Chapter 17

32 7 4
                                    

9 Years Ago

Nakaupo ako sa harap ng pinto ng bahay namin, parang ayaw ko pumasok sa loob. Tatanungin ako nila Mom kung anong nangyari sa school. Sasabihin ko syempre wala kasi ayaw kong nag-aalala sila sa akin, hindi ko naman pwede isumbong na na-corner na naman ako nila Steph kanina sa hallway. Pinagtawanan na naman ang dry kong buhok at ang mga pimples ko na natutuyo na.

Natuwa pa naman ako, akala ko magtutuloy-tuloy na ang paggaling ng mukha ko, kaya lang may mga tumutubong bago. Kainis.

Okay lang naman eh, sanay na akong mapagtawanan at ma-bully. Wala na sa akin 'yon. Kaya lang nakakainis dahil ang daming pautot ng school namin, may pa-party pa. Acquaintance party raw, ano kaya 'yon? Kilala ko naman lahat ng kaklase ko may pa-gano'n pa. Kailangan pa raw may escort or date, mukhang tanga.

Inasar ako nila Steph na wala raw maglalakas ng loob samahan ako doon dahil baka mahawa daw sa tigidig ko. Mas nakakahawa kaya sakit niya tsaka walang cure - yung sama ng ugali.

Narinig kong bumukas ang pinto namin pero hindi ako lumingon, malamang si Kuya lang 'yan.

Naupo ang taong lumabas sa tabi ko.

Inabutan ako ng ice cream, chocolate, yung favorite ko.

"What happened, Mi?"

Si Ollie pa talaga. Hay.

Binunot ko ang damo sa tapat ko, "Wala."

Iginiya niya ang ice cream sa akin, "Kunin mo na 'to oh, natutunaw."

Umiling ako, "Ayoko."

Pumalatak siya, "Ano ba yan, binili ko pa naman 'to para sa 'yo talaga."

Tumingin ako sa kanya, "Binili mo?"

Tumango siya, "Oo. Napadaan ako sa convenience store kanina, nakita ko 'to naalala kong favorite mo."

Lumabi ako at kinuha ang ice cream, "Thank you."

Binangga niya nang marahan ng balikat niya ang balikat ko, "Huy. Kwento naman diyan. Bakit ka nagmumukmok?"

Sumubo lang ako ng ice cream imbes na sumagot.

Nagbuntonghininga lang siya pero hindi umalis.

Nakaupo lang kami ro'n hanggang maubos ko na ang ice cream.

Tumikhim si Ollie, "Oh, tapos ka na kumain. Pwede na tayo mag-usap?"

Kinagat ko ang labi ko. Ayaw ko mapahiya kay Ollie kaya ayaw ko magsabi. Ayaw kong malaman niyang malungkot ako kasi wala naman ako mayayaya sa Acquaintance party namin. Siguro magpe-pretend na lang akong hindi papasok, may sakit gano'n.

Binangga ulit ako ni Ollie nang marahan, "Mi, ako ba hindi mo tatanungin kung bakit tahimik rin ako?"

Dahil mukhang hindi niya ako tatantanan ngayon bumaling ako sa kanya, "Bakit ka tahimik, Ollie?"

Nagpipigil siya ng ngiti nang humarap sa akin, "May pupuntahan kasi ako pero wala akong makasama. Pwede mo ako samahan?"

Kumunot ang noo ko, "Saan?"

"May pinapapuntahan sa akin si Mama this weekend, eh hindi pwede si Marky. Ayaw ko pumunta do'n mag-isa, kaya samahan mo ako, pwede?"

Lumabi ako. Bakit naman ako ang gusto nitong kasama?

Ngumiti siya, "May mga ipapamigay kasi kaming gamit sa orphanage malapit dito, maraming bitbit kaya baka pwede tulungan mo ako."

Laging namimigay ng mga gamit ang pamilya ni Ollie sa mga nasa orphanages at sa mga kapos sa buhay. Nakasama na ako minsan pero hindi pa iyon nauulit.

Mimi Turns Pretty - SOON TO BE PUBLISHED ✅Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon