at kalimutan ang munting hapdi sa puso niya dahil sa nangyari kanina sa ospital. Napatigil siya sa paghakbang nang makitang nakabukas ang private bar ng bahay na iyon.
Kumunot ang noo niya at tumuloy sa loob niyon. Umiinom na naman ba si Thaddeus para makatulog?
Tama nga ang hula niya dahil nakita niya kaagad itong nakaupo sa couch na naroroon at umiinom ng beer.
Lumapit siya dito at agad naman itong napangiti nang makita siya. “Kumusta na si Sam?” tanong nito.
Sumulyap siya sa limang lata ng beer na naubos na nito at napailing. “Balak mo ba talagang sunugin ang sikmura mo, Thaddeus?” pagalit niya dito. Inagaw niya dito ang hawak nitong lata ng beer at ipinatong iyon sa mesang nasa harap nito.
Tumawa lang ito at sumandal sa sandalan ng couch. “Ang higpit naman ng bodyguard ko,” napailing pa ito. “Hindi kasi ako makatulog, wala rin naman akong makausap dito dahil umalis ka.”
Bumuntong-hininga siya at naupo sa tabi nito. “Bakit? May nangyari ba sa trabaho mo?”
Umismid ito. “Wala naman, may bago lang akong kliyente na kumukuha ng legal separation contract,” tumawa pa ito. “Mabuti naman at naisipan niya ng kumawala sa asawa niya. Sinasabi ko na nga bang doon din mapupunta ang mga ‘yon.”
Umiling siya. “Bakit ba napakahilig mong gawing biro ang mga masasamang bagay na iyan? Hindi ka ba naaawa sa kanila?”
“You know, relationships are always like that,” sagot nito. “It feels like Halcyon days when you’re in love and all, parang napaka-payapa ng lahat pero mawawala rin ang kasiyahang iyon kapag naging mag-asawa na kayo. Magsasawa rin ang isa sa inyo, at pagkatapos gagawa siya ng paraan para magkahiwalay kayo. Kahit na anong klase ng kasinungalingan ay gagawin niya!” buong lakas nitong sinipa ang mesang nasa harap nila.
Nagulat siya sa ginawa nito, bumalot ang takot sa puso niya dahil sa inakto nitong iyon at dahil sa nakikitang galit sa mukha nito.
“Hayop siya! Wala siyang kuwenta!” galit na galit na pagmumura nito. Lasing na ito, alam niya iyon.
Tumayo ito para kumuha ulit ng alak pero mabilis niya ng nahanggit ang kamay nito at hinila muli paupo sa couch. Niyakap niya ito ng mahigpit para pakalmahin ito. “Thaddeus, tama na,” pakiusap niya.
Nagulat siya nang umiyak ito sa balikat niya. “Siya ang dahilan kung bakit namatay si Mama… siya…” patuloy lang ito sa paghagulhol na para bang noon lang nito nailabas ang lahat ng sama ng loob.
Marahan niyang hinagod ang likod nito. Ano bang sinasabi nito? Gusto niyang malaman kung bakit ito nagkakaganito. Bahagya niya itong inilayo at tinitigan ang puno ng paghihinagpis na mukha nito. No, hindi niya gustong makita ang mukha nitong ganito. Nasanay na siyang makita ang masayang mukha nito.
“Ano bang nangyari?” mahinahong tanong niya, pinupunasan ang mga luha sa mukha nito. “Puwede mong sabihin sa akin. Kanino ka ba nagagalit?”
Sumiklab ang poot sa mga mata nito. “Sa hayop na lalaking iyon! Kung hindi siya nakipaghiwalay kay Mama, hindi sana siya naaksidente at namatay!”
Alam niya kung sino ang tinutukoy nito. Ang ama nitong si Claudio Ramirez. Ikinulong niya sa dalawang palad ang mukha nito at hinayaan itong magpatuloy. Nakahanda siyang makinig dito. Wala na siyang pakialam sa kahit ano, kailangan nito ng makakausap at makikinig sa lahat ng dinadala nitong saloobin. At siya ang naririto ngayon.
“Dahil sa abogado siya kaya nagawan niya ng paraan ang lahat para palabasin sa korte na si Mama ang nagtataksil sa kanya, pero ang totoo ay siya itong may kalaguyo!” buong pait na dugtong nito. “Sa tingin ba niya hindi ko alam? Hindi ko alam na pineke niya ang lahat ng ebidensiyang ipinakita niya sa korte para lumabas na siya ang inosente? Alam ko ang lahat ng iyon! Bata pa lang ako noon, oo, pero naiintindihan ko ang lahat! Alam na alam ko kung anong klase ng abogado siya! Walang kuwenta at mukhang pera!”
Muli na namang tumulo ang mga luha nito, maging siya ay hindi na rin napigilan ang pag-iyak. “Hindi ko makakalimutan ang araw na iyon,” anito. “Ang araw na natanggap ni Mama ang desisyon ng korteng payagan silang magkahiwalay. Alam kong mahal na mahal ni Mama ang lalaking iyon at hindi niya matanggap na mawawala na ito sa kanya,” ilang saglit itong huminto. “Iyon ang huling gabing nakita ko siyang humihinga. Nagpaalam siya sa akin na magpapahangin lang daw siya at babalik siya pero nabalitaan ko na lang na naaksidente siya.”
Niyakap niya ito ng mahigpit. Hindi niya alam na ganito kasakit ang pinagdaanan nito.
“Sabi niya babalikan niya ako pero ang balak niya pala ay iwanan ako dahil sa hayop na lalaking iyon!” tumigil na ito sa pag-iyak. “Ni hindi man lang nagpakita ang lalaking iyon sa libing ni Mama. Siguro masayang-masaya siya ng mga oras na iyon dahil libre na siyang makasama ang kabit niya ng walang pahirap na kontrata,” humugot ito ng malalim na hininga bago nagpatuloy. “Hinding-hindi ko siya mapapatawad. Simula noon ay kinalimutan ko ng may ama pa ako. Pinilit kong makapagtapos at maipakita sa kanya na magiging isa akong abogado na malayong-malayo sa kanya.”
Ilang sandali lang ay bahagya itong lumayo sa kanya at pinakatitigan siya. May isang ngiti ng sumilay sa mga labi nito. “Masyado na ba akong naging ma-drama?” tanong nito.
Ngumiti din siya at tumango. “Mas ma-drama ka pa pala sa akin,” sagot niya.
Tumawa ito. “Siguro dahil sa nainom ko,” umiling pa ito. “Bakit ko ba nasabi ang mga iyon?”
“Ayos lang, at least, nakita ko na kung paano umiyak ang lawyer na Arzadon,” tudyo niya pa. She preferred to see him smiling than crying.
Tinitigan niya ito ng mahabang sandali. Ganoon din naman ito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit parang napakadali na para sa kanya ang titigan ito ng walang alinlangan. Naguguluhan na siya sa takbo ng isip at puso niya. Dapat ay nasasaktan siya ngayon dahil sa rejection na natanggap niya mula kay Matthew, pero parang bigla na lang gumaan ang loob niya ng makasama ang lalaking itong nasa harapan niya.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon
RomanceElij applied as a personal assistant/personal bodyguard of the famous lawyer - Thaddeus Arzadon. Pero hindi gaya ng inaasahang gawain ng isang assistant, iba ang pakay niya sa pagpasok sa buhay nito. She had to stay near him to know his every move...
![[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadon](https://img.wattpad.com/cover/198052992-64-k364172.jpg)