Toss. Flip. Drop.
Takip-takip ni Kuya Ian ang isa niyang kamay. Gano'n naman kasi siya lagi tuwing magdedesisyon. "Heads o tails?" tanong siya sa 'kin.
"Mmm . . . heads!" sagot ko.
"Sige, pag heads, ililibre kita ng ice cream. Pag tails, ako ang ililibre mo."
Sumang-ayon naman ako. Pero pagkaalis niya ng kamay niya, tails ang lumabas. Siyempre, nakipagtalo ako. "Weh! Pa'no 'yon?! Kinokontrol mo, e!"
"Magaling lang ako mag-coin toss."
Nagbuntonghininga ako. Pero tinapik niya ang ulo ko at naglabas ng bente pesos. Sabi na, e. Ililibre din niya ako.
Habang papalakad sa tindero ng ice cream, hindi ko maiwasang itanong, "Bakit ba sa tuwing magdedesisyon ka, toss coin ang lagi mong ginagamit?"
"Maganda kaya 'to kapag nahihirapan ka magdesisyon sa dalawang bagay."
"E, bakit nga?"
"Kasi . . ."
Kung ano man ang gusto sabihin ni Kuya Ian, hindi ko na narinig. Nagising na kasi ako. Panaginip lang pala, isip-isip ko. Sana nanatili na lang ako sa panaginip na 'yon.
Parang ayoko na bumangon. Sa panaginip ko, buhay na buhay ang best friend ko na pinsan ko na kapatid na kung ituring ko—si Kuya Ian.
Gusto ko na lang ulit matulog.
Iyong araw na pinaguusapan namin ang tungkol sa pagko-coin toss ang huling araw namin na nagkasama, huling araw namin na nagkita. Nasa akin pa 'yong piso na 'yon. Remembrance daw. Tinawanan ko pa siya no'ng araw na 'yon kasi kung magsabi siya, e, akala mo aalis siya nang matagal.
Kung alam ko lang, sana tinagalan ko siyang samahan no'ng araw na 'yon.
Hindi ko alam kung pang-ilang beses ko na maglakad papunta sa kabaong niya. Tinitigan ko siya, hindi makapaniwala na nando'n siya at walang buhay. Parang kahapon lang, magkasama kami, nagkukulitan tungkol sa kung sino ang manlilibre ng ice cream. Pero
"Sabi mo 'di mo ko iiwan." Di ko matanggap na wala na siya. Gusto kong patayin 'yong nakabunggo sa kanya, kahit nakakulong naman na. Parang hindi sapat 'yon para sa 'kin, pero sino ba naman ako para kumuha ng buhay ng may buhay? Ang mga magulang nga ni Kuya Ian, napatawad na 'yong nakabangga. Bakit ako . . . hindi ko matanggap? "Ang sama mo. Ang sama-sama mo," paulit-ulit kong bulong.
Iyak ako nang iyak. Twelve years old pa lang ako, at 'di ko akalain na mangyayari na 'yon. Ano ba, fifteen years old pa lang si Kuya Ian. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lang siya kinuha nang gano'n na lang. Bakit kaya bigla na lang siyang napasuko?
Sabi niya nando'n siya sa prom ko, sa graduation ko, kahit siya pa raw ang maging escort ko sa debut ko.
Di ko matanggap.
Siya lang ang sinusumbungan ko ng lahat ng mga kadramahan ko sa buhay. Masaya kasi magkapitbahay lang kami. At simula bata, siya na ang nakakalaro ko. Minsan iniisip ko na sana kapatid ko na lang siya. Pero sabi niya, kapag kapatid ko talaga siya, baka maging masama lang siya sa 'kin. Mas okey raw kung pinsan na lang na parang kapatid ang turingan namin.
"Ang daya. Ang daya-daya mo. 'Di ka talaga marunong tumupad ng pangako."
Pumunta ako sa isang gilid at paulit-ulit na umiyak. Ilang araw na mugto ang mga mata ko. Sinubukan ako patahanin ng kaibigan ko. Freshman pa lang ako—o, actually, magso-sophomore na—kaya ang mga kakilala ko lang sa section ko ang pumunta. Naiyak na naman ako, iniisip na mag-uumpisa akong wala si Kuya Ian sa sophomore life ko.