Prologue

165 8 4
                                    

Nagsimula ang lahat noong gabing iyon...

Limang armadong lalaki ang maingat na nilusob ang bahay ng isang politiko na kalaban ng kanilang partido.

Isa isa nilang pinagtutumba mula sa likod ang mga gwardya na nakapaligid sa mansyon. Kanilang sinigurado na maisasagawa nila ang kanilang plano nang walang ingay upang hindi mabahala ang mga tao sa loob.

"Ang pinunta natin dito ay si Esguerra. Alalahanin nyo na maging maingat at dapat malinis ang pagkakagawa."

Banggit noong isa sa mga lalaki. Siya'y napangiti nang maalala kung anong ipagbibili niya sa pera na binayad sakanila para gawin ang misyong ito. Alam nila na kapag nanalo ang kanilang partido, sila rin ang makikinabang sa pribilehiyong iyon.

Ngunit sa politika, kailangan patumbahin ang sinumang hahadlang sa iyong pag-angat.

"Anton, ano ang gagawin natin kung sakaling madaanan natin ang kaniyang asawa't anak?" Tanong ng isa pang lalaki habang nilalaro ang kaniyang kutsilyo.

"Katulad ng sabi ko, kailangan malinis ang ating pagkakagawa. Madamay na ang madamay, hindi tayo pwedeng magkaroon ng testigo" Sabi muli noong unang lalaki. Nagsimula na silang maghanda upang pasukin ang bahay.

Lingid sa kanilang alam ay nakikita sila ng isang batang babae na nakadungaw sa kanyang veranda. Alam ng bata na masama ang kaniyang kutob sa nangyayari. Lalabas lang sana sya upang makalanghap ng hangin nang makita nya ang limang lalaki.

Dali dali namang pinuntahan ng babae ang kuwarto ng kaniyang magulang upang ipaalam ang kanyang nakita. Agad namang kinuha ng kaniyang ama ang baril na Nakatago sa ilalim ng mattress at sinabihan ang kaniyang mag ina na magtago.

kumakabog ang dibdib ng bata habang siya ay hinihila ng kanyang ina papunta sa kung saan. Unti unti siyang kinakain ng takot at gusto na niyang humagulgol ngunit kailangan niyang magpakatatag ng loob.

"Sol, huwag kang lalabas dito ha? Maging tahimik ka para hindi ka nila makita, naiintindihan mo ba?"
Tango lamang nang tango si Sol habang siya ay pinupwesto ng kanyang ina sa loob ng aparador.

Ayaw niya sanang bitawan ang kamay ng kanyang ina ngunit agad itong humiwalay at sinara ang pinto ng aparador. Walang nagawa si Sol kung hindi umiyak ng tahimik.

Ngunit limang sagundo lamang ang nakalilipas ay nakarinig siya ng mahinang sunod sunod na putok at matinis na tili ng kanyang ina. Sa takot para sa kaniyang magulang ay agad na lumabas si Sol sa aparador at hinanap ang pinanggalingan ng ingay.

Agad na nanigas si Sol sa kaniyang pagkakalakad nang mabigla sa kaniyang naabutan. Ang kaniyang ina ay nakahilata sa labas ng pintuan at pinaliliguan ng dugo na nangagaling sa kaniyang ulo. Bakas pa sa mukha nito ang takot habang unti unti nawawala ang kulay ng kaniyang mukha.

Hindi napansin ni Sol ang lalaking nakatayo sa kaliwa. Medyo malayo ito ng kaunti sa dalawang babae ngunit dahan dahan nitong kinakasa muli ang hawak na baril at itinutok sa bata.

Narinig ni sol ang kanta ng mahinay na pagkasa at napalingon sa lalaki. Ang mukha ng bata ay kaawa awa dahil sa pagkabigla sa sitwasyon ng ina at pagka-takot dahil alam niya na iyon din ang kahihinatnan niya kapag pinutok na ng lalaki ang nakatutok na gatilyo.

"H-huwag.." Iyon na lamang ang nasabi ni Sol bago pindutin ng lalaki ang kaniyang gatilyo habang nakapikit.

Nasa konsensya ng lalaki ang pagpatay sa bata ngunit lalong ayaw niyang makulong kung sakaling makatakas ang bata at tumestigo. Agad siyang bumaba at natagpuan ang kanyang mga kasama na nakapaligid sa nakahikatay na si Esguerra

Ang mga lalaki ay inaayos ang pangyayari para ipagmukha na si Esguerra ang pumatay sa kanyang mga kasambahay, guwardya at pamilya. Pagkatapos ay nagpakamatay rin.

"Magkakalat nalang tayo ng bali-balita na nabaliw na itong si Esguerra at kukuha tayo ng tao upang tumestigo sa kwentong ito. Siguraduhin niyo na malinis ninyo itong gawin at huwag kayo magiiwan ng bakas" Sabi ng isa sa mga lalaki habang kinukuha ang baril sa kamay ng nakahandusay na si Esguerra at pinalitan ng kaniyang baril.

