Nagmamaktol pa si Sarah sa sobrang inis habang pumapara ng tricycle si Bruno.
May humintong tricycle.
Nakita ni Bruno na may sakay na gwapo sa loob ng tricycle kaya bago pa man makahakbang si Sarah papasok ay inunahan na n'ya ang kaibigan at agad na pumasok sa loob ng sidecar at tumabi sa lalaki.
"Aba hoy! Beks, ako talaga sa likod? Aura over friendship?!" talak ni Sarah na mukhang nahalata na ang pag-aura ng bestfriend kaya wala s'yang choice kundi sa likod ng tricycle sumakay.
Mainit pa rin ang ulo ni Sarah kaya dali dali s'yang sumalampak sa likod ng driver nang makitang umusod na agad ng upuan ang isa pang lalaking nakaupo na noon sa likod ng driver. Tanda ng pagiging gentleman nito at para paupuin si Sarah sa mas malambot na parte ng back ride ng tricycle.
May nagsalita.
"Aba suplada siya. Hindi namamansin." sabi ng isang pamilyar boses na agad ding narecognize ni Sarah.
Si Cedric.
"Eh kung napansin kita agad d'yan, di binati na sana kita. Eh kaso nga, hindi!" pabalang na sagot ni Sarah kay Cedric.
"Ayyy... mainit ang ulo niya. Sorry. Akala ko nakita mo ako." bahagyang napahiya si Cedric.
Sumisigaw si Sarah sa kaibigang nasa loob ng sidecar ng tricycle at kasalukuyan nang umaaura. "Mare, wala akong baryabols!!! Ikaw na muna magbayad ha!"
"Ako na, Sarah." sabat ni Cedric.
Napatingin si Sarah kay Cedric. Mainit pa rin ang ulo.
"Ako at ang bestfriend ko, ililibre mo?" tanong ni Sarah.
"Oo. Dalawa kayo di ba? Ako na nga ang bahala." sagot ni Cedric.
"Sige, salamat. Itong si Bruno nakakita lang ng lalaki, bigla bigla na lang nabingi!" sagot ni Sarah. "Sigurado ka pati si Bruno ililibre mo?"
"Oo naman! Babae lang ba ang inililibre?" magalang na sagot ni Cedric.
Nagpatuloy sa kwentuhan ang dalawa.
"Bakit nga pala mainit ang ulo mo?" tanong ni Cedric sa noo'y kumakalma nang si Sarah.
"Kasi yung ka-varsity mong si Bryan, binastos si Bruno!" sagot ni Sarah na parang nahighblood ulit nang naalala ang nangyari kanina.
"Hahaha! Grabe talaga yang si Bryan! Anong ginawa n'ya?" parang nahiya si Cedric para sa kaibigang si Bryan.
"Wag na lang. Long story. Iinit lang ulit ang ulo ko. Oh saan ka pala nanggaling? At hindi ata kayo nagtraining ngayon. Hindi kasi nakapambasketball si Bryan eh." tanong ni Sarah kay Cedric na napansin n'yang hindi rin naka basketball uniform.
"Ahhh birthday kasi nung coach namin. Inimbitahan lang kaming kumain kanina pagkatapos ng klase kaya hindi kami nagtraining today. Di ba nagmamadali akong umalis kanina after ng last subject? Baka maubusan ako ng handa eh." paliwanag ni Cedric.
Hindi sumagot si Sarah.
"Ahhh Sarah, pasensya ka na kay Bryan, mapagbiro talaga yun. Sa team namin, s'ya palagi ang nasasabihang mahangin eh." sinubukan ni Cedric na basagin ang katahimikan ng kaibigan sa kabila ng humaharurot na tambutso ng tricycle.
"Ok na yun. Kalimutan mo na yun. Wala tayong homework di ba?" pag-iwas ni Sarah sa usapan tungkol kay Bryan.
Naunang bumaba ang lalaki sa loob ng sidecar. Maya-maya pa ay bumaba na rin si Bruno.
Nagsalita ang driver ng tricycle. "Sa Golden Subdivision ba kayong dalawa? Malayo layo pa, lipat na lang kayo sa loob nang makaupo kayo nang maayos."
Lumipat sina Cedric at Sarah sa loob para maging komportable naman ang upo nilang dalawa.
Nagpatuloy pa sa kwentuhan ang magkaibigan.
"Ahh kumusta nga pala si Ate Juanita at mga kuya mo?" naalalang kumustahin ni Sarah ang kasambahay nina Cedric.
"Ayun ok naman. Nahigblood lang kagabi kasi naparami ang kain ng crispy pata. Ang mga kuya ko naman, ayun ganun pa rin, busy sa mga trabaho nila at sa pagbabatak sa gym." kwento ni Cedric.
"Ahhh naku sabihin mo kay Ate Juanita, mag-ingat ingat s'ya. At ikumusta mo ko sa mga kuya mo." tumatawang sagot ni Sarah habang naiimagine na naman n'ya ang nagguwapuhang mga kapatid ni Cedric.
"Sa parlor n'yo naman kumusta? OK ba ang pwesto sa harap ng subdivision? Sigurado malakas ang kita nina Nanay Robert at Nanay Junjun doon kasi kayo lang naman ang may parlor na malapit sa subdivision at mura pa. Magaling din daw magpedicure si Nanay Junjun sabi ni Ate Juanita." pangugumustang sagot ni Cedric.
"Ayun keribels lang naman. Bongga naman lalo na pag may service sila sa labas ng pag-aayos ng mga debut at kasal. Happy naman yung dalawa." sagot ni Sarah.
Mga isang minuto silang nagpapakiramdaman kung sino ang susunod na magtatanong.
Bigla silang nagtanong at magkasabay pa na ikinagulat nilang dalawa.
"SINONG KA-DATE MO SA PROM?"
Nagtawanan ang magkaibigan.
Naulinigan ng tricycle driver ang tawanan ng dalawang pasahero at napabulong ang driver sa sarili, "Ang mga kabataan talaga ngayon, sa tricycle lang nagkakilala, nagkakamabutihan agad."
"Wala pa nga eh. Kelangan ba yun?" sagot ni Sarah kay Cedric.
"Hindi naman ata pero mas ok kung may ka-date di ba? Ako nga nag-iisip na rin kung sino." sabi ni Cedric kay Sarah.
"Uhhhm, ako ok lang namang waley akong ka-date. Kung waley talaga eh si Bruno na lang ang idi-date ko, mukha naman s'yang lalaki." sagot ni Sarah habang naiimagine ang mangyayari kung si Bruno ang ka date n'ya.
Tipid na ngiti lang ang isinagot ni Cedric.
"Manong, para po." bababa na si Sarah.
"Manong, ako na lang po ang magbabayad para sa kanila nung kasabay n'yang sumakay kanina." sabi ni Cedric sa tricycle driver.
Napangiti ang tricycle driver at napasabing "Aba akalain mo, pati yata yung bakla kanina, iiskoran ng batang to at ililibre rin. Akala ko yung chicks lang."
Nagpaalaman sina Cedric at Sarah. Kumaway pa si Sarah bago makalayo ang tricycle habang si Cedric ay naiwan na lang mag-isang pasahero.
BINABASA MO ANG
Bet Kita! Walang Echos!
HumorPaano kung ang isang "babaeng bakla" ay magmahal sa isang lalaking medyo tagilid ang pagiging "lalaki"? Kanino nga ba ang conflict, kay Ateng o kay Koyah? Sumama tayo sa nakakalokang paglalakbay sa buhay nina SARAH at CEDRIC!!!! Push!!!