"Anton, kailangan na natin umalis dito. Nakatawag pa ang isa sa mga kasambahay ng pulis at siguradong pag nagtagal pa tayo ay maabutan nila tayo dito" ani ng lalaki, babala sa kaniyang mga kasama.

Mabilis na kumilos ang limang lalaki at wala sa oras ay nakaalis na sila roon.

Sa ikalawang palapag naman ng bahay ay nakahilata ang batang babae habang hawak ang kaniyang dumudugong dibdib. Pinipilit ni Sol na tumayo upang hanapin ang kaniyang ama pero natumba rin ito dahil sa pagkawala ng lakas.

"Mommy.." umiiyak na sabi ni Sol nang makita muli ang kaniyang ina. Hinawakan nya ang malamig na kamay nito at hinalikan sa pisngi.

Nais ni Sol na humingi ng tulong sa kung sino mang makakarinig kung kaya't gamit ang natitira niyang lakas ay gumapang siya papuntang veranda.

Pagdating doon ay tuluyan na siyang nawalan ng lakas at humilata. kanyang nilalabanan ang kadiliman na gustong sakupin ang paningin niya.

"Tulong, t-tulong" mahinang banggit ni Sol, umaasang may makarinig sakaniya kahit kapit bahay man lang sana.

Napatingin siya sa kalangitan at nakita ang napakalaking buwan. Bilog na bilog ito ngayong gabi at sobrang lapit sa mundo na parang abot kamay lamang ito ni Sol.

Ngayon lang nakakita si Sol ng buwan na ganun kalaki, kaganda, at kahiwaga. Kung kaya't nagbanggit sya ng kaniyang hiling

"T-tulong, wag sana h-huminto ang pagt..pagt..pagtibok ng...puso ko"
Bulong niya kahit alam niyang walang makakarinig. Nais niyang tumagal pa, bata pa lamang siya at madami pang gustong gawin. Kung sana ay umabot pa ang kanyang puso hanggang sa may sumaklolo sakanila.

At napakaswerte ni Sol dahil mabait ang tadhana at may nakarinig ng kanyang hiling.

Dalawang pares ng kulay abong mata ang nakakita sakaniya. Ang lalaking ito ay may maputlang balat at buhok na kasing kulay ng gabi. May suot na itim na roba at may hawak na napakahabang itim na arnis. Nakaupo ito sa harang ng veranda habang mausisang pinagmamasdan si Sol.

Ngumisi ito at nilapitan ang bata. Agad na nanlaki ang mga mata ni Sol nang makita ang lalaki. Sa kanyang isip ay baka binalikan siya ng mga lumusob sa kanilang tahanan.

Hinanda na niya ang kanyang sarili sa pag aasang babarilin siyang muli ngunit imbis na pagkasa at putok ng baril ay ang malalim at malamig na boses ng lalaki ang kaniyang nadinig.

"Nais mo bang matupad ang iyong hiling?" nakangising sambit ng lalaki at maiiging pinagmamasdan ang bata.

Hindi kilala ni Sol ang lalaking ito, tumango tango nalang siya dahil hindi na kaya ng bibig niyang magsalita. Pinagmasdan ni Sol ang mga mata nito na kulay abo at singganda ng buwan.

"Kung ganoon. Tutuparin ko ang iyong hiling, sa kundisyon na tutuparin mo ang akin" sabi niya pagkatapos ay tumawa. Umupo ito sa lapag at nilapag ang kaniyang mahabang arnis sa gilid.

Lalo pang ginanahan na lumaban si Sol para manatiling gising at pakinggan ang susunod na sasabihin ng misteryosong lalaking ito.

Hinawakan ng lalaki ang dumudugong dibdib ng bata "Sisiguraduhin kong magkakaroon pa ng lakas ang iyong puso.." huminto ito at inilipat ang kaniyang kamay sa kaniyang dibdib bago nagpatuloy.

"Ngunit kapag dumating na ang araw, kailangan mo rin patibukin ang akin" seryosong sabi nito at naghintay sa isasagot ng bata.

Hindi man maintindihan ni Sol kung ano ang ibigsabihin ng lalaki, agad itong tumango dahil sa desperasyon. Kahit hindi man siya sigurado na magagawa ito ng lalaki.

Ngumisi naman muli ang lalaki at hinawakan muli ang dibdib ng bata. Doon nanlaki ang mata ni Sol nang makitang may kulay asul na usok ang lumalabas sa kamay niya

Pagkatapos ay lumapit ang lalaki sa tainga ng bata at bumulong "I will come back for you, remember your promise" iyan ang huling narinig ni Sol bago sya sumuko sa kadiliman at nagpahele sa liwanag ng buwan.

Nang makitang tulog na ang bata ay tumayo na ang lalaki at nagiwan ng isang puting rosas sa kamay ni Sol.

Man in MoonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon